4th Call

25 0 0
                                    

Nagising ako sa huni ng mga ibon sa punong mangga. Ang sarap palang magising nang ganun, kesa mga busina ng mga sasakyang naipit sa traffic ang naririnig ko. Medyo masakit pa rin ang katawan ko. Para bang nabugbog. Pag tingin ko, panay benda na ang mga sugat ko. Luminga ako sa paligid at nakitang nakayukong natutulog sa gilid ng kama ko si... Percy?

Napaupo ko sa kama nang di malaman ang gagawin.

"Pinapunta ko sya rito."

Nakasandal si Kirscha sa haligi ng pinto, nakahalukipkip at pinagmamasdan ang natutulog sa tabi ko. "Nagpakita ako sa kanya saka ikinuwento yung nangyari sa yo. Kailangan mo ng mag-aalaga sa yo habang nagpapagaling ka."

Hindi ko malaman ang sasabihin ko. Bakit si Percy pa? Pero di bale na yun. Natutuwa lang ako at siya ang hiningan ni Kirscha ng tulong. Naramdaman kong namumula ang mga pisngi ko, kaya napayuko na lang ako. Dun ko na napansing iba na pala ang suot kong damit. Aya!

"WAAAAAAAAAAAAAAAAAH!"

Napabalikwas si Percy sa pagkakatulog niya at nahulog sa sahig. Bigla syang tumayo, at luminga-linga nang mabilis sa paligid hawak ang walis tambong akmang ipanghahampas sa di naaaninag na kaaway.

"Ano'ng nangyari? Singo'ng sumigaw? Bakit? An'ong---"

Napatingin sa kin si Percy, habang nakaupo ako sa sulok ng dingding sa ibabaw ng kama, nakatakip ng kumot hanggang sa leeg ko. Binitawan nya ang walis at humangos papalapit sa akin.

"Katrina! Okay ka lang ba? Ikaw ba yung sumigaw?"

Mainit na mainit ang pakiramdam ng mukha ko, at di ko sinadya ang nangyari. PAK! Nagmarka ang kamay ko sa mukha nya sa lakas ng pagkakasampal.

"Aray... Bakit?" nakangiwi nyang sinabi habang hawak-hawak ang mukha nya.

"B-bastos!!!" Yun na lamang ang naibulalas ko sa pinaghalo-halong hiya, inis, kilig at kung ano-ano pa.

"Eh? Labo nito..." Himas-himas pa rin nya ang namumulang pisngi. "Kaw na nga tong tinulungan weh..." saka tumalikod papalabas ng kwarto.

"S-sandali..."

Tumigil sya sa paglalakad at tumingin sa kin nang malamlam. Di na ko makatingin sa kanya nang tuwid, kaya nakatungo na lang akong humingi ng sorry. Narinig ko syang bumuntong hininga at lumapit, saka naupo sa kama ko. Buong ingat nyang iniangat ang ulo ko at tiningnan ako nang diretso.

"Okay lang yun. Sorry kung akala mo may ginawa akong di maganda, pero wala akong ginawang ganun. Ginamot ko lang naman yung mga sugat mo as much as I could, saka binihisan ka lang. So please, wag ka nang mag-alala, okay?"

Wow! Grabe, natameme ang Pusa! Ganito ba talaga ka-cute tong taong to? Hala! Ano na naman ba tong pinag-iiisp ko? Hoy babae! Maghunus-dili ka nga! Pero hindi ko pa rin matanggal yung tingin ko kay Percy. Ngumiti na lang sya at hinimas ang ulo ko parang humihimas ng ulo ng aso. "Ikaw talaga..."

Tatawa-tawa na lang si Kirscha dun sa pwesto nya. Naaliw ba ang nuno? Parang ewan na lang tong mga nangyayari. May kibaan, mga pusang psychotic killers, spooky vibes at mga cute na katropang basta na lang darating para alagaan ako. Parang chick lit lang ang peg ah? Nakakaloka!

Nang masigurong okay na ko, iniwan na ako ng dalawa sa kwarto. Nag-isip-isip na lang ako tungkol sa mga nakaraang linggo. Ano ba kasing meron? Maliban sa birthday ko sa darating na buwan, wala namang ibang dahilan para biglang mabaligtad ang mundo ko. At sino ba si Tom Tildrum na sinasabi ng mga boses sa mga tawag na nakuha ko? Kamukha ba nya si Tom Hiddleston? Kung ganun, fwedeh! Kung hindi ay ermergherd na lang! At bakit nya ko hinahanap, at ano itong pa-queen-queen pang nalalaman?

Mahilig ako sa mga surreal na bagay, pero kadalasan mas gusto ko silang nababasa lang, o kaya'y napapanood lang sa mga pelikula. Kapag lalo pang nagpatuloy 'tong ganito, ay hala! Walang kahit anong anti-psychotic drug ang makakatulong sa kin. Matutuluyan na talaga ako.

