Kabanata 21
"Sa wakas at nakarating na rin tayo!" wika ni Antonio nang makita na namin mula sa malayo ang siyudad ng Camarines Sur.
Tatlong araw din kami sa barkong ito at wala kaming ibang ginawa kundi ang pagmasdan ang mga ginagawa ng ibang mga pasahero at nagkukwentuhan sa isa't-isa. Nakilala na rin namin ng lubos ni Olivia si Antonio.
Ang kanilang pamilya ay mahirap lamang at si Antonio naman ang panganay sa anim na magkakapatid. Ibig ng kaniyang mga magulang na makapag-aral siya ng kolehiyo ngunit hindi iyon natuloy dahil sunod-sunod ang problemang dinanas ng kaniyang pamilya.
Namatay ang kanilang ama kung kaya't wala ng ibang magawa pa si Antonio at manatili na lamang sa kanilang lugar upang maghanap ng trabaho upang maitaguyod ang kaniyang pamilya.
Nakahanap naman siya ng trabaho sa kasalukuyan niyang amo. Si Heneral Maximiliano Vargas ay isang kilalang heneral sa kanilang lugar at usap-usapan naman sa mga tao roon na may bukal siyang puso kung kaya't walang pag-atubiling lumapit si Antonio kay Heneral Vargas upang manilbihan sa kaniyang mansyon na di kalauna'y tinanggap niya rin.
Pitong taon na rin ang nakalipas na naninilbihan si Antonio kay Heneral Vargas at hindi naman siya nagrereklamo roon. Malaki ang utang na loob niya sa heneral dahil sa pagtulong niya sa kaniyang pamilya. Ngayon ay nakapagtayo na si Antonio ng maliit na bahay-kubo hindi kalayuan sa hacienda ni Heneral Vargas.
Nakapag-aral na rin ang kaniyang limang kapatid. Ang isa ay kolehiyo na, dalawa ang high school at ang dalawa ay elementarya pa lamang. Si Antonio na mismo ang nagsisilbing haligi ng tahanan sa kanilang pamilya.
Nalaman din namin na ang kagamitan rito na nasa likuran ng pangsundalong sasakyan ay ipinabili pala ni Heneral Vargas sa Iloilo kung kaya't ganoon at naabutan namin ni Olivia ito sa daungan ng San Fernando.
Ibinahagi na rin namin ni Olivia na nakatira lamang kami sa maliit na probinsya sa Santiago at napadpad lamang sa San Fernando dahil may naghahanap sa amin. Hindi namin ibinanggit ng buong detalye iyon upang hindi na magtanong si Antonio. Hindi niya dapat malaman na isa akong itinalagang 'kriminal' dahil sa ginawa kong kasalanan na pagsunog ng mga librong mahalaga sa Munisipalidad ng Bulgarya habang si Olivia naman ay nadamay lamang dahil sa ginawang krimen ng kaniyang pamilya.
Hindi namin puwedeng idetalye iyon dahil maari kaming patalsikin rito ni Antonio. Alam kong mabait siya ngunit sino ba naman ang may gustong isangkot ang kanilang sarili sa mga kagaya namin. Hindi ko naman siya masisisi roon.
Mabait at maalaga si Antonio. Palagi niya pa kaming pinapadalhan ng pagkain na hindi ko malaman kung saan niya kinukuha habang kami ay nakatago lamang sa likuran ng sasakyan. Hindi kasi kami pupwedeng lumabas sa espasyong ito dahil tanging mga drayber lamang sa mga sasakyan ang pwede rito kung kaya't wala kang makikitang binibini na pumupunta sa lugar na ito.
Sa loob ng tatlong araw ay iyon lamang ang ginawa namin. Ika-4 na ng Hulyo at papasikat pa lamang ang araw nang makarating kami sa daungan ng Pasacao, isang lugar rito sa Camarines Sur.
"Halina't bumalik na tayo sa sasakyan..." aya na ni Antonio nang papalapit na kami sa daungan kung kaya't sabay-sabay na kaming bumalik sa loob.
Nagsimula ng umandar ang sasakyan nang buksan nila ang parteng ito sa barko upang makalabas na ang lahat ng sasakyan. Ang sasakyang sakay namin ang pinakaunang umalis dahil nga ito ang pinakahuling sumakay noong nasa San Fernando pa lamang kami.
Nakaupo lamang ni Olivia rito. May malaking muwebles sa aming harapan na sa tingin ko ay isang eskaparate na natatakpan ng puting tela.
Hinawakan ko ang kamay ni Olivia kaya napalingon siya sa akin. Nginitian ko na lamang siya.
BINABASA MO ANG
Aking Gunita (Book 1 of Reincarnation Duology)
Historical Fiction(BOOK 1) Isa si Heirani Ortiz sa naniniwala ng reincarnation. May mga bagay siyang napapanaginipan na hindi niya kayang ipaliwanag ngunit naniniwala siya na ang mga panaginip niyang iyon ay mula sa kaniyang nawalang alaala sa nakaraang buhay. Simula...