QUEZON PROVINCE
"MISS gising na" Nagising ako sa mahimbing kong pagkakatulog ng tapikin ako ni Manong Kundoktor. Inikot ko ang aking paningin sa paligid, wala ng tao. Maski ang katabi ko ay wala na.
"Manong asan na po tayo? At saka asan na po yung katabi ko?" Sunod sunod kong tanong sakanya
"Ahy miss nandito na tayo sa estasyon ng bus. Yung katabi mo ay nakababa na mga ilang minuto na ang nakalilipas." Hindi niya man lang ako ginising, napasimangot tuloy ako.
"Sige po bababa na din po ako. Salamat sa paggising sakin Manong" tumango na lamang ito bilang tugon bago umalis
Inayos ko muna ang mga gamit ko at nagtali ng buhok bago bumaba. Alam ko kasing iba ang temperatura sa labas lalo na't galing sumakay ako sa de-aircon na bus.
Pagkababa ko ng bus ay papasikat pa lamang ang araw. Hindi pa ganun kainit. Mamaya pagkarating ko sa hospital ay siguradong nakasikat na ang araw.
Dahil maaga pa lang at bumabyahe na ang mga tricycle dito sa amin ay hindi ako nahirapang sumakay. Mabuti na lamang at malapit lapit lang rito ang hospital kung kaya't mabilis lamang ang byahe. Kumusta na kaya si Tatay? Ano kayang magiging reaksyon nila pag nakita ako? Sana ay hindi sila galit. 'Sa loob ng limang taon hindi ka man lang umuwi, ano sa tingin mo ang mararamdaman nila?' Napabuntong hininga na lamang ako at nakaramdam ng nerbyos.
Habang patuloy ang byahe ay hindi ko maiwasang maisip na napakalaki na pala ng inunlad ng aming Bayan. Kung dati ay wala ka pang mapupuntahan dito kundi palengke, ngayon halos lahat ng mga sikat na kainan sa Manila ay makikita mo na din dito tulad na lamang ng Jollibee, McDo, Mang Inasal, at iba pa. Kulang na lang ang Mall at maihahalintulad mo na din ito sa isang siyudad.
Natatanaw ko rin habang bumabyahe kami ang lupang sakahan ng mga Catachan. Isa ito sa mga pinaka-malaking sakahan dito sa Quezon Province kung saan halos lahat ata ng gulay ay matatagpuan sa kanilang sakahan, at dito rin nagtatrabaho ang aking mga magulang.
Naalala ko tuloy noong nasa kolehiyo pa lamang ako, halos araw araw ay dumadaan ako sa sakahan nila upang dalhin ang baon nila nanay at tatay, at talagang napapahanga na lang ako sa bawat tanim na aking madadaanan, buti na lang at hindi ako sinisita roon ng iba pang mga trabahador, 'syempre sanay na sila sayo.' Napahagikhik na lamang ako sa aking isipan.
Siguro kung hindi ako pumayag sa gusto nila nanay noon ay hindi ko sana nakilala si Robert. Kung sana ay dito na lamang ako naghanap ng trabaho ay hindi sana ako nawalan ng oras sa aking pamilya. Ang daming sana, pero wala eh. Hindi na maibabalik ang nakaraan.
"Miss andito na po tayo" Napabalik ako sa reyalidad sa sinabi ni Manong driver. Inabot ko dito ang bayad bago kunin ang aking dala dalang duffel bag. Ilang beses pa ako napabuntong hininga bago napagpasyahang pumasok sa loob ng hospital.
Dumiretso kaagad ako sa reception at tinanong kung saan ang kwarto ni Ramon Ambrosia. Tinanong pa muna nito kung ano ang relasyon ko sa pasyente bago ibigay ang room number nito. Heto na, nasa tapat na ako ng pinto kung saan nagpapahinga ang aking tatay. Ninenerbyos ako, paano kung galit sila sakin?
Tatlong beses pa akong kumatok bago buksan ng dahan dahan ang pinto. Pigil hininga ako ng makasalubong ko ng tingin ang aking nanay. Namuo ang luha sa aking mga mata, at maya maya pa ay sunod sunod na itong nagsibagsakan. Agad kong binitawan ang dala kong bag bago takbuhin ang aming distansya.
"Nanay! Nanay ko!" Mahigpit ang yakap ko dito. Ang dating medyo malaman niyang katawan ngayon ay bumagsak na. Anong nangyari?
"Anak, salamat naman at sa limang taon ay nakauwi ka na rin. Miss na miss ka na namin ng tatay mo. Walang araw na hindi ka namin naisip." Ang sama ko, nagawa ko silang tiisin ng limang taon. Oo nga at kinsenas katapusan ako magpadala, pero hindi pa rin maikakaila na mas kailangan nila ng atensyon ko kaysa ang pera.
"Nay pasensya na po. Hindi ko na po gagawin iyon. Pangako Nay babawi ako sainyo ni Tatay" tumatango tango naman ito habang tumutulo pa din ang mga luha
Napatingin ako sa hospital bed, nanlaki ang aking mga mata at napatakip ako sa aking bibig. Ang tatay ko, napaka-payat. Halos makita mo na ang kanyang mga buto. Anong nangyari? Anong sakit niya? Bakit ganito?
Ang daming tanong ang nabuo sa aking isipan. Kailan pa ito? Bakit wala akong alam? 'Kasi mas inuna mo siya.' Ang tanga tanga ko, hinintay ko pang maisugod sa hospital si Tatay bago ako umuwi.
"Nay bakit ganito? Anong nangyari kay Tatay? Anong sabi ng doctor?" Sunod sunod na tanong ko rito
"Nagsimula ito dalawang taon na ang nakalilipas. Noong una ay kaya niya pa, at nakakapagtrabaho pa siya. Ngunit habang tumatagal ay palala na ng palala ang nararamdaman ng tatay mo. Halos lahat ng kainin niya ay isinusuka na niya. Sa ngayon ay hinihintay pa namin ang resulta kay Doc." Dalawang taon niyang tiniis ang sakit niyang ito, wala man lang ako sa tabi ni Tatay ng maranasan niya ito.
"Bakit ngayon lang kayo nagpacheck-up Nay? Hindi po ba kayo nagpunta ng hospital noon?"
"Ayaw ng tatay mo. Sinabi niya na mas mainam daw na itabi yung perang ipinapadala mo upang makapag-ipon at makabili ng sariling lupain." Hindi ko maproseso ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng nanay ko.
Gusto ko siyang sumbatan, sabihin na para sakanila lahat ng perang ipinapadala ko. Na nag-iipon ako para sa lupang gusto ni Tatay. Pero naalala ko, wala nga pala akong karapatan. Ako ang nakalimot, napakasama kong anak.
"Huwag kang mag-alala Nay. Gagaling si Tatay. Magtiwala tayo sa panginoon. At saka kakauwi ko lang oh, hayaan niyo naman sanang makabawi ako sa pagkukulang ko." Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko pag may mangyayaring hindi maganda sa Tatay ko. Gagawin ko ang lahat, at handa akong isakripisyo lahat ng ipon ko para lang sa pagpapagamot niya.
Napangiti si Nanay sa tinuran ko at nagpunas ng mga luha. Nagpaalam siya na bibili muna ng makakain namin habang tulog si Tatay bago lumabas. Ako naman ay nanatiling nakaupo sa tabi ng kama ni Tatay.
Habang tulog si Tatay ay naisipan ko munang buksan ang aking cellphone. Siguradong pudpud na naman sa tawag ni Robert ito. At hindi nga ako nagkamali, pagkabukas na pagkabukas ko pa lamang ng cellphone ko ay bumungad na sakin ang sangkatutak niyang missed calls at bente singkong messages. Hindi na ako nag-abalang buksan basahin ang lahat ng mga ito at sa halip ay nagsimula na akong magtipa ng message para sakanya.
To: Love
Pasensya ka na kung ngayon lang kita nareplyan, wag kang mag-alala ayos lang ako. Gusto ko lamang sabihin sa iyo na tapusin na natin ito. Kasal ka na at hindi tama sa isang lalaki ang may karelasyong iba habang nakatali. Nagpapasalamat ako sa lahat, oo aaminin ko hindi ganun kadali ang lumimot, pero dahil iyon ang nakabubuti ay handa akong magparaya. Sorry dahil sa ngayon ay hindi pa kita mahaharap, pero wag kang mag-alala. Dadating ang araw na magkakaharap tayong muli, hindi bilang isang magkasintahan, kundi isang magkaibigan. Mahal na mahal kita Robert at maraming salamat sa apat na taon nating pagsasama.
Napahawak ako sa aking dibdib ng maisent ko ito. Agad kong pinatay ang aking cellphone. Alam kong mahirap pero ito ang nararapat. Na kahit pinagtagpo lang kami at hindi itinadhana, ang importante naranasan kong maging masaya sa piling niya. Hindi ako galit dahil mas pinili niya ang pera kaysa sakin, naiintindihan ko na may mas higit pa siyang kailangan kaysa sa akin.
Nangangako ako sa sarili ko na sa susunod naming pagkikita, naka-move on na ako at ganun din siya. Ngunit sa ngayon ay kailangan ko munang umiwas, lumayo, at syempre unahin ang aking pamilya.
BINABASA MO ANG
INEFFABLE (ON-GOING)
General Fiction"Loving you is Ineffable baby" -Albia Balton Catachan Felicity Elettra Ambrosia's heart was broken when her long time boyfriend Robert, chose to get married with other woman for the sake of money. Worst is that her father died on the next day. On...