Bernadette and Juniel - 1

1.3K 47 0
                                    


SA LAHAT ng ayaw ni Bernadette ay iyong inaapura siya sa pagbibihis. Dahil hindi lang naman simpleng pagsusuot ng damit ang kahulugan niyon sa kanya kundi ang marami pang seremonyas na kapag binilisan niya ang pagkilos ay inaabot pa rin ng kulang isa at kalahating oras.

Pero dahil sinasadya niyang bagalan ang pagkilos, magdadalawang oras na ay hindi pa maayos ang kanyang buhok.

"Hindi ka pa ba lalabas?" Nasa tono na ni Juniel ang pagkainip habang kinakatok nito ang pinto ng kanyang kuwarto.

"Six-thirty!" Mas iritado pa ang tinig na iginanti ni Bernadette.

"Six o'clock ang assembly!"

"Fine! Hindi naman pina-firing squad ang late," katwiran ni Bernadette. Naupo siya sa tapat ng tokador at pinakasipat ang ini-apply na makeup.

"I don't wanna be late!" Kahit kailan ay hindi papayag si Juniel na sa kanya ang huling salita. Mayamaya ay narinig na niya ang papalayong yabag nito.

"Come on, Princess. Bakit hindi ka pa matapus-tapos?" Malambing na bumungad si Mariel sa kuwarto ng dalaga. "Dalawang oras mo nang pinaghihintay si Juniel. Nakakahiya naman."

Sumimangot si Bernadette. "Mas nakakahiya yata sa akin, Mommy. Pagkatapos niya akong itsismis na prinsesa ng kotse, ako ang momolestiyahin niyang partner sa acquaintance party na iyon."

Lumapit si Mariel at dinampot ang hairbrush. Ilang strokes lang at tila kabisado na nito ang gagawin sa buhok ng anak. Pinahiran iyon ng mousse at saka dinampot ang mga hair clips.

"Princess, dalaga ka na ngayon pero napipikon ka pa rin sa mga panunuksong iyon ni Juniel." Hinati ni Mariel sa gitna ang buhok ng dalaga.

"It doesn't matter then, Mommy. Pero please lang, hindi ba puwedeng kalimutan na niya iyon? And worse, kahit hindi niya idinetalye sa buong college ang rason ay napukaw pa rin ni Juniel ang curiosity ng mga tao," bumuntong-hiningang wika niya habang pinapanood mula sa salamin ang pag-aayos nito ng buhok niya.

Natawa nang mahina si Mariel. Dati ay private joke lang iyon ng dalawang pamilya. Pamilya nila at pamilya nina Roselle. Subalit habang lumalaki ay walang pagbabago kina Bernadette at Juniel. Walang araw na hindi nag-aaway ang dalawa.

"Ano naman ang masama kung sa kotse kita ipinanganak?" amused na wika ni Mariel. "Iyon nga marahil ang rason kung bakit malapit tayo sa isa't isa. Imagine, sa halip na doktor ang unang humawak sa iyo ay ang daddy mo. You should be proud of it."

Tumaas ang isang sulok ng labi ni Bernadette. Dahil ang pangyayaring iyon ang madalas sabihin sa kanya ng ina. At sa tuwina ay nakalalamang ang ligaya sa himig nito kaysa sa embarrassment. Na dapat sana, kung gaano ka-proud ang kanyang mga magulang sa pagsasabing magkatulong ang mga ito para maipanganak siya ay ganoon din ang maramdaman niya.

Subalit para kay Juniel ay malaking katatawanan ang pangyayaring iyon sa buhay niya. Na para bang napaka-absurd na bagay sa mundong ito na sa kotse inabot ng panganganak ang mommy ni Bernadette. To think na kinakapatid pa naman niya ang binata dahil ninang niya ang mama nito.

"Tita, bubuhatin ko na iyan 'pag hindi pa lumabas!" malakas ang tinig na wika ni Juniel na muling tumapat sa silid ni Bernadette.

"Two minutes, hijo," maagap namang sumagot si Mariel bago pa man bumuka ang bibig ng dalaga.

Nagdadabog na isinuot ni Bernadette ang high-heeled sandals. Isa pa iyon sa ikinaiirita niya kay Juniel. Para bang ginayuma nito ang parents niya. Dahil kahit na singhalan siya nito sa harap ng sariling magulang ay bale-wala lamang iyon sa mga ito.

Minsan ay gusto na niyang magduda na baka mas mahal pa ng mga magulang si Juniel kaysa sa kanya.

"Hindi kasi marunong gumawa ang Ninang Roselle mo ng baby girl kaya ganyan ka-fond si Juniel sa iyo." Naalala ni Bernadette na sinabi sa kanya ng ama.

Open secret sa kanilang mag-anak na si Juniel ay anak sa unang asawa ni Roselle. Pantay lamang ang pagtingin ng mag-asawa kina Juniel at sa dalawa nitong half brothers na sina Ferdinand Roi at Froilan Rei.

Nakuha nina Ferdinand Roi at Froilan Rei ang pisikal na anyo ng amang si Frederick. Si Juniel naman ay nakuha ang kapilyuhan ng stepfather. Na hindi na niya pinagtakhan.

Nakagisnan na ni Bernadette na tuwing Linggo ay lilipat sa kanila ang pamilya ni Roselle. Minsan naman ay silang mag-anak ang bibisita sa mga ito.

Ang masaklap nga lang, sa kabila ng pagiging close ng kanilang pamilya, ay nakasanayan nila ni Juniel ang pagbabangayan.

Biglang sumagi sa alaala ni Bernadette ang isang bahagi ng kanyang kabataan...



"HELLO, Princess!"

Naagaw ang atensiyon ni Bernadette nang marinig ang masuyong tinig ni Juniel. Nahinto siya sa pagkakabit ng mga accessories ng kanyang Barbie doll. Subalit nang magtama ang kanilang paningin ay alam na niyang may kalokohan na namang gagawin si Juniel.

Kilala niya ang ngiting iyon. Mas kilala pa niya sa bawat edition ng Barbie doll na isa-isang kinokolekta ng ina para sa kanya.

"Ah, wawa, bata. Sa kotse ipinanganak. Ngii!" Sinamahan pa ni Juniel ng eksaheradong pagme-make face ang pambubuska.

Pinigil ni Bernadette ang pag-iyak.

Sa hitsura ni Juniel ay daig pa ang nakapanood ng horror movie na sinasabayan pa ng pagtawa.

"Siguro sa matting ka inilapag. Buti't hindi ka hinigop ng aircon!"

Hindi tumigil si Juniel kahit pa nga namumula na ang mga mata niya.

"Naka! Kung ako sa iyo, iiyak na ako. Iiyak, iiyak."

Natuluyang umiyak si Bernadette. Pero bago iyon ay ubod-lakas niyang ibinato ang hawak na manyika kay Juniel. Tumama iyon sa noo ng binatilyo at saglit na hindi nakakibo. Iglap lang ay dalawa na silang pumapalahaw ng iyak.

At para lang hindi mauwi sa matinding away ay namagitan na ang kani-kanilang mga magulang.

Hiyang-hiya naman si Mariel kina Roselle at Frederick. Paano'y namumula ang mukha ni Juniel na tinamaan ng manyika. Kaya naman pinalo si Bernadette ng kanyang ina sa mismong harap ni Juniel.

Inawat naman ni Roselle si Mariel. Katwiran ni Roselle ay nauna naman ang anak nitong mang-inis kaya hindi dapat paluin si Bernadette.

Gusto sanang magsaya ni Bernadette dahil pagkatapos niya ay si Juniel naman ang pinadapa at pinalo ng ina. Pero dahil nararamdaman pa rin niya ang unang kastigong tinanggap mula sa magulang ay matindi ang pagdaramdam niya.

Kauna-unahang pagkakataon iyon na nasaktan siya ng ina at si Juniel ang dahilan.

------ itutuloy -----

Maraming salamat sa suporta.

You can order some of my books from my Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Sometimes You Just Know - Volume 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon