Bagong notebook, lapis, mediyas, basang daanan at amoy singaw ng  basang simento. Ganitong eksena lagi ang naaalala ko sa tuwing sasapit ang panibagong school year nung elementary ako.

Maaga naman at sakto sa oras ako dumadating sa tuwing unang araw ng klase. Pero palagi akong nawawalan ng mauuupan dagil sa dami naming estudiyante sa loob ng silid aralan. Dahil dito, palagi akong nakaupo sa pinakalikod ng klase na katabi ang basurahan at sa bandang likuran ko naman ay ang C.R.

At siyempre, pag first day of school hindi mawawala ang “INTRODUCE YOURSELF”. Ito ang pinaka-ayaw ko na ginagawa, (maliban sa pagrerecite) pupunta sa harapan ng mga batang hindi mo kilala habang wala naman nakikinig. Ayokong-ayoko na nasa harap ako ng klase. Hindi ako pinagpala sa confidence. Kaya hanga ako sa mga taong matataas ang kumpiyansa sa sarili, hindi ko kasi alam kung paano nila nagagawa yun.

Nung grade 1 ako halos sampung beses ko inulit yung intro ko. Sobrang bilis at mahina daw yung boses ko. Naririnig ko ang tawanan at ang panggagaya ng mga classmate ko sa tono at bilis ng pananalita ko. Ayoko talaga tumayo sa harapan, takot ako humarap sa maraming tao.

Lahat ng insecurities ko sa buhay naiisip ko sa tuwing pupunta ako sa harap ng klase. Inaamin ko na napakapangit kong bata, puno ng itim na peklat ang katawan ko dahil sa eczema at mga kagat ng lamok. Dahil dito lagi akong tinatawag ng mga classmates ko sa mga ibat-ibang palayaw tulad ng mga: "Piso", "Dalmatian" at “Galisin”. May mga rin mata rin ako na para ba na laging kinagat ng ipis, kaya lagi akong mukhang inaantok o nakapikit. At ang pinaka-ayaw ko sa buong mukha ko ay ang makapal, itim at mahaba kong nguso.

Ano nga ba ang meron ako na ikatutuwa ng ibang tao. Ito lagi ang naiisip ko sa tuwing nasa classroom ako. Hindi ako magaling sumayaw, kumanta at hindi rin matalino. Buti na lamang sa dami ng mga naging classmates ko na mapanghusga o bully ay may mga naging kaibigan pa rin ako sa bawat taon nagdaan sa elementarya.

Naalala ko ang isa sa mga una kong naging kaibigan, ang pangalan niya ay Nazer. Siya ang pinakamalaking bulas sa aming klase nung grade 1 ako.Nasa ibang bansa raw ang kaniyang mga magulang na parehas OFW sa ibang bansa kaya lola niya lang ang lagi niyang kasama.Lagi siyang umiiyak pag nawala sa paningin niya ang kaniyang lola. Dahil dito lagi namin siyang nakikita na umiiyak at naglulupasay sa nakasarang gate ng aming classroom na pilit niyang binubuksan. “LOLA!!!, LOLA!!! MAMAMATAY AKOOO! WAG MO KONG IWAAAN” ito ang mga salita na naaalala ko na palagi niyang sinisigaw sa tuwing aalis ang kaniyang lola.

Mabait na bata si Nazer. Kahit minsan ay hindi ko siya nakita o narinig na may inaasar na bata dahil lamang sa hitsura nito. siya lang ang naging katabi ko ng buong taon nung grade 1. Kaya masasabi ko na alam ko halos lahat ng naging sikreto niya nung grade 1 pa kami. Siya ang naging savior ko nung mga panahon na yun. Lagi niya kong hinahatian ng mga baon niya sa tuwing wala akong dala na baon. Hindi ko rin malilimutan yung ginawa niya para lang hindi ako asarin ng pinakabully namin na classmate. Hinding- hindi ko rin malilimutan yung pangalan ng kumag kong classmate na yun, Joshua ang pangalan niya o kung tawagin namin siya ay “Kuya Joshua” nasa 10 taon na gulang na siya. Habang karamihan sa amin ay nasa anim hanggang 8 taong gulang pa lamang. Dapat ay nasa grade 4 na siya base sa kaniyang edad. Pero dahil daw sa sobrang tamad niyang mag-aral ay napilitan daw ang magulang nito na patigilin muna siya. Mabalik ulit tayo tungkol sa pambubully, recess time nun, pabalik na ako sa kung saan ako nakapuwesto. Maayos akong naglalakad nung mga oras na yun...nang bigla akong matisod ng dahil sa biglang humarang na paa sa daanan (yung tipikal na ginagawa ng mga bully para mapatid yung gusto nilang pag-tripan na bata) so, siyempre pinagtinginan ako ng mga classmate ko at tinanong nila ako kung masarap mag-dive at kung ilan ang nahuli kong isda. Agad naman akong tumayo at nakita ko ang alikabok na marka sa sapatos kung saan ako napatid. Tinignan ko agad kung sino ang may suot nito si Kuya Joshua at makikita mo na siya pa talaga ang galit sa ginawa niya. Agad naman akong nagsorry kahit ako naman talaga ang biktima sa nangyari.

“Punasan mo na, para di ako magalit.” pag-uutos niya sa akin.

Agad ko naman sinunod yung pinapagawa niya sa akin. Lumuhof ako habang pinupunasan ko yung sapatos niya ng suot kong palda.

“Madumi pa, tignan mo oh." habang inaangat niya ang suot niyang sapatos sa mukha ko, mangiyak-ngiyak na ko habang nakatingin sa black leather shoes niya. Pinapalibutan na rin kami ng mga classmates namin.

“Dilaan mo na lang kaya?” muling pag- uutos niya.

“Ayoko madumi yan eh.” buong tapang na pagsagot, habang namamaos na ang boses ko dahil sa pagpipigil kong umiyak. Pinagdadasal ko na sana dumating na yung teacher namin, pero hindi yun nangyari.

“Ikaw na lang kaya?” pagtuturo niya kay Nazer.

“A-ano? Bakit? Malinis naman na yan huh?

“Pag hindi mo dinilaan to, lagi ko siyang itutulak kahit saan.” Sagot ni Kuya Joshua.

At dahil madaling mauto at maniwala si Nazer sumagot naman ito ng:

“Pag-dinilaan ko ba yang sapatos mo hindi mo na siya guguluhin?”

“Oo naman...”

Agad umupo si Nazer at walang pagdadalawang isip na dilaan yung sapatos. Dinig ko ang pagtawa ng mga classmate namin habang ang iba ay nandidiri sa nakikita nila. Tuluyan na kong umiyak, kasalanan ko kung bakit  ‘to nangyari yun sa kanya. Dapat ako yung gumagawa nun at hindi siya.

At dahil sa ginawa ni Nazer na kabayanihan para sa akin, buong taon siyang inasar ng mga classmate namin. Tinatanaw ko na malaking utang na loob yung ginawa niya. Sana sinapak niya nalang si Joshua mas malaki naman siya dun. Pero, hanga talaga ako sa kabaitan at sakripisiyo na ginawa niya bilang kaibigan.

Please, Don't Bully Me!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon