ABBYHalos buong araw akong nakatitig sa TV, wala si Kian dahil may mahalaga s'yang aasikasuhin patungkol sa kompanya nila. Ang bata n'ya pa para sa mga ganoon pero kailangan eh.
Nag aalala na rin ako kay Papa dahil hindi s'ya umuwi kagabi at hanggang ngayon hindi pa rin n'ya sinasagot ang mga tawag ko.
Napaka boring ng araw na 'to! Kumuha ulit ako ng chips para do'n ibuntong ang pag ka boring ko.
"Abby, tumatawag ang Daddy mo," biglang sulpot ni Manang kaya napasapo ako sa aking dibdib dahil sa gulat.
"Manang naman eh!" Reklamo ko bago ko kinuha ang cellphone.
"Hello, Abby? Mamayang dinner uuwi ako, mag ayos ka ha? May kasama ako mamaya," saad ni Papa sa kabilang linya.
"Sino naman po?" Tanong ko.
"Malalaman mo rin mamaya," saad n'ya. Halatang masaya si Papa ano naman kayang dahilan o sino? Hmm.
"Sige po," tugon ko.
Binaba na ni Papa ang tawag kaya lumingon ako sa wall clock, alas tres y media na pala. Hindi ko man lang namalayan ang oras, lumingon ako saglit sa TV bago ito patayin.
Umakyat na 'ko sa k'warto ko para maghanda ng isusuot, nagtungo ako sa cabinet ko para tumingin ng magandang isuot para mamaya.
Napili ko ang simpleng dress na kulay puti, hapit ito sa bandang dibdib ko. Pinarisan ko ito ng kulay puti rin'g doll shoes, siguro naman ayos na 'to? Kakain lang naman kami ng dinner. Pft.
Napasapo ako sa noo ko dahil halos kalahating oras din pala akong namili ng isusuot ko, dumiretso na ko sa banyo para magbabad saglit. Ang saglit ko ay halos isang oras, nang matapos akong maligo lumingon ako sa orasan na nasa lamesa para makita kung anong oras na.
Alas k'watro na rin pala, nagbihis muna ko ng sando saka short, umupo ako sa tapat ng aking salamin para maglagay ng kolorete sa 'king mukha.
Nang mas alas otso na ay nakarinig ako ng tunog ng sasakyan mula sa labas ng bahay, mukhang nariyan na si Papa.
"Abby, nariyan na ang Papa mo," rinig kong saad ni Manang mula sa labas ng pintuan ng aking k'warto.
Muli akong sumulyap sa salamin para makita ang ayos ko, pagkatapos no'n ay bumaba na rin ako.
Lumapit ako kay Papa para halikan s'ya sa pisnge, napalingon naman ako sa katabi n'ya, sino ang babaeng kasama n'ya?
"Anak, s'ya nga pala ang Tita Aida mo, kasintahan ko s'ya pasensya na anak hindi ko agad nasabi sa 'yo baka kasi hindi ka sang-ayon," paliwanag ni Papa.
Napatango tango naman ako saka bahagyang ngumiti, ayos lamang sa 'kin kung mag karo'n man ng bagong asawa ang Papa ko, basta masaya s'ya ayos na ko ro'n.
Tahimik akong kumakain, minu-minuto ko namang sinusulyapan sina Papa at Tita Aida, ang sweet kasi nila. Halata sa mata ni Papa kung gaano s'ya kasaya kaya lihim akong napangiti.
"Abby, anak. Tatlong taon na magmula no'ng namaalam ang Mama mo, hihingin ko sana ang permiso mo kung p'wede kaming magpakasal ng Tita Aida mo? Hindi dahil sa nakalimutan ko na ang Mama mo, sadyang 'di ko napigilan nang muling tumibok ang puso ko nang makilala ko ang Tita Aida mo," saad ni Papa nang matapos kaming kumain.