"Anak, 'wag 'yan! Itapon mo, bilis! "Napasimangot si Geena nang marinig ang tila nanghihilakbot na tinig ng isang ginang. Marahil ay nanay iyon ng batang kasalukuyang sarap na sarap sa pagsipsip sa binili nitong two pesos na fishballs sa kanya kani-kanina lamang. Ang cute tingnan ng paslit dahil ni pagkagat sa isang piraso ay hindi nito ginawa-halatang ang matamis na sauce lang ang trip ng pobreng bata.
"Yaya, that's mine! Give me my fishball! Give me, give me, give me! "
Halos magpapadyak ang bata nang walang kaabug-abog na hablutin ng tinawag nitong "Yaya" ang stick mula rito at idineretso iyon sa garbage bin na nasa gilid ng kalsada.
"Ikaw talagang bata ka! Nalingat lang ako saglit eh, kung anu-ano na ang binili mo. Malilintikan ako nito sa Mommy mo eh!"
"But Yaya, I want my fishball! I won't go home unless you give me my fishball! "
Tuluyan nang naghurumentado ang bata at kapagkadaka ay pumalahaw ng iyak. Gusto tuloy itarak ni Geena ang isang stick sa lalamunan ng walang pakundangan nitong yaya. Sa halip kasi na maawa ang babae sa alaga nitong naglulupasay sa semento ay pinamaywangan pa nito iyon at itinuro ang kanyang nananahimik na bisikleta de kariton.
"Madumi 'yang mga tinitinda diyan Anak! 'Di ba itinuturo sa school na bad sa health ang mga streetfoods? Saka hindi natin alam baka ginagawa yang mga yan sa tabi ng babuyan o basurahan. Napanood ko 'yang ganyan sa Imbestigador."
Naiintindihan ni Geena ang ipinaglalaban ng babae ngunit hindi pa rin niya maiwasang mainis sa wagas na pang-ookray nito sa mga paninda niya. Lakas kasi nitong i-insinuate na dugyot at basura ang pagkaka-prepare ng mga itinitinda niya samantalang mas dugyot pa ata tingnan ang itsura at pag-uugali ng maarteng yaya ng bata. Hindi ba nito alam kung gaano siya kaselan sa paghahanda ng mg fishballs at kikiams na madalas ay ikinapupuyat niya para lang makipag-unahan sa mga kakompetensiyang nag-aabang ng limited supplies sa palengke? Oo nga't mura ang mga iyon ngunit sinisiguro niya namang sariwa at ligtas ang kanyang mga itinitinda. Naiintindihan niya na kung ikukumpara sa mga negosyong restaurants at food chains, mas malaki ang effort at responsibilidad niya pagdating sa
food safety dahil sa sari-saring polusyon na maaaring dumapo sa mga iyon.Pumapalahaw pa rin ang wala yatang balak tumigil na bata nang napagpasyahang lumapit ni Geena, tangan ang isang plastic cup, stick at ilang piraso ng fishballs na naliligo sa matamis na sauce. Naaawa na kasi siya rito at mukhang balak talagang makipagmatigasan ng tinatawag nitong yaya.
"Tahan na Pogi. Here, dinamihan ko na ang sweet sauce para sa'yo. Smile ka na..."
Iyon lang 'ata talaga ang tanging paraan para huminahon ang bata dahil kitang-kita niya ang pagkislap ng mga mata nito bagaman at agad itong napabantulot. Nang sulyapan niya ang dakilang yaya , halos manlaki ang mga mata nito para lang bigyan ng warning ang alaga na huwag tanggapin ni hawakan man lang ang ibinibigay niya. Pasimpleng inayos niya ang kanyang cap at saka huminga ng malalim.
"Don't worry Pogi. Libre ko na to' para sa'yo. 'Di ba good boy ka naman? Tara, stand up ka na" ang masuyong lambing ni Geena sa batang sisinghot-singhot.
Ilang segundo lang ay kagyat na ngumiti ang bata at pagkatapos ay tinanggap ang plastic cup. Hindi niya napigilang kurutin ng bahagya ang cute na cute nitong ilong. " That's my boy!"
Tuluyan nang tumayo ang bata at dali-daling lumapit sa babaeng nanlalaki ang mga butas ng ilong.
"Yaya, let's go! I wanna' eat it at home so I can share it with Patrick. He will surely like it! "
Tila nahihiyang lumapit ang bata sa kanya at sa mahinang tinig ay nagpaabot ng 'thank you'. Lalo namang lumambot ang puso niya sa bata na kahit halatang anak-mayaman ay hindi naman spoiled brat ang ugali. Naturuan tiyak ng manners. Napangiti siya ng maalala ang sinabi nitong isi-share ang ibinigay niya sa kung sinumang Patrick sa bahay ng mga ito.
BINABASA MO ANG
MY NANNY GIRL
RandomHe's the ladies' man. She's the superwoman. A not-so fairytale-ish love story... Ito ang kwento ng isang modernang Cinderella at isang uber charming na Prinsipe ng pinilakang tabing. And yeah. It's not your ordinary AlDub love story...