Kabanata 8

9 3 0
                                    

Tunog ng mga palakang bukid ang tanging maririnig sa pagitan nina Mateo, Hera at Exodo na kasalukuyang magkakaharap sa hapag. Nagising kasi Mateo dahil sa iyak ni Hera.

"Hindi po ako ang dumumi sa likod-bahay, lolo," saad ni Exodo ng hindi na siya makatiis dahil sa sama ng tingin ni Mateo sa kaniya.

Humikbi si Hera bago itaas ang paningin upang magdahilan kay Mateo. "Lolo, wala kasing palikuran si lola Cecilia, kung saan-saan lang din kami dumudumi roon kaya hindi ko alam na hindi iyon puwede rito." Humikbing muli ang dalaga bago magtuloy sa sinasabi, "Saka wala rin pong palikuran sa langit sapagkat hindi naman kami nakakaramdam ng pananakit ng tiyan doon kaya hindi ko po talaga alam."

Napailing-iling si Exodo bago tumayo, nakuha nito ang atensiyon ni Hera na panay pa rin ang hikbi. Napagalitan na naman kasi siya ni Exodo kanina, lubos kasi ang pagkabigla nito nang walang pasubaling dumumi si Hera sa likod-bahay.

"Dadakutin ko na lang po bukas, lolo."

"Mabuti pa nga at huwag mo ng awayin itong si Hera, masamang magpaiyak ng binibini at nakakabawas ng pagkalalaki."

Tumango lang si Exodo bago lisanin ang bahay upang gawin ang kaniyang trabaho na hindi niya nagawa kanina—ang tingnan ang kanilang puyod.

"P-patawad po, lolo."

Tiningnan ni Mateo ang dalaga bago niya bigyan ito ng magaang haplos sa itaas ng ulo nito. "Sige na, matulog ka na."

"Sige po, lolo, aagahan ko na lang pong magising bukas para tulungang maglinis si Exodo sa likod bahay."

#

Kinabukasan ay tanghali ng nagising si Hera. Hindi kasi siya nakatulog ng maaga kagabi sa nangyaring gulo sa pagitan nila ni Exodo.

Kaya naman ngayon ay aligaga siya sa paglukot ng kaniyang pinaghigaan, matapos nga n'on ay agad din siyang nagtungo sa kusina.

"Magandang umaga po lolo Mateo, nasaan po si Exodo?"

"Umalis na apo, inutusan kong sunduin iyong magigiling sa palay ngayong umaga para mabilad na bukas, sayang ang araw, sa susunod na linggo'y baka bumagyo na naman."

"Ganoon po ba?" Malungkot na naupo si Hera katapat ng lamesa, hinarap ang kamote na nasa mangkok at mainit na kape.

"Galit pa rin po ba siya sa akin?"

Hinarap siya ni Mateo bago maglapag ng isa pang kape at maupo. "Sa palagay ko ay hindi sapagkat tinatanong ka niya kanina."

Napabuntong hininga si Hera bago kumuha ng kamote at dahan-dahan itong nguyain.

"Pinangaralan ka lang naman niya para sa susunod ay sa palikuran ka na dumumi at hindi sa likod-bahay."

Hindi sumagot ang dalaga at nagpatuloy lang sa pagkain.

Ilang minutong dumaan ang katahimikan sa kanila bago muling magsalita si Hera. "Lolo, ano po bang paburitong pagkain ni Exodo?"

"Balak mo ba siyang ipagluto?"

Tumango naman si Hera.

Napangiti naman si Mateo, isinuot ang sumbrerong nakalapag sa lamesa at inisang lagok ang natimplang kape sa lamesa.
"Kung ganoon ay marapat lamang na magpalit ka na ng damit pangbukid at huhuli tayo ng paboritong niyang ulam."

#

Samantala sa langit kung saan naroon ang Nanay ni Hera ay hindi ito mapakali dahil sa dami ng iniisip dumagdag pa ang katotohanang hindi niya na maramdaman ang presensiya ng anak sa lupa.

"Ano ng balita, Levitico?" Tanong niya sa papalapit na tagapag-alaga ng anak.

Yumuko ito nang bahagya habang ang isang kamay ay nasa dibdib bago simulan ang pag-uulat.

"Ayon sa mga inutusan mga kawal ay tuluyan na pong nawala ang bakas ng inyong anak sa lupa, hindi namin siya mahanap, idagdag pa ang panggugulo ng mga alagad ni Sitan sa lupa, mahal na Mayari. Kaliwa't kanan ang ginagawa nilang panggugulo dahilan kung bakit napupunta sa mga tao ang aming pansin sapagkat baka mamatay sila kung hindi namin sila tutulungan."

Napabuntong hininga si Mayari bago ilagay ang kamay sa ilalim ng kaniyang baba at ibalik muli sa lawa ng paningin ang atensiyon.

"Ano ng nangyari sa matandang babaing umampon sa aking anak?"

"Pumanaw na po siya kaninang madaling-araw dahil sa malalang sakit na matagal ng iniinda. Sa mga huling araw na pamamalagi namin doon sa kaniyang bahay ay paulit-ulit niya pa ring itinatangging kilala niya ang mahal na prinsesa."

"Patawarin nawa siya ni Ama sa kaniyang pagsisinungaling." Isinawsaw ni Mayari ang hintuturo sa lawa bago usisaing muli ang mga tao sa lugar na kaniyang madadapuan ng tingin.

"Sa palagay mo ba'y kailangan na ng tulong ni Anagolay?" Tanong pa ni Mayari, pinatutungkulan ang asawa ni Dumakulem na tagabantay ng mga bundok sa lupa. Ang diyosa ng mga bagay na nawawala.

"Nasa inyo po ang desisyon." Yumukong muli si Levitico bilang palatandaan ng paggalang sa kausap.

"Kung gayon ay inaasahan kong maidadala mo si Anagolay rito sa lalong madaling panahon sapagkat baka nagtataka na si Dimangan kung bakit wala pa akong ibinibigy na araw patungkol sa napagkasunduang kasal."

"Ngayon din po ay aalis na ako upang gawin ang inyong ipinag-uutos. Wala na po ba kayong dagdag na bilin?"

"Wala na. Pakibilisan na lamang ang paghahanap kay Hera, hindi niya gugustuhing matikman ang galit ng kaniyang ama."

"Masusunod po."

Napabuntong hininga si Mayari ng tuluyan ng makaalis si Levitico. Naikuyom niya ang kaniyang kamao bago muling ilipat sa ibang lugar ang sentro ng lawa ng paningin...nagbabakasakaling maligaw ito sa kinaroroonan ng anak.

#

"Ako na pong maglalaba, lolo!" Pagpepresinta ni Hera sa matanda matapos nitong magbihis at maabutan si Mateo na nilalabhan ang naputikan nilang mga damit dahil sa panghuhuli ng palakang bukid kanina.

"Mainam mga at babalatan ko pa ang mga palaka," saad naman ng matanda bago tumayo sa bangkito at abutin ang taling may mga palakang nakabitin.

Si Hera ang sumalit sa paglalaba na panay ang lipat ng paningin sa binabalatang palaka ni Mateo, hindi alam kung matutuwa o maaawa sa kalagayan ng mga palaka.

"Ipi-prito ko ito dahil gano'n ang gustong luto ni Edong. Ikaw ba, apo? Anong gusto mong luto nito?"

"Prito na lang din po!" maligalig na tugon ni Hera bago bumira ng palo sa labada.

Nagkatuwaan ang dalawa habang nag-uusap, lingid sa kanilang kaalaman na may isang hindi pamilyar na nilalang ang nakasilip sa malapit na punong mangga sa hindi kalayuan at pinagmamasdan ang bawat galaw ni Hera. Mahaba ang dila nito, nakahubad at natatabingan lamang ng pinagtataguang puno ang maselang bahagi ng katawan...naglalaway at tila ano mang oras ay handang sumugod at silain ang prinsesa.

Akitin Si Mister MaginooTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon