Tanda ko pa iyong araw na una tayong nag-usap bilang ikaw at ako at hindi bilang magkaklase. Katatapos lang ng first periodical test natin noon nang madaanan kita sa labas ng eskwelahan. Nakaupo ka roon sa may waiting shed, tulala. Muntik na akong tumawid no'n papunta sa 7eleven para bumili ng ice cream nang mahagip ko ang pagkinang ng mga mata mong nagbabadyang lumuha. Pinag-isipan ko pa kung pupuntahan ba kita o hahayaan na lang dahil hindi naman tayo close at baka isipin mo lang na tsismosa ako. Pero nakumbinsi ko ang sarili kong lapitan ka dahil sa pagsinghot mo. Nakakaawa ka kasi no'n.
Hindi ako gumagamit ng panyo dahil lagi ko lang nawawala pero mayroon akong dalang face towel sa loob ng bag ko. Inabot ko sa'yo iyon at muntikan ka nang mahulog sa kinauupuan mo dahil sa gulat kaya natawa ako.
"Heto, pamunas ng uhog," sabi ko sabay lapag ng face towel sa kamay mo.
Nagpasalamat ka at pinunasan mo ang mukha mong mamula-mula. Siguro dapat inisip ko muna kung anong dapat kong sabihin bago kita tinabihan dahil ilang minuto rin tayong ganoon, hindi nagsasalita. Hindi ko alam kung paano umaliw ng tao at sa totoo lang, gusto ko nang kumain ng ice cream noon kaya tumayo ako at dire-diretsong tumawid papunta sa tapat na 7eleven. Bumili ako ng dalawang Cornetto. Pagbalik ko ay nakita kong gano'n pa rin ang ayos mo.
"Gusto mo?" alok ko sa iyo.
Nahihiya ka pa noon pero siguro naisip mo ring mas nakakahiya kapag tumanggi ka. "Salamat," sabi mo nang kinuha mo 'yong ice cream.
Malapit ko na makalahati ang ice cream ko nang bigla kang magkuwento. Sinabi mo na nakipaghiwalay sa'yo 'yong girlfriend mong si Cindy. Sabi mo hindi mo maintindihan kung bakit ka niya hiniwalayan dahil sa tingin mo ay wala naman talagang rason. Pero maya't maya sinabi mo ring kasalanan mo.
"Ang toxic ko kasi."
Sa sumunod na mga minuto, nagkuwento ka lang tungkol sa inyo. Sinabi mo 'yong mga sa tingin mo ay naging pagkakamali mo at pinakinggan lang kita.
Mahigpit ka sa kanya, pinagbabawalan mo siyang mag-post ng mga litrato niyang medyo revealing. Mabilis ka ring magselos. Lahat ng mga kaibigan niyang lalaki na lumalapit sa kanya, pinagseselosan mo. Sabi mo ay takot ka lang mawala siya dahil pakiramdam mo, anytime pwede ka niyang ipagpalit sa iba. Sa dami ba naman ng mga nagkakagusto sa kanya, sinong hindi matatakot. Ang ganda kasi niya tapos matalino pa at higit sa lahat, napakabait niya. "Sino ba naman kasi ako, 'di ba?" Sa dami nga ng nagkakagusto sa kanya, ikaw yung pinili niya. "Parang himala," tapos tumawa ka.
"Baka naman pwede niyo pang pag-usapan at ayusin," sabi ko.
"Iyon nga eh. Napag-uusapan naman namin ito noon pero palagi lang niyang sinasabi na I'm the best kapag nag-sosorry ako. Inuulit niyang sinasabi na mahal niya ako sa kung sino ako," giit mo at napansin kong may namumuo na namang luha sa mga mata mo. "pero siguro hindi siya naging honest do'n."
Hindi ko alam ang sasabihin ko. Medyo naiilang ako sa sitwasyon dahil hindi ako sanay na makita kang ganoon. Karaniwan kasi nakikita kitang masiyahin sa loob ng classroom.
"Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit nagsinungaling pa siya. Bakit hindi na lang niya sinabing hindi niya gusto itong mga ugali ko para sana at least, sinubukan kong magbago," bumiyak ang boses mo sa pagpipigil ng iyak.
Tumahimik ka na kaya't hinuhain kong pagkakataon ko na iyon para magsalita. Hindi ko alam ang dapat kong sabihin sa ganitong sitwasyon pero ayon sa kinuwento mo, parang may pag-asa pa naman kayong magka-ayos. "Ewan ko lang, Leo ha, pero parang pwede niyo pang ayusin yan. Balita ko matagal din kayo eh."
"Four years kami, actually."
"Wow, ang tagal," namangha ako dahil sa edad natin, kaunti lang iyong mga nagtatagal talaga. "Naku, kung ako sa'yo, 'di ko muna bibitawan 'yun. Baka pwede pa."

BINABASA MO ANG
A Bestfriend's Story (ONE SHOT)
ContoA story about a girl who fell in love with her best friend.