Ika-1 kabanata na pinamagatang 'Konsenya'
Nakailang ikot na ako sa kama pero 'di pa rin ako makatulog. Sinilip ko ang orasan na nakapatong sa side table ko. Alas dies na ng gabi pero 'di pa rin ako makatulog.
Buti na lang 'di ako nahuling tumakas kanina kaya 'di rin ako napagalitan. Pero kinakabahan pa rin ako dahil parang halata na ni Ama na tumakas ako. Tumihaya ako at bumuga ng hangin.
Natagpuan nila ako sa puno ng acacia na naka-upo sa duyang ginawa ni Ama. Mabuti na lang naiwan ko roon ang librong binabasa ko kaya nakita nila 'kong tahimik na naka-upo roon habang nagbabasa.
"Anastasia?" Tawag ni Ina sa'kin na may dalang flashlight sa kanang kamay. Madilim na ang kalangitan, mabuti na lang at may lampara na nakasabit sa puno. Sinindihan ko agad 'yon nu'ng dumating ako gamit ang posporong nakalagay rin sa duyan.
Nakangiting binalingnan ko s'ya. Hinihiling na sana 'di n'ya mapansin ang nanginginig kong labi.
Lumapit pa s'ya saakin at itinutok ang ilaw sa mukha ko. Nu'ng malaman na ako nga ay agad n'ya akong pinalo ng mahina sa binti gamit ang walis tingting na nasa kaliwang kamay n'ya. Nagulat ako roon sa paghampas n'ya dahil 'di ko napansin na dala n'ya 'yon. Ngunit nu'ng makabawi ay natawa ko.
"And'yan ka lang pala. Kanina ka pa namin hinahanap. Nagpunta na kaming lahat sa kakahuyan. Sobra mo kaming pinag-alala." Kunsuming-kunsimi n'yang saad habang umiiling pa.
Ngumiti ako kay Ina. Ibinaba ko ang libro sa duyan, napansin kong baligtad pala ang pagkakahawak ko roon. Mukhang 'di naman 'yon napansin ni Ina. Tumikhim muna ko bago tumayo at lumapit sakan'ya para akbayan.
"Ina, huwag na kayong mag-alala malaki na ako. Kaya ko na sarili ko." Malambing kong saad kasabay noon ay dahan-dahan kong binalot ang braso ko sa kan'ya para yakapin. Ngunit inismidan n'ya lang ako.
"Kaya? Eh hindi mo nga kayang matulog na walang ilaw. Takot ka nga sa dilim. Kaya pa'no mo nasabing kaya mo na 'yang sarili mo, hmm?" Buwelta n'ya. Napasimangot na lang ako sa sinabi n'ya dahil sa katotohanang takot nga ako matulog na walang ilaw.
Natawa s'ya sa naging reaksyon ko. "Tara na nga. Gabi na makagat ka pa ng insekto at baka magkasugat ka pa." Inilawan n'ya ang paligid. Dahil sa ginawa n'ya ay lumitaw roon ang mga nagliliparang mga bampira ng gabi-- mga lamok. "Grabe ka pa naman kung kumamot, nagsusugat balat mo. Ayaw na ayaw pa naman ng Ama mo na nagkakasugat ka." Aniya habang naglalakad.
Bumalik na kami sa bahay kung saan naabutan namin sila Ama, Mang Canor, Aling Gilda na pinalilibutan si Alex na may tinatawagan sa cellphone.
Nu'ng napansin nila ang presensya namin ay agad nila kaming dinaluhan.
"Saan ka ba nagpunta, Anastasia? Kanina ka pa namin hinahanap." Katulad sa inasal ni Ina kanina ay galit din ito pero doble ang galit n'ya.
Lumapit ako kay Ama at pinulupot ang aking braso sa braso n'ya. Idinikit ko pa ang aking pisngi sa balikat n'ya at tiningala s'ya. Kahit matanda na si Ama, bakas pa rin ang taglay nitong kagandahang lalaki. "Ama, nando'n lang po ako sa puno ng acasia," turo ko sa punong pinanggalingan ko. "Nagbabasa" patuloy ko at ngumiti pa.
Umiwas ng tingin si Ama at huminga nang malalim. Lihim na nagtawanan ang mag-asawa na si Mang Canor at Aling Gilda. Pati si Ina ay nahawa na rin sakanilang pagtawa. Samantalang si Alex naman ay nakangisi saakin. Dinilaan ko lang s'ya ng palihim. Nag-iingat na baka makita nila. Napansin ni Alex 'yon kaya lalong lumawak ang ngisi n'ya.
"O'sya, basta sa susunod magsabi ka sa'min. Sa sobrang pag-aalala namin sa'yo ay napatawag na 'tong si Alex sa barangay." Ibinalik ko sa kan'ya ang tingin at tumango na nakangiti.