Walang mga paa ang orasan, ngunit napakabilis nitong tumakbo.

Hindi ko namalayang tatlong araw na agad ang nagugol ko sa pagkukulong dito sa condo namin ni Trinity. Mabuti na lang pala't hindi na sya umuuwi rito, kung hindi ay nabungol na ko sa mga talak no'n.

Matutulog ng tulala't gigising muli para tumulala.

Hindi ko mawari kung ano ang dapat kong gawin sa situwasyong ito.

Kinakain ako ng aking konsensya sa t'wing sumasagi sa isip kong ipalaglag ang batang ito, ngunit hindi ko talaga sya pwedeng buhayin.

Kagat-kagat ang pang ibabang labi, sinubukan kong labanan ang mga luhang nababadya na namang kumawala sa aking mga mata.

Madalas puno ang schedule ko pero ngayon ko lang naramdaman ang kakaibang pagod na bumabalot sa aking buong pagkatao.

Dumako ang paningin ko sa aking tiyan, saka dahan-dahan itong hinaplos.

Totoo bang may laman ito? Seryoso ba talagang bata ang laman nito? Marahil ay niloloko lang ako ni Donna.

Buti nga sana kung gano'n. Pero paano kung hindi? Isa pa'y kahit sira ulo iyong si Donna, ay paniguradong hindi nya ako babatuhin ng ganoong biro.

Naalala ko ang mga tingin na ibinigay niya sa akin. Hindi lang iyon ang unang beses na makita ko ang galit niya pero sa pagkakataong iyon, napagtanto kong hindi lang siya galit kundi awang-awa siya sa situwasyon ko.

Naiinis ako. Nalulungkot. Argh! Hindi ko na alam.

Bahagya kong hinaplos muli ang aking tiyan. Palibhasa'y higit isang buwan pa lamang ay hindi pa halata—

Paano kapag umumbok ito? Anong gagawin ko? Paano na ang career ko?

Patawarin mo sana ako kung mas matimbang sa akin ang karera ko kaysa sa'yo. Halos buong buhay ko itong ginapang, kung kaya't hindi ako makapapayag na mawala itong lahat ng ganoon lang.

Napahinto ako sa ginagawang pagkausap sa aking tyan nang mahagip ko ang sariling repleksyon. Hinarang ko iyon at pinagmasdang maigi ang aking sarili't muling inalala ang mga pangyayari sa mga nagdaang araw.

Ang pagkapahiya ko sa shoot. Ang diagnosis ni Donna. Saka ang pagkansela nya sa lahat ng appointment ko ngayong linggo't sa susunod. Para raw makapagpahinga ako't makapag-isip. Nakakaasar!

Bwisit ka talaga, Donna! Dinaig mo si papa sa pakikialam sa buhay ko.

“Eh, ano bang pakealam mo kung gusto kong ipalaglag ang bata?!” singhal ko sa salamin. Iniisip na si Donna iyon nang kahit papaano'y kumalma ako.

Pero bigla kong naalala ang sinabi niya tungkol sa pagpapalaglag. Ginapangan akong muli ng pangamba.

Naputol ang aking pag-iisip nang may kumatok sa pinto.

Sandali akong natigilan. Wala naman akong inaasahang bisita.

Si Melanie'y natambakan ng dapat ayusin dahil nga pinagpahinga ako ni Donna. Si Donna naman ay tiyak na nakasubsob na naman sa klinika nya. Si Neli? Napakaimposible, hindi kami ganoon ka-close para dalawim nya ko't isa pa'y hindi nya alam kung saan ako naglulungga.

Makailang ulit akong nagpakawala ng matutunog na buntong-hininga habang inaayos ang sarili.

"Sandali lang," saad ko habang naglalakad patungo sa pinto.

Namilog ang aking mga mata ng bumungad sa akin ang mukha ng aking bisita, "Pa..."

Ngumiti lang ito sa akin pabalik. "Bakit ho kayo—"

"Hindi mo man lang ba muna ako patutuluyin?" putol nito sa akin. Oo nga pala. Napahiyang ko syang iginaya papasok ng aking unit.

Ayos na ba ang pakiramdam mo, hija?” saad nya nang makaupo na sa couch.

“Yes, pa. Okay na okay na,” tatango-tango ko pang sagot sa kanya. Nangungumbinsi.

Kasali ang dinner namin ng papa sa ikinansela ni Donna. Kung kaya ganoon na lang din ang inis ko sa kanya.

Minsan na nga lang makapaglaan ng oras sa akin si papa, sapagkat abala sya sa pag-aasikaso ng kanyang mga negosyo'y nauunsyami pa.

Talaga nga ba? Ang balita ko'y dalawang linggo kang pinagpapahinga ni Donna,” saad ni papa habang minamata ang unit.

Ginapangan ako ng takot. Paano kung binanggit na ni Donna sa kanya? Paano kung narito si papa sapagkat nais nyang marinig sa akin ang kompirmasyon? Paano kung tumulak sya rito upang harapan akong itakwil?

"Siguro'y masyado mo na namang pinapagod ang sarili mo kaya ganoon na lamang ang pahingang kinakailangan mo," dagdag ni papa. Tila natunaw naman lahat ng iniisip ko ng magsalubong ang aming mga paningin. Pag-aalala. Iyon kaagad ang nabasa ko sa kanyang mga mata.

"Ganoon na nga po. Marami po kasi talaga projects lately, kaya medyo said po talaga ako," tugon ko sa kanya.

"So, kumusta ka naman na ngayon? Have you been eating well? Sleeping well?” tanong nya. Mahihimigan pa rin ang kanyang pag-aalala.

Ganito siya palagi, ibig kong sabihin, kapag may pagkakataon. Tatanungin niya kung ano na bang lagay ko o kumusta ako.

Pero ang nakakatawa lang dito, nagkakaganito lang si papa kapag may nangyari sa akin.

Hindi sa nagrereklamo. Alam ko kung gaano kaabalang tao si Oliver Watson. Pero, hindi lang masayang isipin na bilang anak ay naaalala ka lang kumustahin ng iyong ama kapag may nangyaring hindi maganda.

The Sun's ReflectionWhere stories live. Discover now