Alipin at Mananakop | A Short Story (006)

52 22 11
                                    

Ngayon ay ika-12 ng Hunyo. Nandito kami sa School Ground dahil magsisimula na ang pagpupugay sa watawat ng Pilipinas. Kahit na alas-sais y media pa lang ay tirik na tirik na ang haring araw at mukhang mapapasubo na naman kami ng ilang minuto na parang mga daing na ibinibilad sa nagbabagang araw.

“Teka, Independence Day pala ngayon,” napagtanto ko.

“At teka, anniversary pala namin ni Jaya ngayon,” ideyang gumising sa natutulog ko pang katawan at puso.

“Ang pambansang awit ng Pilipinas. Bayang magiliw. Handa, awit!” isang pamilyar na mahinhing boses ang nagsalita sa wireless na mikropono. Sa pagtingin ko sa direksiyon kung saan nanggagaling ang boses na yaon ay siya naman ang pagtigil ng aking mundo.

Si Jaya. Ang siyang nagbe-beat sa Pambansang Awit na ngayo’y nasa itaas ng entablado. Ang babaeng bumihag at umalipin sa pagod kong puso. Taas, baba. Taas, baba. Sinusundan ng mga mata ko ang indayog ng mga kamay niyang tila ba nanunukso.

Nakakatawa. Lupang Hinirang pa talaga ang naging themesong nating dalawa.

Alab ng puso sa dibdib mo’y buhay.”
Ang alab ng puso kong nagmamahal, sa dibdib ko’y buhay na buhay.

Sa manlulupig, di ka pasisiil.”
Sa manlulupig mong mga manliligaw, di ako pasisiil.

“Ang kislap ng watawat mo’y tagumpay na nagniningning.”
Kislap ng iyong mga mata’y sakin ay tunay na nagniningning.

Buhay ay langit sa piling mo.”
Tila langit ang nadarama sa piling mo sinta.

“Ang mamatay nang dahil sayo.”
Oo, patay na patay nga talaga ako sayo.

Natapos na ang kanta. Bumaba ka sa entablado. Sumama ka na sa mga kaklase mong nasa ibang linya.

Natapos ang kanta. Natapos na ang lahat sating dalawa.

Bumaba ka na sa entablado. Sinukuan mo pala ako.

Sumama sa mga kaklase mong nasa ibang linya. Sumama ka na rin pala sa iba.

Araw ng Kasarinlan pala ngayon.
Ito lang siguro ang kalayaang hindi masaya—ang pinalaya kita.

Anniversary din pala natin ngayon. Oo, mahigit isang taon na akong di nakakapagmove-on sa mananakop na inalipin ang aking puso.

At sabi nila lahat daw ng kalayaan ay masaya, ngunit sa kaso ko, ang palayain ka ang siyang kalayaang nakakabalisa. Di pala lahat ng kalayaan ay masaya.

Marcus Diaries | A Collection of One Shot Stories Where stories live. Discover now