Ika-anim na Kabanata

26 2 0
                                    

Parang kagabi lang ang saya-saya pa namin habang nagkukulitan sa chatbox sa facebook. Parang kagabi lang gustong-gusto kong sakalin si Roji dahil iniinsulto na naman niya ang idol kong si Demi. Parang kagabi lang tuwang-tuwa pa akong tinutukso kami ng mga barkada ko. Tapos ngayong umaga malalaman kong namatay na yung tatay ni Roji. Hindi ako makapaniwala. Nakakagulat talaga ang balitang iyon. Halos madaling araw na nung nagsipag log-out kami sa facebook tapos hindi man lang niya nabanggit na may nangyayari na pala sa kanila, particularly sa tatay niya.

Gusto ko sana siyang i-chat pero nag-alangan ako. Hindi naman kasi kami close di ba? Baka magtaka yun sa biglaang concern ko sa kanya samantalang dati naman ay hindi talaga kami nagpapansinan. Baka isipin pa nun na may gusto nga ako sa kanya.

Ang ending, nag comment na lang ako ng condolence dun sa status na pinost niya.

Nagmadali akong pumasok. As in yung natutulog kong kaluluwa ay biglang nabuhay dahil gusto kong makibalita sa ibang mga co-teachers ko. Tsismosa ang peg. Naging pang-umaga ang shift naming mga 4th year teachers and students ngayon, kasi may NCAE bukas at dry run naman ng mga grade 9 students ngayon. Ang nakakainis lang, nagmamadali ako ng husto pero yung mga driver ng jeep nananadya ata na bagalan ang takbo nila. Kainis! Late tuloy ako.

Buti na lang at dalawa lang ang klase ko ngayon kaya dumiretso ako sa canteen para makipag tsismisan.

“Huy, patay na yung tatay ni Roji.” Sabi ko kay Jae at Chest habang papaupo sa puting monoblock. Hindi ko alam kung anong reaksyon ng mukha ko habang sinasabi ko iyon. Basta ang alam ko, may part sa akin na gustong mag-alala. Gusto kong malungkot para kay Roji pero I tried to act normal. Baka kasi bigyan pa nila ng meaning kapag nag-over react ako.

“Oh? Kelan pa?” Tanong ni Chest. Lagi talaga itong nahuhuli sa balita tungkol sa barkada. Inirapan ko siya. Habit ko kasi yun, Umirap. Hehehe.

“Ewan, kagabi yata or kaninang madaling araw.” Nagkibit balikat ako. Hindi naman kasi inilagay ni Roji sa post niya sa facebook kung anong oras namatay. Ayoko namang maghatid ng maling balita.

 

“Baka kaninang madaling araw lang.” Sagot ni Jae. “Grabe! Samantalang kagabi puro kalokohan tayo sa facebook. Tuwang-tuwa pa tayo. Hindi man lang nagsasabi si Roji na may masama na palang nangyayari sa tatay niya.” Dagdag pa nito. Inalok ako ni Jae ng tinapay pero tinanggihan ko. Paano naman ako makakakain kung nakakalungkot ang nabalitaan ko di ba?

“Pupunta ba tayo?” Tanong ko sa dalawa.

“Aba oo naman, barkada natin yun eh.” Sagot ni Jae habang nakatutok sa cellphone niya. “Oh ayan nag chat si Mary, punta daw tayo kina Roji.”

 

“Ok sige, mamaya na lang natin pag-usapan kapag dumating na yung iba.”

 

 

Madaming pumapasok sa isip ko. Mali. Isang bagay lang pala ang tumatakbo ngayon sa isip ko.

 

Kamusta kaya si Roji?

Two Pieces (Unrequited Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon