INIYAKAP ni Nicole ang mga kamay sa katawan nang makaramdam ng lamig. Hanggang ngayon, hindi pa rin tumitila ang napakalakas na buhos ng ulan. Hindi niya alam na sasama ng ganito ang panahon kaya hindi nakapagdala ng payong. Pauwi na sana siya mula sa bagong sideline job nang abutan ng ulan sa daan. Ngayon nga ay kanina pang naghihintay sa isang waiting shed, medyo basa na rin.
Wala na masyadong sasakyan na dumaraan dahil pasado alas-onse na ng gabi. Hindi rin makapaglakad ni Nicole dahil delikado ang daan sa ganitong panahon, lalo na at medyo tumataas ang tubig.
Napabuntong-hininga siya, medyo nakakaramdam na ng pagod. Kagabi pa siyang nilalagnat pero mas pinili pa rin ang pumasok sa trabaho sa kabila ng pagpapagalit ng ina.
Iniangat ni Nicole ang tingin nang makarinig ng mabibilis na yabag papalapit. Ganoon na lang ang kanyang pagkagulat pagkakita kay Jex na nasa harapan. Nakasuot ito ng gray na coat, may hawak na malaking payong. Nagtaka pa siya dahil sa galit na nasa mga mata ng binata.
"Nagpapakamatay ka ba, Nicole?!" bungad na pagalit sa kanya ni Jex.
"J-J-Jex..." garalgal na banggit ni Nicole sa pangalan ng binata, nangangatal na rin ang katawan dahil sa lamig.
Hinubad ni Jex ang coat na suot para ipasuot sa kanya. "Nagpunta ako sa bahay niyo kanina," mayamaya ay wika nito, pilit pinapakalma ang tinig. "Sinabi sa akin ng ina mo na mayroon kang bagong sideline job, na nagpumilit kang magtrabaho kahit na masama ang pakiramdam mo." Nag-igtingan ang mga bagang ng binata. "Mabuti na lang at alam ni Nanay Vilma ang lugar na ito. Kanina pa ako naghahanap sa'yo."
Tinitigan ni Nicole ang lalaki, hindi maikakaila ang pag-aalala sa mga mata nito. Gusto niya itong yakapin pero hindi na naman maigalaw ang katawan sa lamig.
Itinaas ni Jex ang isang kamay para salatin ang noo niya. "May lagnat ka pa rin," anito. "Alam kong mahalaga sa'yo ang kumita, Nicole. Alam kong marami kang inaalagaan, marami kang nais makamit para sa pamilya mo. Pero hindi ba puwedeng..." Naiinis na inihilamos ng binata ang isang kamay sa mukha. "Hindi ba puwedeng alagaan mo naman ang sarili mo?!"
Kinagat ni Nicole ang pang-ibabang labi. Nakakatakot si Jex kapag galit pero kahit ganoon ay napakaguwapo pa rin nito. Nababaliw na nga siguro siya dahil napapansin pa rin ang mga ganoong bagay.
"P-pasensiya ka na..." mahinang wika niya, sa wakas. "H-hindi ko naman alam na sasama ng ganito ang panahon. At saka... a-at saka maayos naman ako kanina nang—"
Hindi na natapos ni Nicole ang sinasabi nang bigla siyang yakapin ni Jex, mahigpit. Agad na nagrambulan ang tibok ng puso sa kanyang dibdib. Ilang araw niya ring inasam na muling maramdaman ang init ng binata, maamoy ang mabango at lalaking-lalaking amoy nito.
"Dapat kang maging masaya, Nicole," bulong ni Jex, may mahihimigang sakit sa tono. "Ang mga taong nagpapakahirap sa buhay na katulad mo ay dapat maging masaya."
Hindi maintindihan ni Nicole kung bakit biglang nangilid ang kanyang mga luha. Tila ba nararamdaman niya ang kalungkutan ng binata ngayon. "J-Jex..." masuyong sambit niya sa pangalan nito.
Bahagya siyang inilayo ng lalaki, pinakatitigan sa mga mata. "Hindi mo gustong tulungan kita, Nicole, pero sana hayaan mo akong patuloy na manatili sa tabi mo. Hayaan mo akong alagaan ka, protektahan." Hinaplos ni Jex ang kanyang pisngi, marahan. "H-hindi lang bilang isang kaibigan."
Nanlaki ang mga mata ni Nicole. Malakas ang patak ng mga ulan pero dinig na dinig niya ang mga salitang iyon. Iniiwas niya ang tingin kay Jex dahil siguradong namumula na ang buong mukha, hindi alam kung ano ang sasabihin.
"Alam kong... a-alam kong h-hindi dapat ganito kabilis," nauutal na pagpapatuloy ni Jex. "A-alam ko rin na... na hanggang magkaibigan lamang ang usapan natin, ang gusto mong maging relasyon natin. Pero... pero, Nicole, h-hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko." Ibinaba nito ang mga kamay para ikulong ang dalawa niyang kamay doon. "H-hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko tuwing kasama kita. Sobra-sobra na akong naguguluhan."
![](https://img.wattpad.com/cover/229466080-288-k256614.jpg)
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 4: Jex Hamilton
Romance*This is an unedited version.* Kahit na anong available na raket ay pinapasukan ni Nicole para lang kumita ng pera at maipang-sustento sa mga kapatid. She even tried stealing once, at doon niya nakilala ang makulit na si Jex Hamilton. Tinulungan pa...