Kabanata 1

3.4K 103 10
                                    

"DITO na lang, Manong Driver," para ni Olivia sa tsuper mula sa taksing sinasakyan. Agad naman nitong itinabi ang sasakyan sa gilid ng kalsada.

Eksayted siyang bumaba upang kuhanin na ang mga bagahe at mga mamahaling pasalubong sa loob ng compartment ng taxi. It's been what? It's been three years nang umalis siya rito sa Pinas. At ngayon muli na siyang nakatapak sa inang sinilangan. Nang masaid niya lahat ng gamit at naka-sigurong walang naiwan, binayaran na niya ang driver at may kasama pa iyong tsokolate. Tip niya rito.

Itinaas niya ang aviator na kasalukuyang suot. Naramdaman niya kaagad ang init sa balat galing sa sikat ng araw. Tunay ngang nasa Pinas na siya. Malayo sa kontinente ng Europa. Malayo sa lamig ng makakapal na niyebe. Kinalat niya ang tingin sa palagid. Napakalaki ng pinagbago ng mga tirahan rito. Ang dating slum area, ngayo'y may mga ikatlo at ikalawang palapag na.

Kampante siyang naglakad papasok sa pathway bitbit ang mga gamit. May mga pares agad ng mga mata ang napabaling sa kanya. Nakakunot at nagtataka. Naninibago sa dayuhang mukha. Narinig niya ang malalakas nilang mga alingasngas na abot hanggang kanto. A typical neighborhood. Hindi pa rin pala kasamang nagbago ang mga kapitbahay na tsismosa. Mukhang kakailanganin niya ulit mag-adjust. Sa Europe kasi, walang pakialaman ang mga tao roon. Kahit magpakita ka ng kuyukot, makakatanggap ka nang sulyap oo, pero hindi rin naman tatagal ng ilang segundo.

"Miss!"

Napalingon siya sa pagtawag ng lalaking may bilugang tiyan. May subo pa itong toothpick sa bibig. Sa harapan niya pa talaga nag-tinga ang hudas barabas.

"Bakit?" tanong niya.

"Balik-bayan ka, miss? Tulungan na kita sa gamit mo. Bente pesos lang."

"Oh, sure!" Natuwa siya sa alok nito kahit na may presyo. Beside, twenty pesos won't be hurt her savings. Mabilis niyang ibinigay rito ang mga gamit. Nakakangalay rin pala ang magbitbit ng mabibigat na bagahe.

"Saan ba tayo, miss?"

Napaisip siya. Nasaan nga ba ang dati nilang tirahan rito? Sa ilang taong wala rito ay talagang makakalimutan niya ang lugar na kinalakihan. "Iyong pinakamagandang bahay rito, kuya. Doon mo ako ihatid." Mataas ang ere niyang sabi. Bakit hindi? Three years siyang nagpakaalila sa ibang bansa upang makapagpatayo sila ng kanyang itay at inay ng magandang bahay. Ang sabi nila tapos na daw iyon. Kaya naman sobra ang pananabik niyang makita ang bahay na pinagpaguran. Magugulat sila sa biglaan niyang paguwi. Hindi kasi alam ng pamilya niya na tapos na ang kontrara niya sa employer. Sinadya niya talaga iyon para mas masurpresa ang pamilya.

Napakamot sa naninigas na buhok ang lalaki. "Eh, miss, isa lang naman ang may magandang bahay rito e."

"Halika. Doon tayo pumunta," nauna na siya sa paglalakad na animo'y heredera ng isang lupain, dumaan sila sa makipot na daan.

Ilang minuto lamang ay huminto sila sa tapat ng isang up and down na bahay.

"Nandito na tayo, miss," bigay imporma naman ng lalaki sa kanya.

"Ito na ba iyon?" Nakangiwi niyang tanong.

"Oo. Ito na nga ang sinasabi ko'ng nag-iisang maganda dito sa lugar namin."

"Mansiyon na ba ito sayo?" Hindi niya naiwasang itanong dahil malayo ang itsura ng bahay na ipinadala sa kanya ng pamilya sa chat.

"Ang sabi ko kanina, Miss Ganda, magandang bahay. Hindi ko sinabing mansiyon." Pa-mi-milosopo pa nito sa kanya.

Inis niyang naipaypay ang palad sa mukha. 'Di ata't uminit bigla ang ulo niya. Kung nagkataon na naka-on ang maldita mode niya ay baka natakong na niya ang damuhong lalaki na ito. Pa-irap niyang dinukot ang bente pesos mula sa bulsa at ibinigay iyon rito. "Oh, bayad ko sayo!"

Inilapag nito ang mga bagahe niya sa lapag. "Maraming salamat, miss. Kung may kailangan ka pa, nandiyan lang ako sa tabi tabi. Handang pag-lingkuran ka," anito at saka parang palos na nawala sa harapan niya.

Tanaw-tanaw na niya itong bumibili ng tinapay sa tindahan. Bahagya naman siyang nahabag. Dapat pala ay dinagdagan man lang niya ang perang binigay. Binalingan niyang muli ang bahay na nasa harapan niya. Napailing siya. Hindi talaga ito ang bahay na nasa larawan na ipinadala sa kanya ng kapatid niya. Marahil ay nagkamali lang nang pagbigay ng address ang inang niya at sa isang subdivision dapat pala siya pumaroon.

Kaagad niyang di-nial ang numero ng ina upang makumpirma ang tamang address nang bigla na lang ay binangga siya ng kung sino. Dali dali niyang pinulot ang nalaglag na cellphone.

"Olivia?"

Natigil siya sa pagcheck-up sa cellphone nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Sinulyapan niya ito. Walang iba kundi ang kanyang Inang.

"Ikaw nga, anak!" Pagtititili nito habang masayang-masaya na makita siya.

"Nay!" sinalubong niya ng yakap ang inang. "Kamusta na po kayo?"

"Maayos naman ako," anito, hindi mapalis ang ngiti. "Ano ka ba namang bata ka. Bakit hindi ka nagpasabi na uuwi ka na? Sana ay nasundo ka man lang namin sa airport."

"Balak ko kasing sorpresahin kayo kaya nilihim ko ang paguwi, nay," aniya habang nakatingin sa mapuputing buhok ng inang. Tumanda ito ng ilang dekada sa paningin niya. Simpleng duster ang suot at de gomang tsinelas ang pansapin sa paanan. Anong nangyari? Nagpapadala naman siya ng pera buwan buwan ah. Bakit ganito ang itsura ng kanyang inang?

"Mabuti naman at hindi ka naligaw rito sa lugar natin? Ang ganda-ganda mo na, iha. Ang kinis-kinis. Halika at tayo na sa bahay. Tiyak matutuwa ang tatay mo," hinila siya nito. Panadaliang nawala ang mga tanong sa isipan.

Karay-karay nila pareho ang mga bagahe. Sa wakas, makikita niya na rin ang pinaghirapan niya ng ilang taong pagkukumayod sa ibang bansa. Ang katas ng dugo, pawis at sakripisyo ay malalasap na niya. Subalit gayon na lamang ang paglaglag ng panga niya sa nakita. Tagpi-tagping gawa sa flywood ang bahay ang nabungaran. May trapal pang nakasabit at mistulang alulod para ulan. Nabubulok na yero. Kung inaanay nga lamang ito ay baka may naninirahan na rin dito.

Parang sumisikip ata ang kanyang dibdib sa natunghayan.

"N-nay. . ." sa wakas ay usal niya. "Anong nangyari sa bahay?"

"A-anak, pumasok ka muna. Doon natin pag-usapan." Sa halip na sagutin siya ng ina ay pinapasok muna siya nito sa loob.

Nag-patianod siya sa loob kahit na parang maiiyak siya sa itsura niyon. Mas malala pa ang loob niyon kaysa sa labas. Hindi tapos ang finishing ng pader. Lupa pa rin ang sahig. Napakaraming butas ng bubong. Nadismaya siya nang lubos.

"Olivia, anak!" Naroon ang ama niya sa kusina. Nagluluto ito ngunit nang makita siya ay tinigil nito ang ginagawa.

"Kumusta na po kayo, tay," nag-mano siya rito at niyakap kapagkuwan.

"Kaawaan ka ng, Diyos," ani ng kanyang ama. "Ginulat mo naman ako, anak. Uuwi ka pala pero hindi ka man lang nagpasabi."

"Sorpresa po, 'tay." Matabang niyang sabi.

"Ganoon ba? Magpahinga ka muna at siguradong pagod ka," wika ng ama.

"Tay, ano po ba ang nangyari sa bahay? Bakit ganito? Bakit walang nagbago?" Hindi na niya natiis ang sarili at nagtanong muli sa pangalawang beses. Hindi niya nais mag-tunog na nanunumbat pero hindi niya maiwasang bahiran niyon ang tinig.

Bumuntong hininga ang kanyang itay. "Patawarin mo kami anak. Nagsinungaling kami. Ang totoo ay ginamit namin ang perang pinadadala mo pang-areglo sa taong nasagasaan ng kuya mo. Inipon namin iyon at ipinagbayad namin para hindi makulong ang kuya mo." Paliwanag nito.

Napapikit na lamang siya. Imbis na siya ang susurpresa sa pamilya niya ay siya pa ata itong na-sorpresa. Hindi naman niya maaring tanungin ang magulang na prank ba ito? Pagkat alam niyang totoo ang sinasabi ng mga ito. At saka masiyado ng matatanda ang mga ito para magawa ang magbiro. Hindi niya magawang sumbatan ang mga ito. She will just keep the disapointment to herself and act like nothing happened.

"Nasaan po ba ang higaan? Magpapahinga na po ako." Mabigat ang loob siyang nagtungo sa kwarto nang ituro iyon ng ina. Doon ay tahimik siyang umiyak. Akala niya, konting kembot na lang sa trabaho ay makakaahon na sila mula sa kahirapan. Subalit mukhang magsisimula na naman ata siyang magkuskos ng inidoro.

Heiress for Hire Book 1 (Completed) Available on DreameTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon