Korona

102 1 0
                                    

Dub-dub. Dub-dub.

     Dumadagundong ang pintig ng aking puso. Pakiramdam ko’y mas malakas pa ito kaysa kulog.

     Bakit kasi pinasukan ko pa ang gulong ito? Itong mga magagarang damit, make-up, at alahas ay mga panakip-butas lamang sa kinagisnan kong lugar. Hindi naman talaga ako nababagay sa mundong ginagalawan ko ngayon ngunit nakuha ko pa ring makipagsapalaran. Sabagay, kasalanan ko rin dahil ginusto ko.

     Nagsimula ang lahat nang ito noong Abril. Napauwi nang maaga ang Papa ko. Nagulat ako dahil minsan lang itong mangyari. Kinabahan tuloy ako nang konti.

     “Mga anak, pumarito muna kayo.”

     Dali- dali akong pumunta sa kinaroroonan ng aking ama. Lalo akong pinawisan. Dalawa lang kasi ang big sabihin nito. May magandang balita siyang sasabihin o ang kabaliktaran.

     “Bakit po, Pa?” tanong ni Ada, kapatid ko.

     “Gusto niyo bang pumunta sa Manila?”

     “Siyempre naman po Pa. Bakit? May libre po ba ngayon sa Cebu Pacific?”, biro ko.

     Napatawa si Papa. “Hindi ah! Kung gusto niyong pumunta sa Manila, kailangan niyong sumali sa... KIDS OF THE YEAR!”

     Nabura ang ngiti sa aking mga labi. Sa tanang buhay ko, hindi pa ako nakakasali ng pang-nasyonal na beauty pageant.

     “Pa, sigurado po ba kayo diyan? Baka mapahiya lang kami ni Ada. Kulang pa rin iyong mga karanasan namin dito, tapos sasabak na tayo sa Manila. Isa pa, malaki ang gagastusin natin diyan. Huwag na lang po.”, paliwanag ko.

     “Kaya nga, puro local na paligsahan lang ang sinasalihan niyo. Sa tingin ko’y panahon na para sumabak sa mas mataas na lebel. Sayang naman ang pagkakataon na ito. Minsan lang ‘to.”, pangangatwiran ni Papa.

     “Sige Pa. Pag-iisan po namin ni ate. ‘Di ba ate?”

     Napailing ako. Mahirap na ngang ipanalo ang mga simpleng paligsahan dito sa amin, doon pa kaya.

     Ilang araw at gabi ang ginugol ko upang makapagdesisyon. Isang parte ng puso’t isipan ko’y nagsasabing huwag tumuloy. Ito ang madalas nakakaramdam ng takot, hiya, at kawalan ng pag-asa. Subali’t ang kabilang panig ay dumidiktang gawin ang makapagpapasaya sa akin.

     Sa bandang huli ay nanaig pa rin ang positibong pananaw ko. Pumayag akong sumali sa Kids of the Year. Nasiyahan sina Papa at Ada ngunit iba ang nakuha kong reaksyon mla kay Mama.

     “Naku, ano naman ang mapapala niyo riyan? Dagdag gastos lang iyan. Hindi iyan pangkaraniwang kontes lamang; lahat ng sasali riyan ay pawang magagaling. Natitiyak kong hindi kayo mananalo.”

     Nasaktan ako sa tinuran ng aking ina. Pakiramdam ko’y nais niyang ipamukha sa aming hindi kami karapat-dapat na sumali dahil hindi kami magaling. Gusto kong patunayan sa kanyang kaya kong makipaglaban at ito ang nagtulak sa akin upang lumipad patungong Manila.

     Makalipas ang dalawang linggo, tumulak kami papunta sa sentro ng Pilipinas. Eroplano ang sasakyang ginamit namin; mabuti na lang at nagkaroon ng bawas sa pamasahe, kung hindi, muntikan na siguro kaming magback-out.

     Ibang-iba ang Manila sa Iligan. Maraming malalaking gusali kaaya ng malls, mga opisina, at kung anu-ano pa. Halos wala kang makikitang mga puno’t halaman. Ang mga tao ay palaging nagmamadali. Tila ba konti na lang ang nalalabi nilang oras sa mundo. Bigla ko tuloy na-miss ang tahimik na buhay sa Mindanao.

     Pansamantala kaming nanirahan sa bahay ng tiyo at tiya ko. Kahit maliit ang bahay nila ay maganda naman. Malinis ang kapaligiran, malayo sa polusyon at ingay, at may mga halaman pa.

     “Uy, narito na pala kayo! Mabuti at hindi kayo nawala. Mahirap kasi rito, maraming pasikot-sikot.”, bati ng tiyo ko.

     Nagmano kami sa tiyo at tiya namin. Pagkatapos, dali-dali naming inayos ni Ada ang mga gamit sa kwarto. Matapos mananghalian ay dumiretso agad kami sa Greenhills, San Juan para sa unang pag-eensayo.

     Hindi nga nagkamali ang ina ko. Lahat ng mga kalaban namin ni Ada ay puro magagaling. Iilan lang siguro ang hindi sanay sa ganitong mga paligsahan. Mapalad ang sinumang makokoronahan.

     Ang unang ginawa namin ay pagsanay sa aming talento. Lahat kami ay inisa-isang pinacatwalk, pinakanta, pinasayaw, at pinaarte. Madalas kong napapansin ang mga titig ng mga kalaban at hurado sa akin ngunit hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nito.

     Nang matapos ang workshop ay sinabihan kami ni Sir Richard, ang nag-organisa ng paligsahan, na maghanda ng talentong itatanghal sa susunod na Sabado. Kasabay na rito ang Grand Finals. Malaki raw ang puntos sa Talent Portion  kaya dapat namin itong paghandaan nang maigi.

     Wala na. Unang araw pa lang ay basag na ang determinasyon ko. Napansin kong halos laha sila ay mahusay rumampa, sumayaw, at kumanta. Ang tanging paraan upang maipanalo ko ang Talent Portion ay ang umarte. Isa lang ang pumasok sa isipin ko, Hindi ako marunong umarte!

     “O ano? Kumusta ang unang araw niyo?”,pangungumusta ni Papa.

     “OK na OK Pa!”, wika ni Ada.

     “Ikaw, Raya?”

     “Ayoko na. Magagaling silang lahat! Wala na tayong pag-asang manalo. Uwi na tayo!”

     “Hahaha! Kita niyo na? Nagsasayang lang tayo ng oras at pera rito. Sumuko na lang kasi kayo.”, pangungutya ni Mama.

     “Wag mga anak. Nasimulan niyo na ito. Kaya dapat niyong tapusin.”

     Tama si Itay. Hindi dapat ako mawalan ng pag-asa. Malay natin? Baka makakuha pa ng espesyal na parangal.

     Labing-apat na araw. Ito lang ang binigay na panahon bago makilala ang mananalo. Labing-apat na araw rn ang ginamit sa pag-eensayo sa paglakad, sa aking pag-arte, sa pagkanta ni Ada.

     Kung minsan gusto ko nang sumuko dahil sobrang nakakapagod ngunit nakokonsensiya ako sa lahat nang ginawa ng mga magulang ko para lang makarating kami rito. Pati nga si Mama tinuturuan na kami ng mga istilo sa pagrampa, pag-arte at pagkanta.

     Noon ko lamang napagtantong mahal na mahal kami ng aming mga magulang. Kahit masakit sa kanilang bulsa, kahit ilang ulit silang magsakripisyo, patuloy pa rin silang nandiyan upang suportahan kami.

     “At ang panghuling binibini ay si Raya Faye Bahian.”

     Bigla akong hinatak pabalik sa kasalukuyan. Ito na ang oras upang ipakita kung anong meron ako. Dire-diretso akong pumunta sa gitna. Nakita ko ang aking ina, wari’y nagsasabing kaya mo iyan. Nabigyan ako ng karagdagang lakas ng loob.

     “Magandang hapon, mga kapamilya, kapuso, at kapatid. Narito tayo ngayon upang tunghayan ang buhay ni Angelica.”

     Tuloy-tuloy ang aking pag-arte. Isinasapuso ko ang bawat eksenang isinulat ni Mama. Ako ay lumuha, nagmaldita, naging pulubi at baliw, kumanta, at sumayaw. Ramdam na ramdam ko ang bawat titig ng mga nanonood sa akin ngunit hindi ko pinahalata na ninenerbiyos na ako.

     Nang matapos ako ay narinig ko ang masigabong palakpakan. Muntik akong umiyak uli dahil sa tuwa. Ibinigay sa akin ang Miss Talent na parangal. Sobra-sobra na ito. Wala na akong pakialam kung hindi ako makatuntong sa Top 5.

     Ngunit laking gulat ko nang matawag ang aking pangalan. Napakaswerte ko na yata at napabilang pa ako sa mga magagaling na binibini.

     Isa-isa nang tnatawag ang mga runner-up. Mas lalo akong nagalak nang dalawa na lang kami.

     Pigil-hininga ang lahat. Dinukot ni Sir Richard ang isang puting sobre.

     “At ang First Runner-up ay si... Miss Moneliza Tuazon!”

     Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Nag-unahang pumatak ang mga luhang kanina pang nagpupumiglas. Ang tanging naikintal sa aking isipan ay ang salitang “Congratulations!”

KoronaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon