Small World
Matalim ang diretsong tingin niya sa'kin. Sa mga mata niya para bang sinasabi niya na kasalanan ang makita ako rito.
Sunod na tumawid ng tingin ay si Lorainne nang hindi siya kibuin ni Jace. Kami ang nadatnan niya kaya bumalatay ang pinaghalong gulat at pagtataka sa kaniya. Nakita ko pa ang sandaling pagkunot ng noo niya.
"Iniwan niyo naman ako roon! Mga traydor!" Reklamo ni Athena pagkapasok niya.
Mabilis ang paglipat ng atensyon ni Lay sa kaniya. Napabuntong hininga na la'ng si Lay at napailing-iling. Hindi ko mabaling sa kanila ang atensyon ko dahil pilit na hinihigop ako ng mga mata ni Jace.
"Uy, Meyang! Ano na?! Ba't ka tulaley?!" Pag-iingay ni Athena.
Nang hindi ako sumagot ay sinundan niya rin ang tinitingnan ko. Napasinghap pa siya sa gulat.
"Bakit sila nandito? Bakit sila lang dalawa? My god!" 'Di mapigilang bulaslas niya sa gilid ko.
Dahil sa tanong niya ay mas nadagdagan ang kanina ko pa pinipigilang mamuo sa loob ko. Inaamin kong mapait pa rin talaga. Dahil kahit ano man ang rason, ang babaeng kasama niya ngayon ay minsan niyang nagustuhan. Baka nga ganoon pa rin magpasa hanggang ngayon.
Kahit i-umpog ko ang ulo ko sa pader araw-araw. Kahit paggising ko ay umpisahan ko agad ang seremonya ng pagdarasal sa sarili na tigilan na ang pagkagusto ko kay Jace. Alam ko rin kasi na bago ako matulog, naiisip ko pa ring hindi ito madali. Ang iniisip ko rin na 'yon ang mas nagpapahirap at hindi nagbibigay saysay sa lahat. Sa bawat pagod ko sa araw-araw.
Isa itong malaking sampal sa'kin. Hindi dadaanan ang araw na iniisip ko na baka pwede. Pero ako rin mismo ang nagbibigay ng mga dahilan kung bakit hindi niya ako magugustuhan.
I'll build up myself just to let me down.
Patuloy akong ginagapang ng pait. Huminto lang ang lahat nang masiglang tinawag si Lorainne ng isang tao na nagpapasalamat ako ay narito rin. Mabilis na bumulong si Unique kay Lorainne. Walang nagawa si Lorainne kung hindi magpatianod kay Unique, pero umisang sulyap muna siya bago tumuloy.
Nakakapagtaka lang ang hindi ko maipaliwanag na ekspresyong nakita ko sa kan'ya. Lungkot ba 'yon? Panghihinayang? O pait? Hindi ko alam. Hindi ko rin mapangalanan.
Sunod ay narinig ko ang buntong hininga ni Lay sa gilid ko. Pero imbes na siya ang tingnan mas pinili ng mga mata ko na si Jace ulit ang masdan. Nakakagulat lang na nasa akin pa rin pala ang tingin niya.
Pinagsawalang bahala ko ito nang nauna nang maglakad si Lay. Sumunod sa kaniya si Athena. Nang nalampasan nila si Jace ay tsaka lang ako sumunod. Ramdam ko pa rin ang mga mata niya sa'kin ngunit diretso ang lakad ko. Hanggang sa ako naman ang lumampas sa kan'ya.
Sa isang sandali ay naisip ko na sana ay higitin niya ako. Sana ay kausapin niya ako. Sana ay kahit pagbati na lang ay gawin niya sa'kin. Pero kahit isa sa mga 'yon ay hindi niya ginawa. Nag-umpisa na naman tuloy ang paggapang ng pait sa'kin.
Pinigilan ko na lang ang sarili ko na lingunin siya. Narinig kong tinawag ang pangalan niya, hudyat na handa na ang order niya. Sa sandaling 'yon ay sumulyap ako. Hindi naman nakakapagtaka na Iced Caffee Latte ang order niya. Ang paborito niyang kape ay isa lang sa mga impormasyong nalaman ko sa kan'ya.
Napangiti na lang tuloy ako sa naalala. Noong nalaman ko kasi na 'yon ang gusto niyong kape, laging iyon na rin ang ino-order ko. Ang hibang ko pala talaga. Pero hindi kasing lala noong immature pa ako. Ngayong mas mature na ako, gusto ko na lang siya at wala na ang stalking. Mas healthy na ngayon.
BINABASA MO ANG
She's That Paltry
RomanceJace Nimrod Dela Fuego is the man of certainty, aside from the fact that he is also the man of Meana's dreams. She'll risk everything for him. Secretly cares for him. But, she can't tell anyone that she likes him because she knows he won't reciproca...