Tumambad sa akin ang amoy ng bagong lutong spam paglabas ko ng kwarto. Nakita ko sa kusina si Percy na naghahanda ng tanghalian. Nakaupo naman si Kirscha sa lamesa, pinanonood yung isa. Kumalam ang sikmura ko. Hindi pa nga pala ako kumakain mula kahapon.

"Gising ka na pala! Kain na!" aya ni Kirscha sa kin.

Napatingin din si Percy sa kibaan sabay ibinaling ang tingin sa kin. Inaya na rin nya ako sabay turo sa isang upuan sa mesa. Napansin kong dalawang plato lang ang nakahanda.

"Hindi ka ba kakain, Kirscha?"

Ngumiti sya sabay umiling na lang.  Aba! Pa-mysterious effect pa ang loko!

"Pulot lang ang kinakain ng mga kibaan. Yun lang, saka beer." Weh? Honey and beer? Napakunot na lang ako ng noo at sumimangot. Bakit alam nya yun?

"Mahilig kasi akong magbasa ng mga bagay tungkol sa mga occult at folk myths. Lalo na yung mga tungkol sa mga nilalang na nakatira dito sa atin. Meron din akong mga nakakausap na may experience sa mga paranormal at supernatural. Pero sa totoo lang, ngayon lang talaga ako nakakita ng isang tunay na elemental. At kibaan pa."

Tiningnan na lang ni Percy ang kibaan ng may halong excitement at kaba. As usual, nakapaskil pa rin ang ngiti nung isa. Ewan ko sa mga ito. Nagkibit-balikat na lang ako at kumain. Buti na lang pala marunong magluto si Percy kahit prito lang. Ako kasi hindi. Kumain lang ang alam kong gawin.

Ikinuwento ni Percy ang mga nangyari kagabi. Nagulat nga raw sya nang makita ang apparition ko sa Kap's. Nakakakita rin daw kasi sya ng multo kaya natakot sya nang nakita nya ko kagabi. Lalo pa raw syang nag-alala nung bigla akong nawala. Buti na nga lang daw, di masyadong nahalatang wala na sa sya sa wisyo nang tumugtog na yung banda nila. Nagpaalam na lang syang uuwi kaagad nang matapos yung set. Dun na raw nagpakita si Kirscha sa kanya, habang naghihintay sya ng jeep papauwi. Itinuro nito ang daan papunta sa bahay kung saan nakita nya kong natutulog sa bakuran, panay sugat at tuyong dugo ang katawan.

Tahimik na lang ako nang matapos magkwento si Percy. So that answers one question. Pero andun pa rin yung matinding tanong sa isipan ko. Humarap ako kay Kirscha.

"Ano ba'ng meron at hinahabol ako ng mga psychotic na pusa?"

Pinagdaop ng kibaan ang mga palad nito at saka ipinatong sa mesa. Wala nang ngiti sa mukha nya ngayon. Medyo kinakabahan ako habang naghihintay sa kanyang sasabihin.

"Sa totoo lang..." panimula nya. "Di ko rin alam kung bakit."

Nakampusa! Ito talagang nunong to! Pinakakaba ako. Natatakot na nga ako eh sabay biglang ganun? Napasimangot ako sa kanya, pero seryoso pa rin sya.

"Ipinagtatanong ko na sa mga kapatid ko yung mga nangyayari sa ngayon. Wala pa nga lang balita. Pansamantala, iwas ka muna sa mga pusa kung pwede para maiwasan yung mga ganitong pangyayari."

Weh? Umiwas sa pusa? Eh sa Tiendesitas lang maraming pet shops. Tas sa dorm pa, maraming pusang ligaw. Pano'ng iiwas? Saka pa'no yung mga tawag na makukuha ko saka yung mga kung ano-anong ewan pang pwedeng mangyari? Ano'ng gagawin ko, aber?

Nakakafrustrate lang kasi. Feeling ko wala akong magawa laban sa mga nangyayari sa kin. Dati-rati kung may mga kababalaghang nangyayari sa kin, pwede kong  isisi sa pagiging bipolar at borderline personality ko. Chemical imbalances sa utak kaya malamang na kathang isip lang lahat yun. Pero ngayon, totoo pala lahat ng yun. Natatakot ako. Ano namang laban ko sa ganun? Wala. Ipinatong ko sa mesa ang mga braso ko at saka yumukyok. Nakakawalang pag-asa naman 'to.

Naramdaman ko na lang na may magaang kamay na humahagod sa ulo ko. Nasa tabi ko na pala si Percy. Niyakap nya ko.

"Okay lang yan, Katrina. Magtatanong-tanong at magbabasa-basa rin ako para makatulong."

Gusto ko na talagang maiyak. Bakit kasi nagkakaganito? Tangina talaga! Pero kung kahit si Percy pipiliting humanap ng paraan, eh di dapat ako rin. Tutal, buhay ko naman ang nasa alanganin. Kailangang makahanap ng lusot sa gusot na 'to!

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 04, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Cat CallsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon