kabanata 02: ikapapahamak

80 3 6
                                    

-ˋˏ ༻☁︎༺ ˎˊ-

kabanata 02:
ikapapahamak

Sa katahimikan ng buong paligid, tanging maliliit na tinig lamang ng dalawang bata ang bumubuhay rito. Si Catherine at ang batang babaeng kaniyang kasama ay may angking ngiti habang payapang naglalaro ng kanilang mga manika. Nakaupo ang dalawa sa gitna ng maamong mga damo.

Walang ibang nakakakita kay Paula, ang kaibigan ni Catherine. Sabi sakaniya dati ni Paula ay gawa lang daw siya sa imahinasyon nito. Dahil sa hindi ito naintindihan ng batang si Catherine ay hindi niya nalang ito pinansin pa. Ang mahalaga kasi ay mayroon siyang nakakausap. Paano kasi ay palaging walang oras para sakaniya ang kaniyang mga magulang. Marami raw itong ginagawa.

Lubos nga ang galak na naramdaman ng bata dahil matapos niyang humiling sa langit ng isang kaibigan ay agad sumibol ang presensya ni Paula. Magmula ng araw na 'yun ay palagi na silang magkasama kahit na kadalasan ay may pagkamasungit ang kaniyang kaibigan. Hindi na ito mahalaga pa, saad ni Catherine sa kaniyang isipan matapos pigilan ang iyak matapos unang matarayan ng kaibigan, basta't nandito siya at may kasama ako ay sobrang masaya na ako!

Sa katunayan naman kasi ay hindi naman masungit si Paula, sadyang matalas lamang ang kaniyang dila—isang katangiang hindi makikita kay Catherine. Madalas itong nakasimangot, kinokontra ang bawat pagiging positibo ng kaniyang kaibigan kaya kadalasan siyang napagkakamalang galit—ngunit hindi. Hindi napapansin ni Catherine ang maliit na ngiting sumisibol sa labi ni Paula sa tuwing siya ay nadadala sa pagiging isip bata nito. . . tila nakakalimutang isa lamang siyang imahinasyon nilikha ng malikot na pag-iisip ng kaniyang kaibigan.

"Paula, nagkaroon ako ng isang panaginip! Sobrang hiwaga nito!" nagniningning sa tuwa ang mga mata ni Catherine nang isaad niya ito. Niyakap ang dalawa ng preskong hangin, dahilan kung bakit napapikit ang bata para damhin itong mabuti.

Ngunit, mukhang hindi nakikinig sa kaniya si Paula sapagkat hindi man lamang kumibo ang huli. Sandaling bumusangot ang maamong mukha ni Catherine.

"Paula! Sabi ko nagkaroon ulit ako ng panaginip tungkol sa isang multo!" pilit niyang pagkuha sa atensyon ng kaniyang kaibigan; nanatili kasi ito sa paghaplos sa ulo ng manikang kanilang hinehele.

Maya-maya ay napansin ni Catherine ang paghingang-malalim ni Paula. Nasundan ito ng kimi nitong pagsasalita, "Ayoko sa mga multo. Masasama sila."

Dahil sa sinabi ni Paula ay napatanong si Catherine sa kaniyang sarili: Ano kaya ang dahilan ng multong ito? Bakit palagi itong nagpapakita sa kaniyang panaginip? At isa pa, multo ba talaga ito? Wala man siyang maisagot sa mga katanungang umusbong sa kaniyang utak ay hindi nabura ang pag-asa sa kaniyang mukha.

"Magkikita naman kami ulit mamaya, " saad ng bata habang sinusuklay ang buhok ng kaniyang manika, "Tatanungin ko nalang siya!"

Napatayo si Catherine nang mapuno ang kaniyang sistema ng liwanag ng pag-asa. Umikot-ikot siya sa abandonadong parkeng palagi nilang pinupuntahan ni Paula. Ang saya na kaniyang suot ay nakakasilaw hindi lamang dahil sa kaputian nito ngunit dahil nadagdagan ito ng kasiglahan ng kaniyang presensya. Na para bang ang pagkapositibo niya sa mga bagay-bagay ay isang material na bagay at maaaring hawakan ng kung sinong magnanais. Siguro ay ganoon nga ito at si Catherine mismo ang positibong material ngunit walang nagbabalak na hawakan, maski lapitan. Sa katunayan ay nilalayuan pa nila ang bata, ipinapasawalang bahala.

"Paula, tara dito dali!" may musikang tumutugtog sa labi ni Catherine habang ang pag-ikot ay nauwi na sa pagsayaw. "Sayaw tayo!"

Walang gana ang paglapit ni Paula ngunit taliwas ito sa reaksyon ng kaniyang mukha—nakakunot ang noo nito habang ang maliit na labi ay nakadikit sa isang diretsong linya na.

"Catherine, tigilan mo na ang pagkekwento sa multo na 'yan," madilim ang inosenteng mukha ni Paula, "Tigilan mo na 'yan dahil ikapapahamak mo lang 'yan."

"Anong sinasabi mo, Paula?" inosenteng tanong ng bata, "Ikapapahamak? Bakit naman?"

"Kung ano ang kadalasang ikinasasaya ng isang tao ay siya ring kadalasang dahilan kung bakit sila nakararamdam ng lungkot," pangaral ni Paula ngunit ang dating kay Catherine ay isa itong nakakasakit sa ulong pahayag.

"Ha?" litong tanong ng bata. Nagkibit balikat lamang si Paula at inabot na ang magkabilang kamay sa nakaabang na braso ni Catherine. Nagsimula silang makipaglaro sa simoy ng hangin.

Dumaan ang oras ay nakalimutan na ni Catherine ang tungkol dito sapagkat ito'y madaling napalitan ng kanilang pagtawa at paglalaro. Ngunit sa loob-loob niya ay mayroon pa ring pagtataka kung bakit mayroong mga pagkakataon kung saan hindi niya masundan ang mga salitang lumalabas sa labi ni Paula.

-ˋˏ ༻☁︎༺ ˎˊ-

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 08, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

MadaramaWhere stories live. Discover now