Prologue

858 40 6
                                    

Prologue

1999

TINUNGHAYAN ni Don Joaquin ang walang buhay na katawan ng anak sa pagkakahimlay nito.

"Darating na ang mga anak mo, Onyx. Sa wakas makukumpleto na sila," malungkot na sabi niya. Hinaplos niya ang salamin na nasa tapat ng mukha nito. "Alam kong madami akong pagkukulang sa iyo, anak. Babawi ako sa mga anak mo. Ilalaan ko ang nalalabi ko pang buhay para bigyan ng oras ang mga anak mo, Onyx. Naniniwala akong kaya buhay pa ako hanggang sa ngayon ay para mapunan ang marami kong pagkukulang sa iyo. Sa pamamagitan ng mga anak mo, magkakaroon ako ng isa pang pagkakataon na maging mabuting ama. Patawad, Onyx. Patawad sa lahat naging kasalanan ko sa iyo."

Gumulong ang luha sa pisngi ni Don Joaquin subalit hindi siya natinag sa kinatatayuan. Malaki ang pagsisisi niya. Pero alam niyang hindi na maibabalik ng gaano man kalaking pagsisisi ang buhay ni Onyx.

Nagpapasalamat siya na may mga apo siyang maiiwan sa kanya.

"Don Joaquin," lapit sa kanya ni Amor. "Rumadyo ang guwardiya sa unang gate ng hacienda. Paparating na po ang hinihintay ninyo."

Tumango siya. "Sa library ko sila hihintayin. Makabubuting doon kami unang mag-usap."

"Sige po."

Humakbang na siya sa library sa isang bahagi ng mansyon. Dinatnan niya ang mga apong sina Jet at Flint na naghihintay na rin doon gaya ng bilin niya. Kapwa inip ang makikita sa anyo ng dalawa. At gaya ng dati mas seryoso ang anyo ni Jet.

"Darating na ang mga kapatid ninyo," anunsyo niya sa dalawa.

"Kamukha din namin?" interesadong sabi ni Flint.

"Pinakita na sa atin ni Lolo King ang pictures nila, di ba? Itatanong mo pa," sopla ni Jet dito.

"Malay mo, hindi pala? Baka nga pictures lang natin iyon. Kunwari sila pero hindi," sabi ni Flint.

"Tumigil kayong dalawa. Baka naman mag-away pa kayo sa harap ng mga kapatid ninyo," saway niya sa mga ito.

Nagdaan ang mahabang sandali ng katahimikan. Maya-maya ay bumuka ang pinto ng library. Inihatid ni Amor ang dalawang binatilyo na inaasahan niya.

Bagaman nakaupo ay naramdaman ni Don Joaquin ang pangangalog ng tuhod niya. Ang mga apo niya! Ang quadruplets. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya ang apat na ngayon ay magkakasama sa iisang lugar. Sa iisang silid. Hindi niya kayang ipaliwanag ang sayang pumuno sa kanyang dibdib.

They almost looked the same. Nakikita niya sa mga ito ang sariling anyo noong kabataan niya. At halos pinilas din sa anyo ni Onyx noong kabataan nito. Nagkakaiba lang sa mga eskpresyon ang apat pero iisa pa rin ang mga mukha. 

Dugo at laman niya.

Esquivel.

The King's Rock Series 1 - FLINTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon