Chapter 2: Crush?

0 0 0
                                    

"Kris POV"

Nandito kami ngayon sa canteen at kasalukuyan akong pumipila para bumili ng pagkain namin habang si Mica ay naghahanap naman ng mauupuan.

Pansamantala kong iginala ang paningin sa paligid at napaismid nalang ng mahagip  ng paningin ko ang mga lalaking nakapwesto sa may bandang gilid habang malakas na nagtatawan kasama ng mga magagandang babae. Mabilis ko namang iniwas ang paningin ko ng umusad ang pila at ako na ang susunod.

"Siomai  nga po, fries at".... nabitin ang sasabihin ng isang sulyap muli sa taas kung nasaan ang pagpipilian  ang ginawa bago ipagpatuloy ang sasabihin....."shake narin yung  chocolate flavor, tigdalawang order.  Tsaka pakisamahan narin po ng dalawang mineral water."

Hindi rin naman nagtagal ang paghihintay ko at dumating narin ang in-order ko. Ibinigay ko ang bayad bago tinanggap ang tray kung nasaan ang mga pagkain namin.

Madali ko naman nahanap ang pwesto ni Mica dahil panay ang kaway niya sa akin mula sa kinaroonan niya. Nang maibaba ko na ang dala ko ay mabilis niya namang kinuha ang pagkain at mabilis na nilantakan ito.

"Hinay-hinay lang at baka mabulunan ka," paalala ko pa sa kanya dahil sa sunod-sunod niyang subo. Kumain nalang din ako dahil parang may sarili siyang mundo at hindi manlang ako pinapansin. Napapangiting napailing nalang ako habang tinitingnan siya, basta talaga pagkain. Effortless ang ganda niya  kaya marami ang nagkakagusto sa kanya. Kahit ngayon na mukha siyang dugyot dahil sa may kalat pa ng sauce ng siomai sa gilid ng labi niya ay cute parin siyang tingnan.

Uminom muna ako ng tubig bago kinuha ang panyo ko sa bag na nakapatong sa gilid ng mesa katabi ng kay Mica.

Hindi na siya nagulat ng punasan ko ang kalat sa may gilid ng labi niya. Gawain ko na ito dati pa at wala namang malisya sa kanya at sa mga taong nakakakita dahil magkaibigan naman kami at hindi naman niya o nila alam ang totoong nararamdaman ko. Iniwas ko nalang ang paningin sa kanya at pinili nalang iyuko ang ulo para tumusok ng siomai dahil sa pamumula ng mukha ko. Nakakakahiya mang aminin pero kahit ako ang nagpaparamdam sa kanya nito ako parin ang naiilang sa kadahilanang may malisya nga sa akin lahat ng ginagawa ko sa kanya.

Napaangat ang mukha ko para tingnan siya ng makita ang pamumula ng mukha at animo'y nagpipigil ng ngiti habang nakatingin sa may bandang likod ko. Nang mapansin niyang nakatingin ako sa kanya ay mabilis naman siyang uminom sa kanyang shake at kumuha ng isang piraso ng siomai at diritsong ipinasok sa bibig.

Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagsulyap niya muli sa bandang likod ko kaya walang pag-aalinlangang pinihit ang katawan sa direksiyon na tinitingnan niya pero tanging mga lalaki na nakatalikod lang ang nakita ko kasabayan ng mga babae ang papalabas ng canteen ang naabutan ko. Sila ang nakita ko kanina habang nakapila ako.

Ibinalik ko naman ang paningin kay Mica na ngayon ay namumula parin.

"Anong nangyari sayo?" Okay ka lang?" Mabilis naman siyang umiling na sinundan ng pagtango. Dahil sa pagkalito ay napatanong muli ako sa kanya.

"May problema ba? Namumula ka yata?"

"He-hehe wala naman ahhm ang init kasi. Tama ang i-init, ang init nitong siomai sa bibig kasi maanghang kaya ganito." Dahil sa narinig ay mabilis ko naman siyang binigyan ng tubig.

"Bakit hindi mo sinabi at hindi naman maanghang yung sakin kaya bakit nagkaganoon?"

Totoo naman kasi hindi ko pinalagyan ng anghang yung sauce namin. Kukunin ko na sana ang lalagyan niya para tikman kung totoo nga pero wala na palang laman at huli na pala ang isinubo niya kanina.

"Hindi ko rin alam tsaka hindi na naman ganoon kaanghang kaya okay na heheheh."

"Totoo ba?"

"O-oo naman."

"Mabuti kung ganoon," gusto ko pa sanang magtanong dahil parang hindi siya mapakali pero ibinuntong hininga ko nalang ito at binalewala. Mabilis kong tinapos ang natitira pang fries at uminom ng tubig sa bottle ng magtanong siya bigla.

"Kris, wala ka bang lalaking nagugustuhan?"

Sunod-sunod ang ubo ko dahil sa pagkasamid kaya kahit kaiinom palang ay uminom uli ng tubig.

"Uy dahan-dahan naman tsaka ba't parang gulat na gulat ka naman yata?"

"Wala." maikli kong sagot para sa lahat ng tanong niya

"Ay bakit naman?" parang dismayado pa siya sa naging sagot ko.

"Bakit kailangan ba mayron?" tunog sarkastiko ang tanong ko pero wala akong pakialam dahil hindi ako komportable sa tanong niya.

"Curious lang naman kasi ang daming may gusto sayo, ang ganda mo kasi," pang-aasar niya pa.

"Sa wala akong trip sa kanila, eh." simple kong sagot dahil ayaw ko ng pahabain pa ang usapan.

"Baka ikaw naman talaga ang may nagugustuhan ayaw mo lang sabihin sa akin," hirap kong dagdag sa sinabi dahil sa posibleng isagot niya.

"W-wala ah," mabilis niyang sagot pero hindi siya makatingin sa akin. Tiningnan ko lang siya para suriin kong nagsasabi ba ng katotohanan.

"Wala nga," nakanguso na siya ngayon habang nakatingin rin sa akin.

"Talaga?"

"Oo ang kulit naman, eh" halos matawa ako ng makita ang inis sa mukha niya.

Sa totoo lang masaya akong marinig ang sagot niya at naniniwala naman ako sa kanya. Kahit papaano ay nakampante naman pero nandoon parin ang kaba na baka hindi magtagal ay may magustuhan nga siya. Kapag nangyari 'yun shit lang friendzone ang bagsak ko nito.




Lesbi InloveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon