Nandito ako ngayon sa paaralang naging saksi sa ating pag-iibigan. Ating pag-iibigan nga ba o aking pag-ibig lang para sayo?
Narito't nakatayo sa tapat ng silid-aralan kung saan nakatitig sa kawalan habang binabalikan ang nakaraan. Nakaraang masaya pa tayong dalawa o ako lang ba?
Mula nang sumuko ako, hindi ko na sigurado ang lahat. Nawala na yung kasiguraduhang mahal mo ako, na bukal sa puso mong pakiligin ako at hindi dahil sa mga kaibigang tinutukso tayo, na kusa mo akong minahal, na magiging tayo, at kasiguraduhang may aantayin pa ako.
Ang sakit lang na maiwan sa ere. Asang-asa ako na baka kasama ako sa plano mo, na may hihintayin pa ako kasi sabi mo 'hindi pa ako handang magmahal ng iba bukod sa kanya', at dahil doon inintindi ko at hinintay kita, inaaantay kita na maging ako naman, pero bakit bigla ganon, naging akala ang lahat ng pag-asa at baka sakali.
Biglang may nagbago, biglang lumabo ang lahat. Bigla ka na lang lumayo, biglaang walang kumunikasyon, walang pasabi kung ano na nga bang nangyayari, kung ano bang problema. Bakit iniwan mo akong gulong-gulo, litong-lito kung ano na ba tayo, kung ayos pa ba o wala na? Yun pala wala na pala talaga akong aantayin dahil wala ng nagpapa-antay sa akin.
Wala akong lakas ng loob magtanong sayo at mag sabi sayo na 'okay na ba? pwedeng ako naman?' dahil wala namang tayo, wala akong karapatan na mag demand kasi wala namang ikaw at ako. Pero ano? Nag-antay pa rin ako. Di kita matiis eh, pinipilit ko pa rin na baka maayos pa, na baka mahal mo na ako pero putangina! Bakit pinatagal mo pa? Bakit humantong pa na kung kailang mahal na mahal na kita bigla mo kong iniwan, inintay mo pang umabot na mapagod ako at sukuan ka.
Napadaan ako sa palikuran ng paaralang ito na naging saksi ng pagluha ko, saksi ng paghihirap kong magdesisyon kung susuko na ba o lalaban pa, kung ipipilit pa ba o hindi na. Tinatanong sa sarili kung karapat-dapat bang maranasan ko ang sakit na nadarama sa nangyayaring iyon, kung may maganda bang kakahantungang intayin ka.
Sa paglilibot ko ay napadaan ako sa unang silid-aralan kung saan nandoon ang lahat ng saya.
Nagsimula sa paglipat niyo sa section namin, dare na lyric prank na di ko naman nagawa ng maayos dahil hindi ako marunong non pero yun ang naging daan para magkaroon ng komunikasyon, hanggang sa tinukso-tukso na tayo ng mga kaklase natin, umusbong ang nararamdaman para sa isa't isa at nagkaaminan ng nadarama. Pero totoo ba ang iyong pag-ibig?
Pinunasan ko ang mga luha na tumatakas na naman sa aking mga mata, napatawa na lang sa kawalan at napapa-isip na 'Bakit ganito ang kinahantungan ng lahat, akala ko ikaw na ngunit di pala. Ilang patak pa ba ng luha? Ilang pagkirot pa ba ang madadama para ako'y makausad na?'.
Pero bakit nga ba ako nandito? Ewan ko. Siguro nananabik lang akong maramdaman ulit yung saya nang nakaraan, yung pakiramdaman nung ayos pa ang lahat, yung puro asaran, kulitan at kilig lang ang nadadama. Noon ko lang naramdamang sumaya, iba yung saya ko pag kasama kita pero wala eh, iniwan mo akong mag-isa.
Siguro nga nagbabaka sakali ring sana matapos na ang sakit para tuluyan nang makausad. Ayoko nang makulong sa nakaraan, makulong sa sakit. Napapagod na kasi ako at pinapangako ko sa sarili ko na ito na ang huli, huling iyak, huling saya, huling kilig at huling pagbabalik-tanaw sa masasaya't masasakit na alalang pinagsamahan nating dalawa.
Pagkalabas ko sa paaralang naging parte ng mga alalang iyon ay pinagmasdan ko itong muli at pinapanalanging makarating sana sayo ang aking nais sabihin sa huling pagkakataon, 'Mahal, ako sana'y wag kalimutan. Ako'y tuluyan ng mamamaalam sa namatay nating pag-iibigan'.
*
Anim na taon, grabe anim na taon na pala ang nakakalipas. Masaya na ako at sasaya pa, malaya na rin ako sa sakit. Ito na ako ngayon, tuluyan na akong naka-usad at kasalukuyang masaya sa piling ng mga taong nagmamahal sa akin. Tunay na nagmamahal sa akin.Nagulat ako ng makita kita. Papalapit sa akin at tila isa na akong estanghero sa iyong paningin. Ika'y aking binati ng may ngiti sa labi at ganon din ka rin sa akin.
"Hi, goodmorning sir Jordan welcome aboard, my name is Ellana a cabin crew, care for some of our drinks. We have mabuhay punch, this one is water, orange juice, and cucumber lemonade."
"I would like to have this mabuhay punch, thanks."
Unang pag-uusap sa nakalipas na mga taon. Masaya ako dahil hindi naging ilang sa isa't isa, masasabi kong isa ang sitwasyon natin sa mga taong humantong sa 'strangers with memories'.
Sa buong anim na taon, ginugol ko ang sarili ko sa mga bagong bagay, sumubok lumabas sa lungga kung saan ako komportable. Mas marami ang nalalaan kong oras sa mga taong may pake sa akin. Nagkaroon ng mga bagong kaibigan mula sa pagsasanay at niyayakap ang sarap at saya ng bagong pag-ibig, ang makalibot sa mundo.
At higit sa lahat, natutunan kong mahalin ang sarili ko, mas binigyan ko ng atensyon ang sarili ko sa mga nakalipas na taon. Ngayon, alam ko na kung anong halaga ko biglang tao at bilang babae.
Sobrang saya ko dahil napapalibutan din ako ng mga taong pinapahalagahan ako at pinapahalagahan yung oras na nalalaan ko sa kanila.
Yung nangyari noong nakaraang anim na taon at yung mga taong di ako iniwan ay tinulungan akong bumangon ulit at marating kung ano at sino ako ngayon. Sobrang nagpapasamalat din ako sa sakit ng nakaraan dahil isa din ito sa mga naging bahagi ng paglago ko.
Ang makasama ka at makita kita sa lipad na ito ay mas nagpalaya sa akin at mas nadama ang kasiyahang tuluyan na akong nakawala sa nakaraang sakuna. Sa muli, ako'y maghahatid muli ng huling mensahe sa iyo ginoo.
Salamat sa pagiging parte ng pangyayaring iyon, salamat sa pagpaparanas sa akin ng sakit kasi dahil doon natuto ako sa maraming bagay na nagpabago sa nakaraang Ellana Louise. Sana'y nabigyan mo na nang sapat na pag-ibig ang taong yun para maging sigurado ka na sa iyong magiging sinta sa hinaharap. Kaligtasan mo ang aking nais, paalam, hanggang sa muli, Jordan Michael.
Nagpapasalamat, Ellana Louise.
-end-
BINABASA MO ANG
Akala (OneShot)
Truyện NgắnAkalang siya na ngunit hanggang akala lang pala Written: 2020