Lumaki ako na pinaghihigpitan ng aking ina sa napakaraming bagay. Bawal akong manood ng telebisyon, kailangan kong mag-aral ng mga leksyon. Bawal akong gumala sa labas, manatili na lamang daw sa bahay. Kahit noong nagdalaga na ako, hindi ako maaaring gumala kasama ang mga kaibigan ko. Ang gusto nila ay maging matalino ako, maging magaling sa napakaraming bagay at maging isang responsableng tao. Parehong may maganda at masamang dulot ang mga paghihigpit nila sa akin. Natuto ako na maglihim at lumayo ang loob ko sa mga tao. Naranasan kong ma-alienate ng mga kaklase ko dahil may mga bagay na nagagawa sila at hindi ako nakakasama. Pero natuto din naman ako na tumayo sa sarili kong mga paa, manindigan at maging matatag.
Hindi ko ikakaila na isa din ako sa mga bata noon na nagtanim ng hinanakit at sama ng loob sa aking mga magulang. Una, magulo ang aking pamilya. Hindi ko na isusulat pa ang mga dahilan dahil napakarami. Pangalawa, nakaramdam ako ng selos sa aking kapatid dahil kung anong higpit sa akin, siya namang luwag nila sa kanya. Tipikal na drama lang naman.
Sa pagpasok ko sa eskwela, napakaraming bagay ang bumuo sa kasalukuyan kong pagkatao. Maraming aral na hindi lamang mula sa mga pahina ng aklat ang aking natutunan. Nadiskubre ko ang aking mga kalakasan pati na rin ang aking mga kahinaan. Naranasan kong tumanggap ng mga karangalan. Naranasan ko rin ang pagtawanan at maging kahihiyan.
Ako si Aries, isang kolehiyala. Sa mga susunod na pahina, matutuklasan mo ang pag-ibig ko at aking buhay.
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig ng Isang Manunula(t): Koleksyon ng mga Akda
PoetryAng aklat na ito ay naglalaman ng mga salaysay, tula at kwento ng kabiguan, pagmamahal, sakit at pag-asa.