"S-SIGURADO ba na ayos lang ang... ang suot kong damit, Jex?" nag-aalangang tanong ni Nicole sa binata. Nasa harap na sila ngayon ng gate ng bahay ng mga Hamilton dahil ipapakilala na siya ni Jex sa pamilya nito. Hanggang ngayon, nagaalinlangan pa rin siyang humarap sa mga ito na nakasuot lamang ng simpleng t-shirt at pantalon. Nakalugay lang din ang mahaba niyang buhok.
Tumingin sa kanya si Jex, hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang kamay. "Sinabi ko na sa'yong walang problema sa suot mo, Nicole," sagot nito. "You're beautiful that way. Hindi mo na kailangang baguhin ang sarili mo o anupaman."
Lumabi siya. "Bakit kasi... bakit kasi kailangang ipakilala mo agad ako sa kanila?"
Ngumiti ang nobyo. Itinaas nito ang isang kamay para masuyong haplusin ang pisngi niya. "Gusto ka na rin nilang makilala. Wala namang masama doon, hindi ba?"
Hindi na naman nagsalita si Nicole at sumunod na lamang sa lalaki hanggang sa makapasok sila sa loob ng napakarangyang bahay. Sa lugar pa lang na ito, hindi na maikakaila kung gaano kayaman ang pamilya ni Jex. Bigla ay nakaramdam na naman siya ng panliliit.
Pero agad ding nawala ang pakiramdam na iyon nang makita ang masayang pagsalubong ng pamilya ng binata. Ipinakilala ni Jex sa kanya ang Mama Myra nito at ang nakababatang kapatid na si Angel.
Hinila siya ni Angel paupo sa couch. "I'm so happy to meet you again, Ate Nicole," masayang wika nito. "Sinabi ko naman sa'yo, Mama, na maganda siya."
Ngumiti si Mama Myra, tumabi rin sa kanya. "Nakikita ko nga," anito. "Alam ko na kung bakit sobra-sobra na lang ang pagmamalaki sa'yo nitong anak kong si Jex." Sinulyapan pa nito si Jex na nakatayo pa rin.
Tiningnan ni Jex ang kapatid na si Angel. "Hindi ko alam na nakilala mo na si Nicole."
Iwinagayway ni Angel ang isang kamay. "It's just a coincidence, Kuya." Tumingin sa kanya ang babae at kumindat. "Pero masaya ako na nagkabalikan na kayo."
"Sayang at wala dito ang isa pa nilang kapatid na si Lorena. Nasa ibang bansa na naman kasi siya," singit naman ng ina ng mga ito. "Ipaghahanda ko muna kayo ng makakain." Hinawakan nito ang isa niyang kamay, ngumiti. "Mag-usap tayo sa dinner. Gusto ko pang makilala ng lubos ang babaeng nakasungkit sa puso nitong anak ko."
Pinamulahan ng mukha si Nicole. Sumulyap siya sa kinatatayuan ni Jex. Animo may lumukob na kakaibang init sa puso niya nang makita ang matinding kasiyahan sa mukha ng binata.
Halos buong dinner ay ang mama lamang nina Jex at ang kapatid nitong si Angel ang umubos sa oras niya. Napakarami ng mga itong tanong, mga kuwento. Pero nag-enjoy naman si Nicole na maka-bonding ang mga ito. Sa loob lamang ng sandaling oras na iyon, naramdaman niyang parang parte na siya ng pamilya Hamilton.
Humugot siya ng malalim na hininga at inalis iyon sa isipan. Magkasintahan lamang sila ni Jex. Hindi tamang mag-isip siya ng mga bagay na wala namang kasiguruhan.
"Gusto mo bang makita ang kuwarto ko?" narinig niyang tanong ni Jex na nasa likod.
Nakamasid si Nicole sa malaking pool na nasa labas ng glass wall kaya hindi namalayang nakalapit na pala ito. Tumingin siya sa binata, may pagkagulat sa mukha. Ang kuwarto ni Jex?
"H-huwag kang mag-isip ng masama," biglang dugtong ni Jex, tila nataranta pa. "W-wala akong balak na kung ano. Gusto ko lang naman—"
Napatigil sa pagsasalita ang lalaki nang marinig ang pagtawa niya. "Sige," pagpayag niya. "Pero sandali lang tayo. Hindi ko gustong mag-isip ng masama ang pamilya mo."
Gumuhit naman ang isang ngiti sa mga labi ni Jex. Tumango ito at hinila na siya patungo sa ikalawang palapag ng bahay.
Napakalaki ng silid ng binata, doble 'ata ng apartment na tinutuluyan nila ngayon. Halos lahat ng gamit doon ay halatang mamahalin, lalo na ang napakalaking kama sa gitna ng kuwarto.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 4: Jex Hamilton
Romance*This is an unedited version.* Kahit na anong available na raket ay pinapasukan ni Nicole para lang kumita ng pera at maipang-sustento sa mga kapatid. She even tried stealing once, at doon niya nakilala ang makulit na si Jex Hamilton. Tinulungan pa...