"Mahal, saan mo ba talaga ako dadalhin ha? " Bulyaw ko sa aking nobyo dahil nasa kalagitnaan pa naman ako ng tulog ay bigla nya akong ginising at dinala sa kung anong lugar na ito.
Ang masaklap pa ay nilagyan nya ako ng piring.
"Saglit nalang, mahal ko. Oh! Tatlong hakbang na lamang!" Pagtuturo nya.
Sa pagkaalis ng piring ay namukhaan ko na agad kung nasaan kami. Isang patag na lugar na puno ng bituin ang kalangitan.
"A-ang ganda!"
Hindi ako makahinga sa labis na tuwa."Batid mo ba na matagal ko ng pinangarap na dalhin ang binibini na nagpatibok ng aking puso sa ganitong lugar? Sa ganitong oras?" Panimula nya saka humakbang papalapit sa akin.
Napalunok ako. Hindi na maawat ang malakas na pagkalabog ng aking dibdib.
"Batid mo rin ba na nais kong abutin ang buwan kasama ka?" Pagpapatuloy nya.
Inilapit nya ang kanyang mukha sa akin at batid kong sasabog na ako.
Naramdaman ko ang malambot nyang labi sa akin. Hindi naman ako nagpatalo at marahas kong sinuklian iyon. Mapusok na kung mapusok, pero ngayon lamang ito mangyayari.
Sa unang pagkakataon ay nagdikit ang aming labi. Wala akong maramdaman ngayon kundi tuwa at nag-uumapaw na pagmamahal. Parang ayoko nang lumipas ang oras. Sana habang buhay kaming ganito.
"Mahal ko, hindi ko maisip ang isang araw na wala ka sa aking tabi." Pag-aamin nya.
"Ganoon din ang sa akin."
"Magpakasal tayo, ipakita natin sa iyong ama na hindi kita bibitawan!"
"Sige, bukas na bukas din, mahal ko! Kakausapin natin si ama." Hindi mawari ang kasiyahang nararamdaman ko habang magkayapos ang aming katawan.
Saksi ang buwan at bituin kung gaano kasaya ang puso namin sa oras na iyon.
Ngunit sadyang malupit ang tadhana. Kahit gaano man kamahal ng dalawang tauhan ang isa't-isa sa isang kwento, manunulat parin ang magdidikta ng kanilang kapalaran.
"Ahh!!!"
Kasabay ng pagputok ng baril ang paglabas ng dugo sa bibig ng taong kayakap ko ngayon. At sunod-sunod pang mga maalingawngaw na putok.
Hindi na maawat ngayon ang dugo na lumalabas sa kanyang tiyan, dibdib,at binti. Dahilan upang mapabagsak sya sa lupa.
Malakas syang tao ngunit hindi nya nagawang kalabanin ang kamatayan."MAHALLL!!! Anong nangyayari sa'yo?" Mahal, gising" Nag-uunahan na ngayon ang mga luha ko sa pagbagsak. Nasasaktan ako sa nakikita ko ngayon. "TULONGGG!!! Dalhin nyo sya sa pagamutan!!" Patuloy lamang ako sa pagsigaw kahit alam kong walang ibang tao sa lugar na kinakaroonan namin.
"M-mahal.."
Napalingon ako sa kanya. Kahit paos, pinipilit nya parin na magsalita.
"M-mahal kita"
"W-wag kang pipikit! M-maghahanap ako ng tutulong sa'tin, dadalhin kita sa pagamutan. M-mabubuhay ka pa!"
Ngumisi sya. "H-hindi na ako aabot."
"P-paano na tayo?"
Hinaplos nya ang pisngi ko upang punasan ang di maawat na luha. "Mawala man ako sa paningin mo, hinding-hindi ako titigil upang mahalin ka. Kung mabubuhay akong muli, sa ibang panahon o sa ibang mundo,babalikan kita at ikaw lamang ang pipiliin ko."
At iyon na ang huling salitang narinig ko mula sa kanya bago pa man sya kunin ng kamatayan.
Sa paglingon-lingon ko sa paligid ay nasulyapan ko ang guwardya-sibil na kanina pa sigurong nakasunod sa amin at tiyak ko na sya ding kumitil ng buhay ng aking pinakamamahal.
Dahil sa aninag ng buwan ay nakilala ko ang itsura nya- Ang guwardyang pinaka pinagkakatiwalaan ng aking ama. Ngunit bago pa man ako makalapit sa kanya ay nawala na syang parang bula.
Naiwan ako sa lugar na kanina lamang ay nag-uumapaw sa saya at ngayon ay mas malungkot pa sa lamay.
Nagising ako sa ingay ni mama. Ang aga-aga, nagrarap nanaman!
"Hoy gumising ka na dyan at ibili mo ako ng bareta sa tindahan! Ang tagal-tagal mo gumising pano puyat ka ng puyat sa kakanood mo ng K-drama na yan!"
"Opo, ma!"
"Oh eto pera! Balik mo sukli ah!" Sabay abot sa akin ng 20 pesos.
Hays kahit kelan talaga 'to si mama.
Kahit walang suklay at hilamos ay dumiretso na ako sa tindahan dahil ayokong mabungangaan ulit kung nagtagal pa ako sa pag-aayos.
Sa paglalakad ko ay may nakabanggan akong isang lalaki.
"Sorry, miss"
"Hindi, ayos lang"
Kinilabutan ako nang makita ko ang itsura nya. Hawig na hawig nya yung lalaking napaginipan ko. Maging ang boses ay parehas.
Hindi ko namalayan na nakatulala nalang at hindi ko rin alam na umiiyak na ako sa harapan ng estranghero. May kung anong pakiramdam sa akin na nagkokonekta sa aming dalawa.
Natauhan ako nang bigla syang magsalita muli.
"Sabi ko naman sa'yo, babalikan kita"
wakas.
BINABASA MO ANG
Once Again
Short StoryKinilabutan ako nang makita ko ang itsura nya. Hawig na hawig nya yung lalaking napaginipan ko. Maging ang boses ay parehas. Hindi ko namalayan na nakatulala nalang at hindi ko rin alam na umiiyak na ako sa harapan ng estranghero. May kung anong pa...