Ito ay tula na para lang kanya
Na hindi na niya kailan man makikita.
Kaya't sa inyo na lang ipapabasa
Hinaing't sakit na aking nadarama
Kalakip ang maraming tanong sa isip
Kahit anong gawin ay di malilirip.
Sa bilang ng tatlo, dalawa, at isa
Ang basahing ito ay magsisimula.
Kanyang salita lang ang nais marinig -
Kanyang halakhak at malamig na tinig.
Maamo niyang mukha'y nais makita
Sa aking palad ito sana'y madama.
Lahat ng ito'y bitbit sa panaginip
At aasang muli pagsapit ng dilim.
Sana'y 'di lang siya hanggang sa'king isip;
At sa halip, bukas, sa aking paggising
Nais kong hagkan siya sa aking bisig
Hihintaying ako'y yakaping pabalik.
Ngunit tila'y hindi pinahintulutan
Ipadama ang aking nararamdaman.
Pagmulat ng mata'y nawala biglaan.
Di akalaing ako pala ay nilisan.
Sobrang nalilito, naguguluhan;
Ano'ng gagawin, alin ang mas mainam?
Marapatin ba'ng sundan o pabayaan?
Tumatakbo sa isipa'y di ko alam.
Bigla na lang napabuntong-hininga;
Ang gagawin, sa wakas, napagtanto na
Kaya't kasabay ng damdaming naparam
Ay ang sa iyo'y aking huling paalam.
Kasabay ng pagbigkas ng "mahal kita"
Ay pagpatak ng luha sa aking mata.
Ang pait at sakit ay di ko maatim;
Sana ay huwag husgahan sa naisin.
Dito sa malawak, masukal na daan
Ating puso kaya ay magkahanapan?
Di na ba kaya muli magkakahiwalay
Kung magtagpo dito sa kabilang buhay? #