One

8 3 0
                                    

[FD's Note: Hi, guys! Thanks for waiting sa upload. Medyo busy lang kasi I'm planning to join a writing contest and currently thinking of an extraordinary plot haha. Thanks din pala sa mga naglagay ng ang Regalo ni Mama sa Reading Lists niyo.]


**********


Dalawang araw ng aligaga si Josie, at madalas na rin itong umiiyak. Wala rin itong ganang kumain o ni uminom man lang ng tubig. Halos dalawang araw na rin itong walang pahinga sa kakahanap sa nag-iisa nitong anak at isang gabi na din siyang hindi makatulog o kung minsan naman ay madalas niyang mapanaginipan ang anak.


Matagal ng pumanaw ang asawa ni Josie kung kaya't siya na lamang ang nag-iisang kumakayod at nagtataguyod sa labing dalawang taong gulang niyang anak na si Roy. Kuntento naman siya dahil alam niyang masaya ang anak niya sa kanya, napapag-aral niya ito sa isang magandang paaralan at naibibigay rin ang ilan sa mga luho nito. Close sila ng anak, ngunit minsan hindi niya rin naman maitatanggi na napagbubuhatan niya ito ng kamay lalo pa at bata pa ito at ubod pa ng pasaway. Gayunpaman ay mahal na mahal niya si Roy ng higit pa sa buhay niya. Marahil siguro sa kadahilanang ito na lamang ang natitirang alaala ng pumanaw na asawa.


Kaya nga ganoon na lamang kabigat ang lungkot na nadarama niya ngayong nawawala ang kanyang nag-iisang anak. Ipinagbigay alam na niya ito sa mga pulis, at doble na rin ang hirap niya sa pamimigay ng poster na may larawan ng anak niya at description kung ano ang itsura nito noong huli niya itong makita. Ngunit paano niya naman matatagpuan kaagad ang anak kung ang mga pulis ay wala man lang ginawang aksyon noong sabihin niya ang biglaang pagkawala ng anak niya sa mga ito. Ika ng nakausap niyang mga pulis ay hintayin na lamang niya munang mag bente kwatrong oras itong nawawala at tsaka muli itong bumalik sa istasyon. Hindi na nga niya alam ang gagawin at hindi na niya alam kung kanino pa ba siya dapat na magdasal at kung kaninong santo pa ba siya dapat na mananalangin para ng sagayon ay mabilis na tuparin ng mga ito ang nag-iisang hiling niya, iyon ay sana bumalik na ang anak niya.


Alas nuebe ng gabi ng umuwi si Josie. Bitbit niya ang ilang mga natirang poster sa kanyang kamay. Tagaktak ang pawis niya at bahagyang nanlilimahid dala ng init na natamo sa maghapon. Nagtungo siya sa lamesa at dahan-dahang umupo. Tulala siya at mayamaya ay umiyak nanaman ito. Pero sandali lang din at pinahid niya ang luha sa mata at inayos ang sarili. Balak niyang ngayon na bumalik sa police station para ipaalala sa mga ito ang kaso ng pagkawala ng anak niya. Hindi siya pwedeng basta-basta na lang sumuko.


Ng mahimasmasan ay tumayo na siya para mag-ayos ng sarili ng kaunti. At ng makuntento sa itsura ay nagtungo na siya palabas ng pinto.


**********


Madilim ng gabi na iyon, naalimpungatan ang batang si Roy at bahagyang binuksan ang mga mata. Tumambad sa kanya ang kadiliman at ramdam ng bata ang takot sa kanyang kaloob-looban. Dahan-dahan siyang tumayo at nagulat pa ng makitang siya ay nasa halamanan pala. Maingat siyang lumayo mula dito at sandaling tumayo pa sa kinasasadlakan niyang lugar. Hindi alam ng bata kung ano ang kanyang gagawin ng mga sandaling iyon at ang tanging nais lamang niya ay makauwi dahil sigurado siya na nag-aalala na ang kanyang ina sa kanya. Kung kaya't kahit hindi alam ang patutunguhan ay lumakad na siya palayo dito.


Ilang hakbang pa niya ay hindi sinasadyang nasipatan niya ang tulay, at mula doon ay nalaman niya na siya pala ay nasa ilalim ng tulay. Labis ang pagtataka ni Roy kung bakit siya napunta sa lugar na iyon. Sa pagkakatanda niya ay malayo-layo iyon mula sa kanilang tahanan, kung bakit niya ito nalaman ay dahil madalas silang dumaan doon ng kanyang ina noon sa tuwing sinasama siya nito sa pamimili nito ng mga prutas sa kabilang bayan.


Bagamat hindi niya na matandaan ang daan pauwi,  at ni pisong duling ay wala siyang dala kung kaya't paglalakad lang talaga ang nag-iisa niyang sandata. Iniisip na lamang niya na kailangan niyang makauwi dahil paniguradong hinahanap na siya ng kanyang ina.


Nilakbay ni Roy ang kadiliman ng lugar ngunit kataka-takang hindi siya nakaramdam ni katiting na kapaguran. Ipinagsawalang bahala niya iyon at kaliwa't kanan ang lingon niya dahil sa mga nagdadaang mga pampasaherong sasakyan. Bata nga siya kung maituturing ngunit sanay naman ang mga paa niya sa lakaran sapagkat sa tuwing pumapasok siya sa eskwelahan ay hinahatid siya ng kanyang ina papunta roon at mag-iiwan ito ng pera upang pamasahe niya pauwi, ngunit ang ginagawa niya ay itinatabi ang pera at nilalakad niya na lamang ito. Nag-iipon kasi siya ng pera para ipambili ng damit ng nanay niya para sa darating nitong kaarawan. Balak niyang sorpresahin ang ina ng sa gayon ay makabawi naman siya sa mga paghihirap nito sa kanya.


Habang naglalakad ay nakita ni Roy sa di kalayuan ang kanyang ina, marahil nagtaka siya dahil ito ay patungo sa pulisya ngunit gayunpaman ay sinundan niya ito. Masayang-masaya siya na sa wakas ay makakauwi na rin siya.


Sa loob ng nasabing lugar, nakita ni Roy na may kausap na pulis ang kanyang ina. Nakatalikod ito sa kanya kung kaya't alam niyang hindi siya nito nakikita. Narinig niya pa ang usapan ng mga ito at labis ang pagtataka niya at pag-aalala.


"Ganun po ba, Ma'am?" rinig niyang sabi ng pulis kay Josie.


"P-please sir, tulungan niyo po akong mahanap ang anak ko." pagmamakaawa ng kanyang ina dito. "Hindi po siya umuwi sa amin. Lagpas bente-kwatro oras na siyang nawawala, please sir, nagmamakaawa po ako. Tulungan niyo po sana akong mahanap si Roy, ang anak ko." halos lumuhod na ang kanyang ina sa pagmamakaawa at bakas na rin sa boses nito ang matinding pagpipigil ng pag-iyak.


"Ok, sige po, Ma'am. Maari po bang kumalma po muna kayo, at ilarawan sa akin kung ano ang itsura ng inyong anak?" tugon naman ng pulis sa kanyang ina.


Nagulat siya at sandaling napako ang kanyang mga paa sa kinatatayuan. Pero ng makabawi ay agad siyang lumapit dito.


"M-Mama..." akmang hahawakan niya ang kamay ni Josie pero tila bumagal ata ang oras at tila sumikip ang dibdib niya ng lumagos lamang siya rito. Sumubsob siya sa sahig at naalala ang kakila-kilabot na karanasan niya noong bago pa lamang siyang mawala at matagpuan ang sarili sa ilalim ng tulay.


Naglalakad noon si Roy galing sa kanyang paaralan pauwi sa kanilang bahay. Itinatabi niya ang mga perang ibinibigay sa kanya ng kanyang ina para sana pamasahe niya pauwi at sa halip ay nilalakad niya ang medyo may kalayuan na daan pauwi sa kanila. Hindi niya napansin ang isang lalaki na lumabas sa sasakyan nito na may dalang ilang piraso ng karton. Napalingon na lamang siya rito noong ito ay magsalita at tawagin siya. Saglit siyang nagtaka ngunit ng sabihin nito ang pakay ay nawala na ang pagtataka niya.


"Psst! Bata! Pwede mo ba akong tulungan dito sandali?" tanong nito ng nakatangin sa kanya. Nakaramdam siya ng takot dahil naisip niya ang mga sinabi sa kanya ng kanyang ina. Na huwag na huwag raw siyang makikipag-usap lalo na sa mga hindi niya kakilala. Magmula sa kinatatayuan ay iniisip niya na maaaring isa itong masamang loob at baka kung ano pa ang gawin nito sa kanya. Ngunit muli itong nagsalita.


"Promise, sandali lang." sa pagkakataong iyon ay sumama siya sa lalaki, dahil tila ba mahika na gumaang ang pakiramdam ng bata sa lalaki noong ngitian siya nito.


Sunod-sunod na naglandas sa mga mata ni Roy ang kanyang mga luha. Tila nag-uunahan ang mga ito sa pagpatak. Labis ang bigat ng kanyang damdamin ng maalala ang mga nangyari kahapon. 


"M-Mama.." tawag ni Roy sa ina bagamat alam na niyang hindi siya nito maririnig. "S-Sa tingin ko po... p-patay na ako.." 


"Mama... patay na ako.." iyon ang mga huling salita na binitawan ni Roy bago maglaho ang kaluluwa nito sa istasyon ng mga pulis.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 13, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon