Huli at Una

20 3 0
                                    

Sibsib na ang araw, mumunting liwanag na lamang ang sumisinag sa maliit na siwang ng bintana sa itaas na bahagi ng bodega ng tahanan nila Hiraya.

Sumisigaw ang katahimikan kasabay ng katamtamang lakas ng hangin na inililipad paunti-unti ang mga kumot na pumapaibabaw sa mga lumang muwebles ng kabahayan.

Puno na ng agiw at alikabok ang mga kagamitan maliban sa nag-iisang sofa sa tapat ng bintana. Ang kaputian ng tela ay nasakop na ng basang likidong tumatangis sa kalungkutang natapos na.

Patak-patak ng dugo mula sa dulo ng  sapin sa sofa ang tanging ingay na muling narinig sa bahay sa loob ng maraming taon.

Dumadaloy ito sa kahoy na lapag kung saan unti-unti nitong dinudumihan ang kaninang puting papel na ngayon ay kulay pula na.

Idagdag pa natin ang dugo mula sa hubad na katawan ng isang dalagang may maputing kutis. Mahaba ang mga pilik mata niyang bumabagay sa maganda niyang mga mata, punong puno ng emosyon sa kabila ng pagkakadilat nito na hindi na muling makakakurap pa. Likas na mapupula ang mga labi niyang marami ng pinagdaanan.

Maputi rin ang kanyang leeg pababa sa kanyang dibdib na may mahabang sugat na may mga sariwa pang dugo. Ganun din ang kaniyang mahahabang hita at binti. Nakakapang-akit pa rin ito sa kabila ng mahabang hiwa na binubulwakan na rin ng dugo.

Gumulong ang takip ng ballpen mula sa pagkakalagay nito, hindi na niya muling nasarado ang ballpen na hawak hawak niya pa rin sa kabila ng hapdi ng kanyang pala-pulsuhan.

Hinangin ang panulat na ginamit niya upang sulatan ang kaniyang sarili dahilan upang matuyo ang mga nakadikit dito na dugo habang ang iba naman ay dumaloy sa ilalim nito.

Sa ilalim nito, muli ay ang papel na hindi na naipasok sa sobre. Kalahati ng papel ay nagkukulay pula na habang ang kalahati ay lumilipad lipad pa dahil sa hangin.

Muling lumakas ang hangin dahilan upang ma-ihantag ang ilang salitang nakasulat sa likod ng papel.

P.s Hindi lang pala ako naaawa, ikinahihiya rin kita... Hiraya.

Maya-maya ay mas lumakas ang hangin dahilan upang bumukas ang bintana ng mas malaki. Nagliwanag ang paligid.

Lumakas ang ingay sa paligid kung saan matutunghayan ang bukana ng isang mataas na gusali.

Mula sa isang bintana nito sa pangalawang palapag ay kitang kita ang isang dalagang nangangamba habang  hawak-hawak ang kaniyang tiyan. Sa tapat niya ay ang babaeng tinatansyang nasa edad trenta na may ipinapakita sa kaniya.

Larawan ito ng nasabing babae habang nasa bahay ampunan kausap ang isang madre.

Ang kasunod na larawan ay ang paghawak nito sa buhok ng isang batang babae na nakikilala ni Hiraya na noon ay halos sanggol pa.

Nakangiti ang batang babae sa pag-asang ang babae na iyon na ang sunod na magiging nanay niya.

Mabilis na tumulo ang luha ng disi-sais anyos na si Hiraya habang umiiling sa kaniyang mommy.

Hindi maaaring maranasan din ng batang ito ang naranasan niya.

Napangiti sa tagumpay ang babae habang inaalalayan niya si Hiraya papasok sa mahabang pasilyo.

Ngunit bago pa magbukas ang pintuan ng isang kuwarto ay muling nagbago ang isip ni Hiraya para sa kaniyang sinapupunan.

Minsan na siyang inabandona ng kaniyang sariling ina kaya hindi niya hahayaang iwanan din mag-isa ang kaniyang magiging anak.

Agad siyang kumalas sa mommy niya bago tumakbo palabas.

Hindi naman naalarma ang babae sapagkat inaasahan niya na ito kanina. Nagbilang lamang siya ng tatlong segundo bago muling nakita si Hiraya na kinakaladkad ng mga tauhan niya papasok.

Sa muling pagkakataon ay wala na naman siyang nagawa.

Tuluyan siyang humiyaw habang pinapanood ang ibang tao kung paano pagbalakang patayin ang anak niya.

Dumilim ang paligid at muling bumalik sa loob ng bodega sa lumang tahanan nila Hiraya.

Ngunit hindi nadatnan doon ang kaniyang katawan. Sa halip ay ang mga kagamitan lang na hindi pa lubos nagagamit.

Wala rin doon ang sofa na kinasasandalan niya kanina bagkus ay ilang mga karton lang na hindi pa lubusang naisasa-ayos at nabubuksan.

Lumakas ang ingay sa tapat ng malaking bahay. Sikat na sikat na ang araw at bagong bago pa ang nasabing tahanan. Kasalukuyan pa itong pinipinturahan ng isang lalaki.

Sa kabilang kanto ay bumitaw naman ang batang babae sa kaniyang nanay upang tumakbo patungo sa lalaking nagpipintura.

"Papa!" tawag niya rito bago tumalon upang yumakap sa kaniya. Agad naman siyang sinalo nito at binuhat pataas.

Tumatawa silang tinawag ang babaeng kasama nila kanina. Malugod naman itong lumapit bago nakisali sa kulitan ng kaniyang mag-ama.

"Saan gusto pumasyal ni Hiraya?" tanong ng papa niya sa pambatang boses.

Sabay-sabay naman silang naglakad patungo sa loob ng bahay.

Tuwang tuwa namang itinaas ni Hiraya ang kanyang dalawang kamay.

"Ta et em guwsto ni Hiwaya!" sigaw niya hindi inda ang bahagyang pagtama ng kamay sa itaas ng pinto na sinabayan niya pa ng maliliit na pagtawa.

"Okay okay, sa SM magbibirthday si Baby Hiraya, diba papa?" tugon naman ng mama ni Hiraya.

Tumango naman ang kaniyang papa habang nakangiti. Dahan-dahan niya ring isinarado ang pinto gamit ang isang libre niyang kamay.

Simula.

Unsaid Dissention: Hiraya Where stories live. Discover now