Gabi. Malakas ang ulan. Habang kami magkahawak ng kamay ni Ken, maraming bagay ang pumapaikot sa aking isipan. "Hanggang kailan?" Hanggang kailan ko maaring hayaan ang aking sarili maging masaya kahit na alam natin pareho na ang oras natin ay bilang lamang. Hanggang kailan natin iiwasan ang katotohanan na tayo'y nasa magkaibang mundo, magkaiba tayo. Lalong lumakas ang buhos ng ulan, may payong ngunit wala ring saysay. Basa na tayo, pero patuloy lamang sa paglalakad, tila di natin alintana ang basang kasuotan. Parang relasyon natin na patuloy nating pinaglalaban kahit na alam nating sa dulo'y pareho tayong magiging talunan. Napatigil ako at pinagmasdan ko ang ating mga kamay. Bibitaw na sana ako, ngunit mas lalo mong hinigpitan ang iyong pagkakahawak. Doon ko napagtanto, kapag hindi kita binitawan ngayon, maaring hindi na kita mapakawalan kailanman. Ilang saglit pa, nagpatuloy tayong muli sa paglalakad, nilalamig na ako, ngunit nawala yun sa init na dulot ng palad mo. Tama pa ba? Tama pa bang magpatuloy tayo? malayo pa ang ating lalakarin. Hindi ka ba takot magkasakit? Ako kasi, natatakot ako makasakit. Ayokong sa paglalakad natin, mapagtanto mo na maaari naman tayong tumigil at sakayan mo na lang ako ihatid. Magulo ako, hindi tulad mo na sigurado pero sa pagkakataong ito, nakataya tayo pareho. Sa ilalim ng iisang payong, hawak-kamay tayong nakasilong. Saksi ang maulap na kalangitan, basang daan, mga taong aligaga papuntang sakayan sa gabing napagpasyahan kong ituloy ang laban. Mahal, di ko pa kayang magpaalam, patuloy lamang panghahawakan ang iyong mga kamay at di ito bibitawan.
BINABASA MO ANG
Hindi, Pwede Tayo
RomanceSa kabilang hanggan Malayong pagitan Sa sulok, dun ka natagpuan Mata'y di sinasadyang magkatagpuan Napaiwas na lamang Mali na ika'y magustuhan Hindi pwede, bawal tayo Magkaiba, ating mga mundo Sa bawat sulyap, inaasaha'y iyong paglingon "Imposible"...