Walang hanggang hatinggabi ang tanging nakikita ko.
"Sir Gabriel hindi pa rin namin alam ang dahilan sa biglaang pagkabulag niyo, pero may gagawin tayong mga test kaya balik na lang po kayo rito bukas. Sa ngayon inumin niyo po ang gamot na ito," kalmadong ani ng doktor.
Hinawakan ng doktor ang kamay ko at naramdaman ko na lamang na may nilagay siyang bilog at magaspang na bagay sa aking palad. Narinig ko rin ang paglapag niya ng isang baso ng tubig sa mesa.
Nakakapanibago lamang na parang trinatrato akong bata bagamat may edad na ako.
Nilunok ko ang gamot sa aking palad at bumungad ang mapait na lasa nito sa aking dila. Sunod ko namang naramdaman ay ang malamig na tubig na dumaosdos sa aking lalamunan.
"Sige, bukas ulit. Salamat Doc," mahigpit kong hinawakan ang baston ko at lumabas. Minsan na akong gumamit ng baston, iyon ay noong napilayan ako sa paa ngunit iba na ngayon.
Malugod na yumakap sa akin ang malamig na hangin. Tuwing ganito, alam kong malapit nang umulan.
Pinakiramdaman ko sa aking baston ang bawat paga ng kalsadang dinadaanan ko. Tatlong buwan na simula nang nabulag ako. Sa tatlong buwan na iyon, wala akong kasama at wala pa rin akong kasama kahit hindi ako bulag.
Matapos mawala ang aking paningin, napagpasyahan kong tanggapin ito at sulitin ang buhay na binigay sa akin. Hindi ito naging madali sa una, lalo na sa palimbagang pinagtatrabahuan ko. Ang pag-aral ng braille ay lalong hindi madali.
Ang mga tao sa palimbagan ay labis na nakikiramay at pinapalabas na wala na akong magagawa sa buhay ko. Naaamoy ko ang peke at sapilitang pakikiramay. Napakabaho.
Malakas ang samyo noong mga unang linggo, subalit unti-unting nawawala habang nagiging abala ang karamihan sa pagsusulat.
Ang lahat ng aking pandama ay tila pinahusay ng higit pa. Ang amoy ng kasinungalingan at takot ay naging pamilyar sa akin at napatunayang mahalaga ang mga pandamang ito sa hinaharap na mga gawain.
Naging tunog ang wika ko at musika ay naging mahalagang kagalakan sa aking buhay. Simula nang mabulag ako, nakikita ko ang musika sa aking isip at nararamdaman ko sa buong katawan ko.
Ang halimuyak ng mga tao, bulaklak at pagkain ay napakahalaga sa aking araw-araw na karanasan. At higit sa lahat ay ang aking salagimsim.
Sa pamamagitan ng mga pandamda na ito, nagagawa kong maatim ang mga bagay sa aking buhay na sabi nila ay hindi ko raw magagawa at huwag ko nang subukan pa dahil sa aking kapansanan.
Oo, kilala ko ang buhay bilang makulay at puno ng liwanag, ngunit ngayon alam ko ang iba pang antas ng pamamaraan ng pamumuhay.
Ang mga tunog, amoy, panlasa, salagimsim at pisikal na pakikipag-ugnayan ay mas lumawak sa aking mga abilidad at kakayahan.
10% ng gamot
"Nasaan ang paa ko?"
Natigil ako sa aking paglakad nang makarinig ng matinis na tinig hudyat ng pagsakit ng aking ulo. Sobrang tinis na tumatagingting ito sa aking utak.
Marahil ay isa lang iyan sa mga nadadaanan kong mga tao. Pinagpatuloy ko ang paglakad at paghawak ng mga bagay sa aking gilid. Parehas pa rin ang antas ng ingay ng mga tao kaya alam kong hindi pa ako nakakaalis gaano sa lugar.
"Pinutol mo ang paa ko?!" ulit pa ng aking narinig. Hindi na nag-iisa ang tinig kundi maraming nagsambit ng mga salitang iyon. Masyadong matinis sa aking pandinig.
YOU ARE READING
Living by Ear ✔
Short Story[One Shot Story] Gabriel loses his ability to see, but can hear things he never heard before. Date Started: August 8, 2020 Date Finished: August 8, 2020 Highest ranks: #3 on ear #7 on hear Awards: First place in FVC Book Contest - 4th Season Best in...