“ALEJO! Ting!” halos patiling tawag ni Amor nang makita ang mga dating kaklase na nakaabang na sa pagdating nila. Hindi pa man tuluyang humihinto ang sasakyan ay inalis na niya ang lock niyon.
“Maghintay ka naman nang kaunti,” sabi ni Joel sa kanya. “Mukha ka namang hindi aabutan. Hindi mo ba nakita na talagang nakaabang sa atin ang mag-asawa?”
Inirapan niya ang asawa. “Pakialam mo ba? Sa excited ako, eh!”
“Excited ka nga. Kung madapa ka naman diyan? Baka mamaya, mabiyak pa ang nguso ng magiging anak ko.”
Umungol siya. “Papayag ba naman akong mapahamak ang ipinagbubuntis ko?”
“Padalus-dalos ka kasing kumilos,” sabi nito, mababa na ang boses.
Bumuntong-hininga si Amor, ipinahalatang napikon siya.
“Now, puwede na tayong bumaba,” ani Joel pagkatapos ihinto ang sasakyan. “Mauna na ako. Hintayin mong alalayan kita.”
Bumuntong-hininga uli siya at sinabayan pa iyon ng irap. Mabilis namang nakaikot sa gawi niya ang asawa. Pero nabuksan na niya ang pinto at talagang bababa na rin siya.
“Careful,” sabi nito nang sumabit ang isang paa niya.
“Ikaw naman kasi, eh. Tinatrato mo akong imbalido. Buntis lang ako, 'no,” angil niya.
“Kung iyan ngang inaalalayan ka, natitisod ka, iyon pa kayang papabayaan kita? Baka mamaya, bumulagta ka na lang diyan,” sagot nito.
“Mukhang ibang klase kayong maglambingan,” naaaliw na sabi ni Fatima Mae sa kanila nang makalapit ito kasama ang asawang si Alejo.
“Ito kasi, eh. Ayaw magpaalalay, clumsy naman,” parang batang sumbong ni Joel.
“Paano naman ako hindi magiging clumsy, lagi ka na lang nakabantay sa akin? Nako-conscious na tuloy ako sa kilos ko,” nakairap na sabi niya.
Tiningnan siya ni Joel, saka ito tumawa, pagkatapos ay hinapit siya sa baywang. “Huwag ka nang umirap. Baka mamaya, ma-absorb pa ng baby natin iyang pag-irap mo, pumangit tuloy. Alam mo namang concerned lang ako sa inyo ni Baby.” Hinalikan siya nito sa sulok ng mga labi. “Amor, mamaya na tayo mag-away uli,” pabulong na sabi nito. “Sa kama.”
“Tse!” kunwari ay pagsusuplada ni Amor pero tumawa na rin siya.
“Pumasok na tayo sa loob. Lalamig ang pagkain,” masiglang sabi ni Ting.
“Ah, okay iyan. Kaya nga kami nagpunta rito, para diyan,” pabirong sabi ni Joel.
“Hanggang ngayon, pare, maloko ka pa rin,” sabi ni Alejo.
“Iyan ang sekreto ko kaya mukha pa rin akong high school. Tingnan mo ang hitsura mo, mukha ka nang tatay ko. Masyado kang serious.”
“Hindi, ah!” Si Ting ang kumontra. “Bumata na nga iyan dahil iba akong mag-alaga. Kung nakita mo siguro si Alejo dati, baka ako pa mismo ang magsabi sa iyo na ang tanda ng mukha niyan.”
“Sige lang, pagtulungan ninyo ako,” tatawa-tawang sabi ni Alejo. Bumaling ito sa kanya. “Kumusta, Amor? Malapit ka nang maging mommy, ah.”
Ngumiti siya. “Aba, hindi lang ako ang may kasalanan dito. Iyang lalaking iyan, sobra!” Itinuro niya ang asawa. “Daig pa ang nagba-Viagra.”
Humagalpak ng tawa si Joel. “Excuse me. Natural itong sa akin. Hindi ko kailangan ng kahit na anong supplement.” Pagkatapos ay ginitgit nito kunwari si Alejo. “Actually, goal ko talaga iyan. Ayaw kasing humintong magtrabaho, eh. O, iyan, nang mabuntis, wala na siyang choice. Taga-Sierra Carmela na uli siya.”
BINABASA MO ANG
Class Pictures Series 3 - High School Flame
Romance"Masisisi mo ba ako kung ngayong nagkita uli tayo, ayoko nang maghintay pa ng matagal na panahon para tuluyan ka nang maging akin?" Walang hindi nakakaalam sa pagmamahalan nina Joanna Marie at Lemuel noong high school. Pero dahil sa mga hindi nila k...