Paano Magbasa ng Tula: Ang Tula Bilang Panitikan I
Marami na ang nasabi hinggil sa tula. Pinakamaugong na riyan ang mahirap daw itong basahin. Totoo ba ito? Maaari—tulad ng ibang uri ng pakikipagtalastasan. Hindi naman lahat ng mensaheng dumaraan sa mga pamamaraan ng komunikasyon ay talagang madaling maunawaan. May mga pagsasabing nakatago sa pananagisag o pahiwatig. May mga pagsasabing ang layon lamang talaga ay lumito. May mga winiwikang nag-aanyong totoo, upang matuklasan sa huli na huwad pala. At may mga kasabihang kapag pinadaan sa iba't ibang tagapagpadaloy ay nag-iiba ang nilalaman. Ang mga halimbawang binanggit ko ay mga pamamaraan ng pakikipagtalastasan sa karaniwang buhay. Ang dating liham na kaytagal matanggap sapagkat naipadalas sa koreo ay sansaglit na lamang ang kakailanganin bago dumatal sa paroroonan. Sa isang liham (o email), may pamamaraan ng pagsasabi ng pangungumusta, pagkukuwento, o pangungulila, atbp. Sang-ayon sa iyong kausap, maaari kang gumamit ng isang ng wika na babagay sa kombersasyon, o transaksiyon—kaya sa klase sa paaralan, may pagdidiin sa impormal at pormal na wika bilang rehistro ng pakikipagtalastasan. Sa text, nag-iiba rin ang wika, at kapag hindi ka pamilyar sa mababasang "d2 na me", baka ikaw ay mapakamot na lamang sa ulo. Maraming konsiderasyon ang pakikipagtalastasan, kaya't marami ring kahirapang dala ang nabubuo sa itinatalastas. Ito'y sapagkat hindi naman transparent ang wika, ang mismong sisidlan ng talastasan. Ibig sabihin, maraming kinakatawang pakahulugan ang wika na lumalagpas sa tinutukoy nitong diwain o konsepto—lalo na kung kinakasangkapan na sa isang konteksto ng pakikipag-usap, pakikipagdaop-palad. Ang kailangan lamang talaga marahil, sa ano mang uri ng pakikipagtalastasan ay matuto tayong umunawa. Umunawa sa lahat ng pintig at kibot ng wika, ano man ang pinaggagamitan nitong talastasan. Isipin na lamang kung gaano kapayak ang isang patalastas sa telebisyon o radyo, sa pagmumungkahing bilhin mo ang isang produkto. Madalas, hindi tuwiranng sinasabi sa iyo na bilhin mo ito. Ipinahihiwatig lamang sa iba't ibang patunay: "P 5 lang!", "Order ni Misis!", "Open Happiness!". Pawang kaypapayak na salita, ngunit pinupukaw ang iyong damdamin tungo sa isang pangangailangan, o patotoo ng pagiging abot-kaya.
Hindi dapat maunahan ng takot ang sino mang magbabasa ng tula. Araw-araw naman tayong tumataya ng panahon—at sa pagtingin natin sa kalangitan, marahil, kayliwanag ng papawirin, na di maglalao'y papawiin naman pala ng dilim ng kaulapan. Hindi tayo nagdala ng payong. Gayundin sa palagay ko ang wika bilang kasangkapang pantalastasan: hindi lahat ng akala nating nababasa natin ay iyon na mismo ang tinutukoy. Kapag nagbabasa tayo ng tula, ang una nating nakakaharap ay wika, isang uri ng wika na ginagamit sa isang uri ng pakikipagtalastasan. Kapag natukoy natin, kapag naging malinaw ang uri ng wika at pakikipagtalastasan—sa ano mang konteksto—higit na nagkakaroon ng bisa ang talastas, nagkakaroon ng kalinawan. Ngunit may pangako ang tula bilang talastasang pampanitikan. Ang talastasang pampanitikan, kapag gumagamit ng wika, ay hindi lamang naghahatid ng ideya o mensahe, kundi nagpapahayag din ng kariktan sa pamamagitan ng wika. Ito ang madalas na nakaliligtaan sa ating edukasyong pampanitikan sa malaon, kaya bukod sa lisyang paniniwalang mahirap basahin ang tula, ay sinasabi ring ang pagbasa ng panitikan ay palaging pag-aabang sa maidudulot nitong aral sa buhay (kaya nga siguro mahirap talaga ang tula—at ang panitikan sa pangmalawakan—kasi nga naman, hindi naman talaga madali ang matuto sa buhay). Dalawang sangkap na ng tula bilang talastasang pampanitikan ang binabanggit natin dito: ang ideya, o talastas, at ang wikang naglalaman dito. Sapagkat sining ang tula, ang pakikipagtalastasang gamit nito'y nangangailangan ng anyo, at hindi lamang ng laman. Ito sa aking palagay ang talagang nagpapaiba sa panitikan—at sa tula, sa pagkakataong ito. Nagkakaroon ng salimuot ang ugnayan ng anyo at laman, na nagpapaiba sa panitikan, at tula, bilang pakikipagtalastasan. Sa marami sa atin sa kasalukuyan, mahirap ang tula dahil hindi ito napahahalagahan bilang talastasang pampanitikan.
Hindi naman mali ang "aral" na tinatawag—ang totoo, ang ating panitikan sa Filipinas ay mayaman sa tinatawag na didaktiko o nangangaral na mga sulatin. Ang mga bugtong at salawikain natin ay nagpapahiwatig ng kayraming pagtingin sa pang-araw-araw na buhay, samantalang ang mga panitikang nakalimbag ay malaong nagbalon sa impluwensiyang dala sa atin ng mga misyonero, at hindi maglalaon ay susuwayin ang diwa sa paggigiit ng sariling bait at karapatang maging malaya. Basahin na lamang halimbawa ang mga paliwanag ni Reynaldo Ileto hinggil sa Pasyon, ang dakilang panitikan ng pangangaral, at ang kaugnayan nito sa Rebolusyong 1896. Ngunit kung hindi napahahalagahan ang katangian ng talastasan bilang panitikan ay nasasayang ang akda at hindi natutupad ang layong pantalastasan nito. Nakahihinayang. Ang panitikan, kapag ating malalimang natamasa ay nagdudulot ng kaiba at natatanging pananaw-mundo—yaong tinatawag ni Virgilio S. Almario na "kislap-diwa" o insight—na maaaring maiugnay sa dalumat ng "aral", ngunit may kabukod na katangiang hindi nagsasabi ng tama o mali, o nagtatakda ng katanggap-tanggap sa isang lipunan. Ang kislap-diwa ay mataginting na ideyang maaari nating maipahayag sa isang buong pangungusap, at naglalahad ng isang patotoo hinggil sa mahahalagang karanasang pantao. Higit itong malalim sa "aral" na nakamihasnang hingin ng mga guro, matapos halimbawa, mailarawan ng mag-aaral ang mga detalye ng tula; ang kislap-diwa ay gumigitaw lamang matapos na mataya ang anyo at nilalaman ng tula, o ng ano mang panitikan, sapagkat nakatanim ito sa mismong pagtatalastas nito. Kaya sa isang banda, maaari rin nating sabihin talagang mahirap nga ang magbasa ng tula—mahirap ito dahil ang paghahanap lamang ng aral sa tula, o ng panitikan, ay simplipikasyon ng talastasang pampanitikan nito. Ang tanging paraan upang dumali ang pagbasa ng tula ay ang totoong pahalagahan ang pagiging talastasang pampanitikan ng tula, nang walang pagmamadali. Kailangang pasukin muna ng magbabasa ang talastas ng tula, na may layong pagitawin ang kislap-diwa, sa halip na lapatan agad ito ng moralistikong pakahulugan, na madalas, nagkukulong sa tula sa piitan ng kahulugan.

BINABASA MO ANG
Bukal ng Bait: Kung Paano Magbasa ng Panitikan
Non-FictionAng Bukal ng Bait ay isang gabay tungo sa higit na kasiya-siya at kapaki-pakinabang na danas ng pagbabasa ng panitikan. Sa ngayon, isa itong serye ng mga sanaysay na nagpapaliwanag ng kung papaano ba binabasa ang mga kilala nating genre ng panitika...