Simula

26 2 0
                                    

"Katherine, anong ginagawa mo? Itigil mo na 'to, pakiusap!"

"Katherine! Sasaktan mo lang ang sarili mo!"

"Katherine, bumalik ka rito!"

"Katherine, tumigil ka na!"

Paulit-ulit ang pagtawag ng mga boses na iyon ngunit patuloy lamang sa pagtakbo si Katherine. Malalaki ang patak ng ulan at tanging sinag lamang ng buwan ang tanglaw sa paligid ngunit hindi naging dahilan iyon upang tumigil siya. Maputla na ang kanyang nangangatal na labi dulot ng lamig na sumisigid sa kaniyang katawan mula sa suot na hospital gown. Nakakulapol din ang malagkit na putik sa kanyang mga binti at ramdam niya ang mga batong sumusugat sa kanyang talampakan ngunit hindi siya tumigil. 

Pinunasan niya ang tubig na dumadaloy sa kanyang mukha. Agad na bumaligtad ang kaniyang sikmura nang manuot sa kanyang ilong ang pinaghalong singaw ng lupa, amoy ng nabubulok na hayop, at lansa ng natuyong dugo sa kanyang katawan. Lumunok siya at bahagyang humingal. Ilang beses siyang humugot ng hininga bago muling pinunasan ang tubig na dumadaloy sa kanyang mukha. Ilang oras na mula nang lisanin niya ang pinanggalingang lugar ngunit tila paikot-ikot lamang siya sa buong paligid. Unti-unti nang bumibigat ang kanyang katawan at tila gusto na ring bumigay ng kanyang mga binti ngunit hindi sumusuko ang kanyang isip. Iisa lamang ang nais niya-- ang makalayo sa lugar na iyon.

Bahagya nang tumila ang pagpatak ng ulan.

Mabilis na nahagip ng kanyang pandinig ang mga basang yabag papalapit kasabay ang talsik ng tubig mula sa mabibigat na hakbang. Umaalingawngaw din ang walang-sawang pagtawag sa kanyang pangalan. Sumasal ang tibok ng puso ni Katherine kasabay nang pagsigid ng takot sa kanyang kalooban. Tila mabibingi siya sa malakas na kabog ng kanyang dibdib at unti-unti na ring tinatakasan ng lakas ang kanyang mga binti. Naramdaman niya ang pagdaloy ng maiinit na luha sa kanyang pisngi ngunit mabilis din niya iyong pinunasan.

Ilang saglit pa'y natanaw niya ang isang malaki at kulay puting gate. Nabuo ang pag-asa sa kanyang dibdib kung kaya mas lalo niyang binilisan ang pagtakbo. Nang marating niya ang gate ay mabilis niya iyong hinawakan ngunit bago pa man niya iyon tuluyang mabuksan ay napigilan na siya ng malalaki at malalakas na mga braso.

Agad siyang kinaladkad ng mga ito pabalik sa kanyang pinanggalingan. Ganoon na lamang ang pagpupumiglas na ginawa ni Katherine. Mayamaya pa'y hindi sinasadyang nabitiwan siya ng isa sa mga lalaki kung kaya hindi na siya nag-aksaya ng panahon.

Muli siyang nagtangkang tumakbo ngunit lumapat ang kanyang mga paa sa kulapol ng putik. Agad siyang nawalan ng balanse kung kaya mabilis siyang naghanap nang makakapitan ngunit bago pa man siya makahanap ay sinalubong na siya ng malamig na semento. Kasunod niyon ang pagdaloy ng malapot na likido mula sa kanyang ulo kasunod ang unti-unting paglamon ng kadiliman.

Bihag (On-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon