Titila o Hindi Titila?

37 5 2
                                    


Nagtatalo ang araw at ang buwan sa kalangitan.Nagdidilim ang kalawakan. Umiihip ang malamig na simoy ng hangin. Wari ba'y dinadamayan ang kalungkutang aking nadarama. Kasabay nito ay ang pagbabalik ng mga ala-alang pinipilit ko mang kalimutan ay pilit din bumabalik sa aking isipan.

Uulan o hindi uulan?

Tuluyan nang nagtago si haring araw at bumibisita na si reynang ulan. Dinadama ko ang malilit na patak ng ulan habang nakatingala sa mga ulap. Nandito na si Joseph. Sinasamahan at dinadamayan niya na naman ako.

Magtatagal o hindi magtatagal?

Ito ang aking naging katanungan simula nang nawala si Joseph. Kung magtatagal pa baa ng mga taong nakakasalamuha ko o kung lilisan din ba sila upang iwan ako. Nakilala ko si Joseph sa araw ng aking kaarawan. Nag-iisa ako sa isang sulok ng gusaling iyon. Walang kasama. Walang kasangga.

Unti-unti siyang lumapit sa akin habang inaalay ang kanyang panyo. Umiiyak na naman pala ako ng hindi ko namamalayan.

"Okay lang yan. Lilipas din yan.."

Mga unang katagang binigkas niya. Inangat ko ang aking ulo at doon nasilayan ko yung ngiti niya. Lumipas ang mga araw, mas napapalapit ang loob naming sa isa't isa. Sa pagkakataong iyon, masasabi kong hindi na ako nag-iisa subalit binawi din ang panandaliang kasiyahan.

May iba pa lang minamahal si Joseph. Inna – Inna ang kanyang pangalan. Ikakasal na pala sila. Labis na nawasak ang aking puso – nandito lang pala siya sa akin sa tuwing magkaaway sila. Kailangan lang pala ako kung malungkot siya. Habang nangangarap akong makasal sa kanya, ibang babae pala ang pinapangarap na makasama sa hirap at ginhawa.

Titila o hindi titila?

Ang katanungang ito ay hindi lamang para sa ulang nagaganap kundi maging na rin sa aking mga luhang pumapatak.

Masasagot o hindi masasagot?

Sa wakas, napagtanto kong ang mga kasagutan sa aking mga katanungan ay alam ko na pala – sarili ko lang pala ang titigil sa mga patak ng ulan o sabihan na nating patak ng mga luha.

Titila o hindi titila?

Sa dulo. Oo. Ito ay titila. 

Titila o Hindi Titila? (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon