Do you love me?
Mabilis kong inialis sa kalan ang tubig ininit, at nagsalin sa basong babasagin na nabili ko pa sa Divisoria. Kinuha ko ang dalawang garapon ng kape at asukal bago pum'westo ng upo sa harapan ng lamesa.
Nakakailang buntong hininga na rin ako mula pa kanina. At ilang beses na nga ba akong nagtimpla ng kape? Tatlo? Hindi ko alam.
Alas d'yes na ng gabi at ni bakas ng anino ng anak ko ay wala pa.
Napakunot ako ng noo at muling tinignan ang orasan.Baka sakaling 'pag humiling akong pauwiin na si Arisse ay tuparin na niya. Kulang nalang ay takbuhin ko ang labas sa tuwing may maririnig akong yabag ng paa, upang makita kung ito na ba ang anak ko.
Napapailing kong inihalo ang kape ko at sumulyap naman sa bintana.
Saan ba kasi nagpunta ang batang 'yon? Ilang beses ko bang isisiksik sa utak niya na hindi siya dapat nagpapaabot ng gabi sa daan at baka mapano siya.
Napasapo ako ng noo at dahan-dahang humigop ng kape, ngunit ibinuga ito nang mapansin kong wala pala itong lasa.
"Putangina talaga"
Naiinis kong kinuha ang garapon ng asukal at sa kamalas-malasan nga naman ay natapon pa ito sa suot kong bestida.
Para akong nababaliw. Nangingig ang kalamnan ko at tila gusto ko na lang sumabog sa sobrang inis. Padabog kong isinara ang garapon at itinapon ito sa pader.
"Malalagot ka talaga sa'kin, Arisse," naiinis kong sambit at inilagay sa lababo ang natapong kape ng ibato ko ang lagayan ng asukal.
Maya-maya pa'y isang yabag galing sa sala ang narinig ko. Tila mga pagod na paa na naglalakad papunta sa kinaroroonan ko.
"At bakit ngayon ka lang?" tanong ko, nagbabakasaling si Arisse na ang dumating, ngunit sa pagkadismaya ko ay walang sumagot sa'kin.
Mas lalo akong nainis. Naramdaman ko na ang dugo kong umaakyat sa bawat sulok ng katawan ko.
"Wala kang balak sagutin ako?" tanong ko ulit, habang patuloy na nililinis ang kalat sa lababo. Ngunit imbis na sumagot ay isang malamig na yakap ang sumalubong sa'kin. Yakap galing sa taong pinakamamahal ko. Ang kaninang inis ay napalitan ng matamis na ngiti.
"Akala ko ba ay bukas pa ng madaling araw ang uwi mo, Rick?" tanong ko habang binabanlawan ang mga hugasan. Sa gabi kasi ang trabaho niya kaya kataka-takang maaga ang uwi niya ngayon.
"hmm," mahinang sambit niya at inihilig ang pisnge sa mga balikat ko, habang nanatili lang akong nakatalikod.
"Ayos ka lang ba?"
"Yes, Love," sagot naman niya sa malalim na boses at ibinaon ang mukha sa leeg ko. Animo'y batang nanlilimos ng pagmamahal sa kan'yang ina.
"Do you love me?" tanong niya at marahang sinipsip ang balat ko. Napakainit. Bakit gano'n? Parang ayaw ko na lang sumagot at mas gugustuhin pang humarap sa kan'ya.
Napailing ako sa iniisip ko.
Pilit kong inilayo ang leeg ko sa mapanukso niyang mga labi at nagsimula nang iayos ang mga hinugasan kong gamit.
"I said, 'do you love me?" tanong niya ulit at mas hinigpitan ang pagkakayakap sa'kin, habang paulit-ulit na kinakagat ng marahan ang balikat ko.
"Putangina naman, kailangan pa ba itanong 'yan?" inis kong tanong pabalik sa kan'ya.
"Sa tingin ko?" sagot niya sa baritonong boses
Mas lalong nag-init ang mga tenga ko sa narinig at para bang isang teenager na kinakausap ng nobyo niya.
"At bakit mo tinatanong sa'kin 'yan?"
"At bakit hindi?" pagbabalik bato niya ng tanong at iniharap ako sa kan'ya.
Hindi ako makatingin ng diresto sa mga mata niya dahil para bang ano mang oras ay mahuhulog ako. Hindi ko alam kung bakit ako nahihiya. Nakatatawang isipin na malaki pa rin ang epekto ng lalaking 'to sa'kin.
"Tigilan na natin ang pagtatanong. Oo o hindi lang naman ang sagot sa tanong," sagot niya sa malamig na boses. Kung gaano kalamig ang kamay niya ngayon.
Hindi ko magawang kumilos o sumagot man lang. Bakit niya kinukuwestiyon ang pagmamahal ko? Hindi ba sapat na nararamdaman niya 'to?
Naiinis akong tumingin sa kan'ya at nagtanong, "Bakit?"
"Anong bakit? Tangina. Ang bobo mo na rin pala," naiinis niyang sabi habang ginugulo ang buhok.
Para akong sinaksak ng pa ulit-ulit sa mismong kinatatayuan ko dahil sa mga narinig. Anong bang problema niya?
"Anong sabi mo?"
"Sabi ko, ang bobo mo! Tangina naman!"
Parang lahat ng dugo ko ay umakyat pataas at namuo. Gusto ko siyang sapakin. Parang kanina lang ay ang lambing niya, tapos ngayon ay iinsultuhin niya ako?
"MAHAL MO PA BA AKO?!" sigaw niya na parang halos puputok na ang mga ugat na nakakabit sa leeg, habang ako ay nakatayo pa rin sa puwesto ko.
Nag-iinit ang gilid ng mga mata ko at para bang tinusok ng libo-libong karayom ang loob nito. Gusto ko siyang sampalin, pero hindi ko magawang maigalaw ang mga kamay ko. Tanging pagkuyom lang ang kaya kong gawin.
"ANO?! SUMAGOT KA!"
"MAHAL KITA! ANO BANG GUSTO MONG MARINIG?!" sigaw ko pabalik nang makakuha ako ng lakas ng loob
"Alam mo 'yong gusto kong marinig?"
Nanatili lamang akong tahimik habang hinihintay ang sagot niya.
Magsasalita na sana siya ng biglang mag-ring ang cellphone na nakapatong sa lamesa ko. Nanlalambot akong lumapit ro'n at kinuha 'yon.
Sinagot ko ang unregistered number sa telepono ko at nagsalita.
"H-hello?"
"Ito po ba ang asawa ni Mr. Carter at ina ng dalagang si Arisse?"
Heto na naman, ang pakiramdam na para akong tinatakasan ng kamalayan.
Napahinto ako saglit bago nagsalita, "Ako n-nga ho. Bakit?"
"Patay na po sila. Natagpuan po naming sumabog ang sasakyan ng asawa mo habang papunta sa airport. May narecover po kaming mga bagahe at gamit sa loob. Kunin niyo na lang po sa presinto, salamat." paalam niya at saka pinutol ang linya. Saka pa lang nagproseso ang mga nangyayari sa'kin ngayon. Lamlam ang mga mata kong tumingin sa lalaking mahal ko at umiyak.
"Alam mo 'yong gusto kong marinig? Na mahal mo pa rin ako kahit na niloko kita at ipinagpalit kay Arisse..."
