IKATLONG KABANATA / THIRD CHAPTER

12 1 0
                                    

Hiwaga at Sinaglaw
Ikatlong Kabanata
-Hulyo 08, 2020-

(ᜃᜎᜄᜒᜆ᜔ᜈᜀᜈ᜔ ᜅ᜔ ᜉᜈᜑᜓᜈ᜔) - Kalagitnaan ng Panahon

"Ireo". napabuntong-hininga na lang si Sinaglaw nang marinig niya si Ireo.

Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya ngayon kay Ireo. Hindi niya alam kung maaawa ba o magagalit.

Bagkus imbis na magsalita tungkol sa nararamdaman ni Ireo ay pinili na lamang ni Sinaglaw na kaladkarin siya hanggang sa marating na nila ang tahanan ni Ireo na may kalayuan sa kuta at tahanan ni Sinaglaw.

"Gamitin mo iyang mga paa at matulog ka na." sabi ni Sinaglaw at umalis rin siya agad-agad.

Ramdam na ramdam ni Sinaglaw ang poot ng damdamin ni Ireo para sa kanya.

Sa kailaliman ng buwan nakikita ang tunay na emosyon ng kilala mong matatag, malakas at matipunong tao. Sa ilalim rin ng buwan makikita ang kapayapaan sa buong paligid. Kaya't pinili ng mga tiga-kapatagan na mamuhay bilang isang alagad ni Ibi.

"Sinaglaw, bakit gising ka pa?" tinig ni Marikit na nahimasmasan na mula sa kalasingan kanina.

Napalingon si Sinaglaw at nakita niya ang bagong gising na si Marikit. Tinabihan niya ito at kinausap.

"Hindi lang ako makatulog." sagot ni Sinaglaw at napatingala sa maputing buwan. Napatingin din si Marikit sa alapaap.

"Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Ibi lahat ng bagay sa paligid ay mapayapa, tunay ngang makapangyarihan si Ibi, hindi ba Marikit?" sabi ni Sinaglaw.

Tumango lamang siya bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Sinaglaw.

"Ngunit heto ang paligid, nababalot ng dilim." sabi ni Marikit.

Nakaramdam na ng antok si Sinaglaw kaya't nagpaalam na siya kay Marikit at pumasok na siya sa kanyang kwarto at natulog, samantalang si Marikit ay naiwang nakatingala sa alapaap kasama ang puting buwan.

———•~•———

Kinaumagahan ay nagsimula na ulit magbanat ng buto sina Hiwaga at ang kanyang ama sa likuran ng kanilang bahay.

Abala sa pagbubuhat ng kahoy ang matipuno, habang pinuputol pang-gatong naman ang kanyang ama. Nananatili silang tahimik sa kanilang gawain bunsod ng pagiging abala nila. Napatanaw naman ang ina ni Hiwaga sa kanila.

"Diwata ng pag-asa, salamat sa bagong umagang ibinigay niyo sa'min." dasal ng ina sa kanila at bumalik na siya para magluto ng kanilang agahan.

Makalipas ang isang oras at ipinatawag ng ina ang dalawang kayod-dugo sa labas upang mag-almusal.

"Halina't mag-almusal muna kayo." tinig ng kanyang ina mula sa loob.

"Ama, mag-almusal na raw po tayo." sabi ni Hiwaga na nagpupunas ng pawis.

"Mauna ka na, tatapusin ko lang itong tatlong pirasong kahoy." sabi ng kanyang ama at tumungo na si Hiwaga sa loob upang mag-almusal.

Pagpasok ng ama ay nakita niya ang masayang mag-inang nag-aalmusal.

"Siyanga pala Hiwaga, ngayong umaga ay tumungo ka ulit sa lawa upang kumuha ng isda." utos ng kanyang ama.

"Magpaalam ka lang sa diwatang nakatira roon at pagbibigyan ka." sabi naman ng kanyang ina.

"Manghuhuli ako ng makakain natin. Bumalik ka bago mag tanghali." sabi ng ama at kumain na siya.

Pagkarating sa lawa ay muling napaupo si Hiwaga sa malaking bato para magpahinga.

"Diwata ng lawa, pagbigyan mo akong humuli ng isda ngayong araw." sabi ni Hiwaga at inihanda na niya ang sibat na ipanghuhuli.

Gaya kahapon, bumalik ang babae upang magmasid sa lawa ng diwata. Naaaninag ulit niya ang matipunong lalaki na walang suot pang-itaas. Tila ba'y natulala ang babae sa kakisig na lalaki.

Pero hindi naging tahimik ang kanyang pagmamasid. Nakita siya ng isang mabangis na hayop na kayang-kayang paslangin ang babae.

Napasigaw ang babae dahilan para magulantang si Hiwaga na tahimik na naghahanap ng isda.

Napatakbo ang babae palapit sa lawa kung saan naroon si Hiwaga. Nakita ng babae ang mukha ni Hiwaga.

"Lalaki! Tulungan mo ako!" sigaw ng babae.

Biglang nakita ni Hiwaga ang isang mabangis na hayop na humahabol sa babae kaya't ibinato niya ang hawak na sibat sa hayop.

Nadaplisan man ang hayop ay iyon rin ang dahilan para umatras at tumakbo papalayo ang mabangis na hayop.

"Binibini, ayos ka lang ba?" tanong ni Hiwaga sa babaeng nanginginig na sa takot.

"Oo, huwag mo akong lapitan! Mabangis din ako!" sabi ng babae at ginaya niya ang wangis ng isang galit na mabangis.

Napatawa naman si Hiwaga sa inasal ng babae kung kaya't nagtaka ang babae dahil hindi siya natatakot sa kanya.

"Marahil ay mabangis ka sa kapwa tao, ngunit nag-iiba ang iyong bangis kapag nakatagpo ka ng tunay na mabangis." sabi ni Hiwaga at napahalakhak siya ng malakas dahilan para mainis ang babae.

"Anong tinatawa-tawa mo? Hindi mo ba alam na tunay akong mabangis?" sabi ng babae.

Sumipol si Hiwaga at may kumakaluskos mula sa mataas na damuhan. Nataranta ang babae sa ginagawa ni Hiwaga.

"Tama na ginoo. Oo hindi ako tunay na mabangis." pagbawi ng babae.

"Siyang tunay, binibini. Nga pala ano ang iyong ngalan?" tanong ni Hiwaga.

Bago sinagot ng babae ang tanong niya ay tumayo siya at ngumiti sa kanya. Nagtaka si Hiwaga sa kanyang ikinikilos.

"Ngalan ko? Ibig mo ba talaga akong malaman?" sabi ng babae.

"Sinaglaw!" sigaw ng lalaking tumatakbo patungo sa kanila. Napatingin ang dalawa sa kanya.

"Sinaglaw! Ayos ka lamang?" tanong ng lalaki habang naghahabol ng hininga dahil sa pagod.

"Oo. Ayos lang ako." sabi ng babae.

"Ah, Sinaglaw pala ang iyong ngalan." nakangiting sagot ni Hiwaga.

"At sino itong matipunong lalaki na ito?" tanong ng lalaki at aambahan sana siya ng suntok pero napigilan ni Sinaglaw.

"Wag kang padalos-dalos, narito lamang ako upang kumuha ng isda." sagot ni Hiwaga.

"Mabuti naman at ganoon." sagot ng lalaki.

"Sinaglaw ang aking pangalan. Ikaw?" sabi ni Sinaglaw na nakangiti.

"Ngalan ko? Ibig mo ba talaga akong malaman?" pagbabalik ng tanong ni Hiwaga.

"Halika na Sinaglaw, bumalik na tayo sa kapatagan." sabi ng lalaki at hinila si Sinaglaw paalis sa lawa.

"Teka. Lawis! Bitawan mo ako!" sigaw ni Sinaglaw habang pumipiglas siya sa pagkakabitbit ni Lawis. Napatulala lang si Hiwaga sa inaasal nilang dalawa.

"Hiwaga! Hiwaga ang ngalan ko!" sigaw ni Hiwaga sa papaalis na sina Sinaglaw at Lawis.

"Lawis pala ang iyong ngalan." biglang may naalala si Hiwaga sa lalaking iyon, tila bang nakita na niya ang lalaking iyon noon pa man.

"Bakit naaalala ko ang kanyang wangis hindi ko siya kilala." napailing na lang si Hiwaga at ipinapagpatuloy na niya ang paghuli sa isda.

Hiwaga at SinaglawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon