Paano Magbasa ng Tula: Ang Tula Bilang Panitikan III

903 1 0
                                    

(2) Ang tula, bukod sa may wikang inilalayo mula sa karaniwan at awtomatisado ng pagkapanitikan nito ay may katangiang humigit pa sa kaniyang karaniwang kahulugan.  

Pumapasok tayo ngayon sa pangangailangang talakayin muna ang dalawang antas ng pakahulugan ng salita—na siyang mahalgang muhon ng pag-unawa sa tula.  Mahalaga ang batayang kaalaman sa pakahulugan lalo't kailangang tandaan na ang tula ay isang wikang nagpapagitaw ng mga kahulugang nagpapahigit pa, o nagpapaigting pa, sa sinasabi nito.  Alam na alam na ng marami, lalo na ng mga guro, ang prinsipyong ito—lamang ay may kalisyaan ang kanilang pagkakaunawa rito.  Makikita ito, halimbawa, sa palagiang pagpapabaya sa mag-aaral na agad-agad lapatan ang mga bagay-bagay sa tula—o kahit sa ano mang panitikan—bilang simboliko, tigib sa sagisag, at kailangan ng masusing dekoding. Ito ang isa pang kamalian na natutuhan nating lahat sa ating edukasyong pampanitikan, bukod sa palagiang pag-aabang sa aral.  Ang sa akin, may prosesong kailangang pagdaanan ang pagbasa, na higit na magiging likás kapag napaghusayan.  Ang panitikan naman kasi'y hindi isang pahulaan, kung saan maaaring palayain na lamang nang basta ang mambabasa upang, kung baga, ay tumaya ng kahulugan.  Hindi ito kalayaan, kundi pagsasadlak lamang sa mag-aaral sa lalo pang misedukasyon.  Samantalang hindi rin ako kumporme sa mga sinasabing "rehimen ng pagbasa", at sapagkat naniniwala ako na ang tunay na kalayaan ay ang pagtatanim ng kakayahang makapag-isip at makapagpakahulugan, iniisip kong higit na mahalaga ang muling pagbabalik ng lahat sa mga pundamental na prinsipyo ng pakahulugan.

Ang pakahulugan ng isang salita ay mayroong antas na denotatibo at antas na konotatibo. Malaon nang batid natin ang pakahulugan ng mga ito: ang una'y ang pakahulugan ng salita batay sa diksiyonaryo o ano mang talahulugang sininop para sa isang lipunan.  Ang ikalawa naman ay tumutukoy sa mga pakahulugang humihigit pa sa literal na kahulugan, ergo, sa denotasyon.  Ang pagbabalik sa prinisipyong ito ay pagbabalik din sa katotohanang likas na matalinghaga, o nagapapahigit, nagpapaigting pa ang salita kung magpakahulugan.  Kung babalik-aralin natin si Ferdinand de Saussure, isa sa mga  itinuturing na ama ng linguwistika, magugunitang sa kaniyang tinuran, ang salita, bilang tanda, ay pagsasakatawan, pagsasakataga, wika nga ng isang dalumat-sa-isip.  Ang salita, bilang signifier, ay nabubuo sapagkat sa isang lipunan o lipi, mayroong konseptong pinagkasunduang tanggapin, isang signified na kakatawan sa mga bagay-bagay.  Isinisilid ng mamamayan ang kahulugan sa tagapagtanda upang katawanin ang kanilang nais ipakahulugan  Ang salita ay bahagi ng isang sistema ng pakahulugan na totoo sa isang partikular na konteksto.  Masasabi ngayong sa napagkakayarian ng lipunan o lipi nagmumula ang mga pakahulugang denotatibo at konotatibo.      

Masdan natin halimbawa ang salitang "ina", na batid naman nating tumutukoy sa siyang nagluwal sa atin, nangangalaga, at wika nga ng gasgas nang talingahaga, "ilaw ng tahanan". Ang denotasyon ng salita ay batay sa ating napagkasunduang pakahulugan sa salitang i-n-a, na binubuo ng mga tanda ng mga titik.  Malinaw sa ating dalumat ang pakahulugan ng mga salitang nabuo, halimbawa, kung isinusulat natin.  Ngunit may lagpas-sa-kahulugan pang ibig sabihin ang ina, batay na rin sa lipunang pinanggagalingan ng nagpapakahulugan.  Halimbawa, kung magagawi ka sa Bikol, sa Naga, Camarines Sur, halimbawa, at nagtanong-tanong sa mga lokal kung paano ba pumunta sa Dambana ng Birhen ng Peñafrancia, hindi dapat ikagulat ang paggamit nila sa salitang "ina" bilang pangalan ng birhen.  Dadalaw ka ba kay Ina? Ang inang tinutukoy ay hindi na lamang ang karaniwang inang maaruga, kundi ang ina na ng Diyos na sentro ng debosyon sa lokalidad.  Konotasyon ito ng salita, sang-ayon sa minunulang kultura.

Ngunit masdan naman itong pagkasangkapan sa salitang "ina" sa tula ni Andres Bonifacio na "Huling Hibik ng Filipinas sa Inang España":

Sa kapuwa Ina'y wala kang kaparis,

Ang layaw ng anak: dalita't pasakit;

Pag nagpatirapang sa iyo'y humibik,

Lunas na gamot mo ay kasakit-sakit.

Bukal ng Bait: Kung Paano Magbasa ng PanitikanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon