Chapter 2:
"The Two of Us"
MAGKAHAWAK KAMI NG KAMAY PALAYO SA SILID, NAUUNA siyang naglalakad at kasunod ako. Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto na kami naglalakad sa loob ng pasilyo, nakatanga at nakatitig lang ako sa likuran niya. Tulala at gulantang parin sa mga nasaksihan ko, naglalaro pa rin sa isip ko ang kaninang pangyayaring aking kinasangkutan. gusto kong magsalita, tumili, o pumalahaw subalit wala akong mahukay na lakas ng loob sa gulo at sa kaninang nakakatakot na imaheng nagpapatintero parin hangang ngayon sa ulirat ko.
Ramdam ko ang higpit ng pagkakahawak at paghila niya sa akin, pero may halong pagka-maingat, marahil dahil lingid sa kaalaman niya na babae ang kanyang tangan-tangan. Sa layo ng agwat ng taas namin sa isa't-isa, wari'y isa akong batang musmos na hila-hila niya.
Pansin ko ang tikas ng hubog ng kanyang katawan, kahit likod lamang niya ang aking nakikita, bakas at halata parin ang kagandahan nito. hindi ko maintindihan kung bakit, pero natutukso akong sulyapan ang kanyang mukah, ang kanyang labi at higit sa lahat ang kanyang mga mata na kinagigiliwan ko. Bakit kaya parang ang lungkot ng mga ito? Sa likod ng mapusyaw nilang kariktan, dama ko ang lumbay na bumabalot sa bawat isa.
"anong ginagawa mo dito?"
"papaano mo nahanap ang lugar na 'to?"
"alam mo ba ang situwasyong pinasukan mo?"
nagitlaan ako sa biglaang sunod-sunod niyang tanong.
Narinig at naintindihan ko naman ang mga bawat tanong na binato niya, subalit nakuha kong magtaka, anong ginagawa ko dito?, Alam ko ba ang sitwasyong pinasukan ko?, Siyempre eskwelahan 'to karapatan ko ang pumasok at matuto. At paano ko nahanap ang lugar na 'to? Kahit na bagong lipat lang kami, hindi naman mahirap hanapin ang nagiisang eskuwelahan sa pinaka-dulo ng baryo.
Sa kabila ng pagtataka ko, pinilit ko na lang manahimik, wala ako sa tamang kondisyon para sagutin ang mga walang kuwenta niyang tanong.
Minuto ang lumipas, timid at tahimik pa rin ako, nakayuko at nakatingin lang sa sahig malalim ang iniisip -tungkol sa lalakeng may mahahabang pangil. Ngunit kalahati ng aking diwa ay nakatuon sa init ng kamay niyang nakahawak sa akin. Hindi ko na mabilang kung ilang minuto na kami magkahawak, isa? Tatlo? O lima?, ang alam ko lang nakakadama ako ng tuwa at saya sa oras na humihigpit lalo ang hawak niya sa tuwing bumibilis ang kanyang paglakad, tila nagmamadali. Ganito pala ang pakiramdam na mahawakan ng ibang kasarian, hindi ko maipaliwanag subalit animo'y nakalutang ang katawan ko sa alapaap. May kung anong kuryente ang gumagapang sa aking kalamnan. Hindi ako mapakali sa kabang nararamdaman ko, kaba na hindi takot, kundi sa saya. Maliban sa aking ama, siya palang ang kauna-unahang lalakeng sumayad ang balat sa mga inosente kong daliri at palad. Madalas babae lahat ang nagiging kaibigan ko, marami na ang isa o dalawang beses sa isang buong taon kung kumausap ako ng lalake. Hindi sa takot ako sa kanila o ano pa man, kundi naiilang lang ako, o mas magandang sabihin 'nahihiya' ako sa kanila.
Tumingala ako, ibubuka ang bibig at handa magpakawala ng tanong. Subalit nang magbibitaw na ako ng salita bigla na lamang siyang huminto sa paglalakad, tumama tuloy ang mukah ko sa likod niya. Binitawan niya ang kamay ko at nagumpisa ulit maglakad papunta sa isang malaking bintana malapit sa kinatatayuan namin.
May kung anong kirot ang nadama ko sa aking puso nang kumalas siya. Hindi ko matanto kung bakit pero sa kaloob-looban ko, nais kong hawakan niya muli ako, kung puwede lang yung mas matagal, kung puwede lang hangang magsawa ako. Marahil dahil sa siya palang ang lalakeng strangherong nakasama ko ng ganito katagal, ganon na lamang ka excited ang sarili ko na makihalibiro sa kanya.
Sumilip siya sa labas ng bintana, palinga-linga parang may hinahanap. Maliban sa manaka-nakang malakas na pagtambol ng aking puso tanging hangin na naglalaro sa mga dahon ng mga puno lamang ang aking naririnig. Sinulyapan ko ang aking orasan, 7:40 A.M.ang basa ko, ngunit parang magaalas-sais na sa labas. Malapit ng lamunin ng dilim ang sa loob ng pasilyo. Nakakapagtataka, siguro dahil pinalilibutan ng mga malalaking puno ang eskuwelahan kaya hirap pumasok ang liwanag ng araw dito, ang nasa isip ko.