Sakey

65 7 0
                                    


Ang sarap damhin ng malamig na hangin na dumadampi sa aking mukha habang nagduduyan ako dito sa ilalim ng matayog na puno ng mangga. Nakatayo lang ito sa harap ng bahay ni 'nang, ang tawag ko sa mahal kong lola, pinaikli ito bilang Inang.

"Cielo, ang mga manok napakain mo na ba?" malumanay na tanong ng lola ko sa akin habang nakadungaw sa malaking bintana. Nakaupo siya ngayon sa ikalawang palapag ng bahay na gawa sa kahoy, samantalang ang baba naman ay gawa sa bato.

"Pinakain na po ni Kuyang Rey kanina, 'nang," sagot ko kay lola. Si Kuyang Rey ang katiwala namin dito at malayong pamangkin ni lola, inaanak naman siya ni lolo na tinatawag ko namang, Dadesiken. Siya na ang madalas na kasa-kasama namin dito habang nasa Manila naman sila Mama at Papa ko kaya parang pamilya na ang turing namin sa kaniya. Nang mamatay si Dadesiken at naiwan na kami dito ni 'nang, pinipilit na kami ng mga magulang ko na tumira sa Manila kasama nilapero ayaw ko at mas lalong ayaw ni 'nang. Si Papa lang kasi ang nag-iisang anak nila 'nang, natatakot siya na baka kung ano ang mangyari sa amin dito. Kaya pinakiusapan ni Papa si Kuyang Rey dito na sa loob ng bakuran magtayo ng bahay kasama ang kaniyang asawa at mga anak bilang kasa-kasama na rin namin ni 'nang. Ang bahay nila gawa sa kahoy ay nakatayo sa di-kalayuan sa gilid ng malaking bahay nila 'nang.

Ang malaking bahay naman bagama't mukhang bago ay luma na ito. Nang mamatay si Dadesiken ay pinaayos ulit ito ni papa para kay 'nang. Nahirapan at natagalan ang mga gumawa nito, na mga nakatira pa sa bayan, pati ang pagdala ng mga materyales dito ay napakahirap. Ang Sitio Anao na matatagpuan sa Brgy. De Guzman ang pinakaliblib na lugar sa Mabini. Bato-bato ang daan patungo dito, bagaman at may ilaw na ang mangilan-ngilang lang na mga kabahayan dito sa amin, ang kalsada ay lubak-lubak pa rin at puro bato. Napapaligiran ang Sitio Anao ng mga malalaking puno at bundok. Bibihira ang mga taong nakakaalam ng lugar namin. Ang pagtanggap ng mga bills at ng mga sulat ay kinukuha pa namin sa post office sa bayan kada buwan dahil walang nagpupunta dito sa amin upang magdala.



"Cielo, dali!" tawag sa akin ni Along na matalik kong kaibigan at panganay na anak ni Kuyang Rey, Malou ang tunay niyang pangalan. Kapag siya ang kasama ko ay panatag si 'nang na payagan akong lumabas ng bakuran namin. "Nakita ko na naman si kuyang."

Kinikilig na sabi niya habang naglalakad kami sa makitid na daan na napapaligiran ng mga matatayog puno. Papunta kami sa bahay ng isa pa naming kaibigan na si Leonor, mag-pinsan sila ni Along.

"Umuwi pala kagabi si kuyang!" sabi na naman niya. Ang kuyang na tinatawag niya ay ang crush niya na mas matanda sa kaniya ng ilang taon, nag-aaral ito sa Baguio.

"Bakit tinatawag mo pa siyang kuyang, Along?" nagtatakang tanong ko. "Para tuloy magkuya lang kayo."

Natigilan siya, "Ay, andi ah. Para hindi niya ako mahalata na may gusto ako sa kaniya kapag magkaharap kami kaya kuyang pa din syempre ang itatawag ko," nakangiting sabi niya sa akin. "Saka na kapag nobyo ko na siya."

Nagkibit-balikat naman ako at nagpatuloy sa paglalakad, naiisip pa niya talaga 'yun. Palagi kong naririnig sa kaniya ang ganun na oarang may kasiguraduhan na na balang-araw ay sila ang magkakatuluyan kaya nasanay na ako.

"Atsing, laen yo? Sama kami!" narinig kong sigaw ng dalawang batang lalaki na nadaanan namin pero hindi namin napansin dahil nasa taas pala sila ng puno ng duhat. "Kundi isusumbong namin kayo kay lola 'nang. Pupunta na naman kayo kila Kuyang Henry!" Pagkatapos ay nagtawanan sila.

Nilingon ko sila pero hinawakan ni Malou ang kamay ko. Ayokong magsumbong sila kay 'nang kundi pagagalitan ako at mahihirapan na naman akong makapagpaalam para lumabas.

"Siak la," bulong niya sa akin. "Oy! Sikayo ah... Huwag kayong makulit. Pupuntahan namin si Onong! Kayo ang isusumbong ko kayo kina Mang at Pang, umakyat na naman kayo d'yan sa duhat. Baba!" Pasigaw na sinabi iyon ni Along sa kambal na mga bunsong kapatid niya, nasa edad lima o anim pa lang sila. Si Onong ay si Leonor, iyon naman ang tawag namin sa kaniya.

CieloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon