Isa, dalawa, tatlo...

46 10 0
                                    

Pipikit at magbibilang mula isa hanggang tatlo,

Umaasang maibabalik ang dating masayang ako,

Nagbabakasakali na sa pagmulat ay magkaroon pa ng mga pagbabago,

Na hindi tuluyang naglaho ang binuong munting paraiso.

------------------------------------------------------------

Sa isip ay muling binalikan kung gaano ako dati kapuno ng pag-asa

Ngunit sa kung ano ako ngayo'y walang mag-aakala

Kay sarap sanang ibalik ang mga magaganda't pinaka pinapahalagahang alaala

Ngunit ang saya ng kahapon ay mas masakit lang tuwing nagpagtatantong hindi na ito maibabalik pa.

------------------------------------------------------------

Sa bawat pagpupumiglas ay lalo lang pinanghihinaan

Paanong sisigaw, kung sa una pa lang ay agad nang hinuhusgahan

Kahit anong paliwanag ay hindi rin naman paniniwalaan

Hanggang sa dulo, ako pa rin naman ang may kasalanan.

------------------------------------------------------------

Nakakarindi na pakinggan ang mga mala-demonyong pagtawa,

Nakakapagod na magpanggap na masaya sa harap ng iba,

Pagod na akong masaktan sa sarili kong mga espada

Nakakasawa na gawin ang susunod na hininga.

------------------------------------------------------------

Ayoko na, ayoko nang marinig ang bawat panghuhusga

Ayoko nang makita sa salamin ang mga pagkakaiba

Ayoko na, ang tanging hangad ko lang ay magtapos na,

Magtapos na ang ilang taong pagdurusa.

------------------------------------------------------------

Sa nagdaang araw ay sinubukan pa ring lumaban

Ginawa ang lahat at pinilit na ang mundo'y maunawaan

Pinilit maglakad kahit matinik pa ang daan

Hinanap ang liwanag sa napakadilim na kalangitan.

------------------------------------------------------------

Sinubukan ko naman kalimutan ang bangungot ng nakaraan

Ngunit sadyang mahirap tumakas kung nangyayari pa rin sa kasalukuyan

Wala nang sapat na lakas upang ipanalo ang laban

Pahinga ang hanap, ngunit pangmatagalan.

------------------------------------------------------------

Sa paglipas ng oras

Sa pagtakas sa sariling mga rehas

Sa bawat pagtangkang tanggalin sa kamay ang mga posas

Sa bawat hiling ko na sana ay may maganda nang bukas.

------------------------------------------------------------

Bakit tila gusto ko na tanggapin ang aking kapalaran

Isampal sa sarili ang mapait na katotohanan

Na kahit anong gawin ay hinding-hindi ko na makakamtan ang kalayaan

Pananahimik ang sagot upang magwakas na ang sinimulan.

------------------------------------------------------------

Kaya't sa huling pagsulat ko

Tulang ito'y iniiwan ko

At sa muling pagbilang ko

Sana'y ibalik ang dating paraiso
Isa, dalawa, tatlo...

Enit-sircH

Isa, dalawa, tatlo.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon