Hanggang Kailan

86 4 0
                                    

ONE SHOT

"Gusto kita, katharina."

Kung ibang babae siguro'y nagtatalon na sa tuwa, dahil sino ba namang hindi sasaya na malaman mong may gusto sayo ang isa Phais Trinidad? Pero, iba ako, tinignan ko siya sa mata. Mga matang puno ng pagasa, para saan? Na sabihin kong gusto ko rin siya?

"Hanggang kalian?"

Kumunot ang kanyang noo sa tanong na lumabas sa aking mga labi. Hindi niya ata iyon inaasahan.

"Anong ibig mong sabihin?" nagtataka niyang tanong. Nagpalumba ako sa aking pagkakaupo, dumekwatro at tinaasan siya ng isang kilay. Kung makikita ako ng nanay ko ay tiyak babatukan ako non dahil sa itsura ko ngayon, pero anong magagawa ko kung lumaki ako na isa lamang ang babaeng kasama at pito ang lalake?

"Hangang kalian mo ako magugustuhan?" Lalong kumunot ang dati niya ng kunot na noo, hindi ko na siya binigyan ng pagkakataon para magsalita, "Oo, gusto mo ako ngayon pero sa susunod na buwan ba ako pa rin ang gusto mo?"

Yan ang natutunan ko sa pagkakaroon ng anim na kapatid na lalake, ngayon ay gusto nila ang isang babae, sa susunod ay iba naman. Parang panahon, nagiiba.

"Hindi naman yan mahalaga, ang mahalaga ay gusto kita." Malumanay niyang saad na tila ba pinapaamo ang mabagsik kong personalidad. Umiling ako,

"Mahalaga iyon, dahil kung pagsasawaan mo lang naman ako ay wag nalang. Hindi ko kailangan ng pangmadaliang relasyon, isang lalake na panghabang buhay ang kailangan ko." Hindi ko na siya hinayaang magsalita pa ay tumayo na ako at naglakad paalis, rinig ko ang patawag niya saakin pero hindi ko siya pinansin.

Sa mundong ito, walang permanente change is constant ika nga. Alam ko ring darating ang panahon na magbabago ang ihip ng hangin at makakahanap siya ng ibang babae na may katangiang mas higit saakin at iyon naman ay magugustuhan niya. Hindi na ako umaasa, sa dalawangput isang taon ko sa mundong ibabaw marami na akong nasaksihan at isang bagay ang hindi nagbabago, may maiiwan at masasaktan.

Pito kaming magkakapatid at ako ang nagiisang babae; tatlo ang nakakatanda at tatlo ang nakakabata saakin. Na saksihan ko kung paano maglaro ang mga kapatid ko; kung paano sila magkagusto sa isang babae at kapag nakitaan nila ng hindi kaaaya aya para sakanila ay lilipat sila sa iba.

Labing limang taong gulang ako ng malaman ko na may ibang babae ang tatay ko, nasaksihan ko kung paano niya itsepwerahin ang nanay ko at pansinin lamang kapag nagsawa na siya sa babaeng nahanap niya. Paikot-ikot lamang iyon.

Kaya ako, sinukuan ko na ang mga bagay na ganyan. Hindi naman yan ang magpapayaman saakin, pwera nalamang kung patulan ko ang sinabi ni Phais at magpakasal kami. Ang mga Trinidad na siguro ang pinakamayaman saaming bayan, may ari sila ng isang hacienda na nagbibigay ng trabaho sa napakaraming mamamayan ng bayan namin, sila rin ang may ari ng isang pagawaan ng mga mwebles.

Hinding hindi iyon mangyayari, hindi ako isang mababang babae na papatol para lamang sa yaman dahil alam ko sa sarili ko na kaya kong paangatin ang sarili sa pagsisikap.

Limang araw ang lumipas, hindi kami nagiimikang dalawa kahit pa'y magkasama kami halos araw-araw. Ganoon talaga kung nasa iisang barkadahan kayo, kahit anong mangyari ay hindi pwedeng maapektohan ang pagkakaibigan ng grupo.

"bakit ka ba kasi ganoon? Kawawa naman si Phais!" Inirapan ko ang kaibigan kong si Esmeralda. Kawawa? Pano siyang kawawa? Dahil nabasted? Pero kapag nagsawa na siya saakin, diba'y magiging kakawa ring ako kung ganoon?

"Bahala ka nga, swerte mo nga at ikaw ang nagustuhan ni Phais!" Umiling-iling na lamang ako. Marahil sa ibang babae ay swerte nga iyon, pero para saakin ay hindi.

Ilang araw pa ang lumipas, halos para bang hindi kami magkakilala simula pa nung mga sangol pa kami. Naguusap lamang kami kapag kailangan, hindi ko siya masisisi, kwinestyon ko ang nararamdaman niya eh.

Nakahiga ako saaking kama ng may marinig akong nagigitara, hindi koi yon binigyang pansin marahil ang mga kapatid ko lamang iyon na nagkakatuwaan. Ilang Segundo pa ang lumipas ng para bang may biglang nagtulak saakin para dumungaw sa bintana.

Laking gulat ko ng aking pagdungaw ay naroon si Phais nagigitara, kasama niya an gaming mga barkada na may kanya kanyang dalang props.

"Katharina!" Sigaw ng isa naming kaibigang si Mikhael ng makita akong nakadungaw sa bintana, nagtama ang tingin namin ni Phais at sa hindi ko malamang kadahilanan ay biglang kumalabog ang puso ko saaking dibdib.

Nagsimula siyang kumanta habang ang mga mata ay nakatutok lamang saakin. Rinig ko ang pagtigil nila ng tumalikod ako sa bintana upang bumaba at lumabas.

"anong ginagawa niyo?!" Isinarado ko ang gate kung nasaan ang mga ususero kong mga kapatid at ang aking nanay.

"Hinaharana ka!" Inirapan ko si Esmeralda na tila kinikilig pa, hindi iyon ang tanong ko. Alam kong nanghahara sila, pero bakit?

"Katharina, Gusto kita." Rinig ko ang hiyawan ng aking mga kapatid na nakadungaw sa gate. Ibinuka ko ang aking bibig para tanungin ang tinanong ko sakanya mag iisang buwan nang nakakaraan pero itinaas niya ang kanyang kamay para sabihing wag muna akong magsalita.

"Siguro tatanungin mo akong muli, hangang kalian?" Tumaas ang kilay ko, senyas na sumasang ayon ako. "Magiisang buwan na ang lumipas nung araw na umamin ako at tinanong mo ako nun, sa isang buwan na iyon inisip ko, hangang kalian nga ba?" humakbang siya papalapit saakin

"Kahit ako, hindi ko alam kung hangang kalian. Sabi mo noon baka paglipas ng isang buwan ay hindi na kita gusto pero heto ako gusting-gusto pa rin kita, mali, hindi pala." Kumunot ang noo ko sa huling bagay na sinabi niya. Narealize niya nang hindi niya na ako gusto? Hindi ko alam pero may kirot akong naramdaman dahil doon.

"Simula bata pa tayo ay magkaibigan na tayo, lumaki tayong magkasama, nasaksihan ang halos lahat ng bagay ng isa't-isa at sa paglipas ng mga taon namuo itong nararamdaman ko para sayo.

"Matagal ko ng alam na gusto kita, maglilimang taon na atang nakakaraan" Napasinghap ako dahil roon "Pero, nang nagkaroon ako ng lakas ng loob akala ko happily ever after na pero hindi pala, kinwestiyon mo ang nararamdaman ko.

"Hangang kalian ba kita magugustuhan? Sa totoo lang, natapos na kitang magustuhan eh. Sa loob ng limang taon, ikaw lamang ang babaeng pingarap kong maging kasintahan pero dahil sa isang buwan ay may realidad ako." Tinitigan niya ako sa mata,

"Hindi na pala simpleng gusto eto dahil mahal na kita." Napakagat ako saaking labi, kamakalabog ang puso. "Hindi na ikaw ung pingapangarap kong maging kasintahan dahil pangarap na kitang maging kabiyak habang buhay." Kinuha niya ang aking mga kamay at binigyan ito ng tigisang halik

"Marahil hindi nga natin alam kung hangan kalian, marahil nagbabago ang  takbo ng mga pangyayari, ang ating mga nararamdaman pero, Katharina, hayaan mo akong ipakita sayo na ang nararamdaman ko ay pangahabang buhay. Oo, hindi natin ito isang daang porsyentong kontrolado, maaring magbago ito, pero ipinapangako ko sayo ipaglalaban ko ang aking pagmamahal sayo dahil alam ko sa puso ko na ikaw lamang ang babaeng gusto kong makasama habang buhay

"Gusto na kita sa loob ng limang taon, hayaan mo akong mahalin ka sa loob ng limang daang taon pang dadating. Hindi man natin alam kung hangang kalian, ito ang ipapangako ko sayo, ang pagmamahal ko sayong walang hanganan." Hinawakan niya ang aking pisngi at pinahid ang aking mga luha na hindi ko alam ay tumutulo na pala.

Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin, kung kaya't kinabig ko nalamang siya sa isang halik na puno ng pagmamahal.

Hindi man naming alam kung hangan kalian, pero alam kong naipaglalaban.

END

Thank you for Reading <3

~Ahnjae

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 24, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hanggang Kailan? (One Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon