Chapter 4

250 59 44
                                    

Seonaid's POV

"Daddy, heto po ang tubig." Pinatong ko ang basong may maligamgam na tubig sa mesang nasa gitna ng sala namin. Humingi kasi si daddy ng tubig kanina sa akin.

Pinaupo ko muna sila sa isa sa aming sofa na nasa sala ng aming bahay. Hindi pa nakakauwi si Horace. Sabi niya 8pm siya uuwi pero hindi bale, hihintayin ko na lang siya.

"Anak, hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa," wika ni mommy habang seryosong nakatingin sa akin.

"Ano po ba ang pinunta niyo dito mommy, daddy?" takang tanong ko.

Nagtinginan muna ang mga ito. Nagtitigan. Tila nag-uusap kahit hindi naman sila nagsasalita.

"Napapadalas po ata ang pagdalaw niyo, bakit po?" tanong ko ulit.

Ilang beses kasi dumadalaw ang parents ko. Minsan dadaan lang sila, tatanungin ako kung okay lang ako tapos aalis na.

"Anak, sumama ka na lang sa amin ng daddy mo. Namimiss ka na kasi namin," pakiusap ni mommy.

"Po?"

"Tama ang mommy mo, anak. Sumama ka sa amin. Magbakasyon ka kaya muna," suhestiyon ng daddy.

"Bakasyon? Magpapaalam muna ako kay Horace. Saka ayokong iwan ang asawa ko. Wala siyang kasama."

Nagtitigan muli ang aking mga magulang sa isa't isa. Panlulumo ang nakikita kong emosyon sa kanilang mukha. May mali ba sa sinabi ko?

"Mabuti pa po mommy, daddy. Umuwi na kayo. Delikado na po sa daan."

"Anak, please tama na!" pagsusumamo ni mommy habang nag-uumpisa nang magtubig ang mga mata nito.

"Ano po bang sinasabi niyo mommy?" pagtataka ko.

Hindi ko kasi maintindihan bakit ganoon ang kaniyang reaksyon.

"Kasalanan ko ito Daniel. Kasalanan ko ito. Dapat hindi ako naniwala sa kanya," pag-iiba ni mommy habang nakatingin kay daddy.

"Ano po bang nangyayari? Bakit po kayo umiiyak mommy?"

"Anak, pakiusap. Sumama ka na sa amin ngayon," baling ni mommy sa akin.

Habang hinahagod naman ni daddy ang likod ni mommy, parang pinapatahan ito.

"Seonaid, kunin mo na ang mga gamit mo, ngayon na!" mando ni daddy habang diretso ang mga tingin nito sa akin.

Tuwing tinatawag ako ni daddy sa pangalan ko, isang bagay lang ang ibig sabihin niyon — seryoso ang daddy.

"Ayoko! Uuwi si Horace. Ayaw niya na hindi ako nakikita tuwing umuuwi siya!"

"Seonaid!"

"Anak."

Sabay nilang sambit. Ayoko man silang paalisin pero kailangan kong gawin ito. Isa pa, ayaw ni Horace na nakikita sila.

Tumayo ako at binuksan ang pinto.

"Mommy, daddy, umalis na po kayo. Dadating na po ang asawa ko. Alam niyo naman na ayaw niya kayong makita," pantataboy ko sa kanila.

Bigla naman humagulhol ang mommy ko habang sapu-sapo ang mukha nito. Napilitan na lamang tumayo si daddy habang inalalayan ang mommy ko palabas ng bahay.

"Babalik kami, Seonaid."

Huling sabi ni daddy bago ko sila pagsarhan ng aming pinto.

Itutuloy...

Wait For Me (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon