II

18 4 0
                                        

Kodokoshi

"Lolo, sa tingin mo, bakit kailangan nating mamatay? pwede namang hindi na lang, ' di ba po?" tanong ng pitong taong gulang kong apo sa 'kin, habang naka-upo ng de kwatro sa sahig at ang dalawang palad ay sapo-sapo ang kanyang maninipis na pisngi.

Pumalatak ako ng isang mahinang tawa at tumingin sa kan'ya. "Sa tingin mo rin apo?" balik kong tanong at kinuha ang tasa ng tsaa sa gilid ko.

Tumango-tango siya sa 'kin at tinignan ako na para bang ginulo ng tanong ko ang kan'yang isip. Parang ang isang konkreto niyang kaisipan kanina ay biglang nabuwal ng isang tanong. Kung tama nga ba siya.

"Sa tingin mo, ang mga hayop, mga tao: mabuti man o masama, gayundin ang iba pang nilalang ay dapat mabuhay ng walang hanggan? Hindi ba't para na rin tayong Diyos no'n?" tanong ko ulit, bago humigop ng tsaa at ipinagpatuloy ang pagsasalita. "Namamatay tayo para bigyang daan ang mga nilalang na dapat na mabuhay din. Masyado ka pang bata para maintindihan ako, pero paglaki mo, gusto ko ay magkaroon ka ng sariling pananaw at paniniwala. Hindi ko sinasabing sundin mo ako o ang sino man dito sa mundo, ang gusto ko ay paniwalaan mo ang sa tingin mo ay totoo, at 'wag bumase sa paniniwala ng karamihan..."

Tumango naman siya na parang lahat ng sinabi ko ay naunawaan niya. Nakatutuwang isipin na ganito rin ang pananaw ko noon, ngunit sa paglipas ng mga panahon, lahat ng detalye ay nabago.

"Lolo, ayaw kong mamatay ka..."

Nagulat ako sa sinabi niya, kung kaya't daglian kong naibuga ang iniinom ko. Kumalat ito sa aking damit pati na rin sa higaan.

Mabilis naman niya akong dinaluhan at pinunasan ng tela ang aking damit.

"S-salamat, Apo"

"Walang anuman, Lolo," sambit niya sabay ngiti nang pagkatamis-tamis sa'kin. Sa ganitong senaryo ay parang binubuhusan ng mga asukal ang t'yan ko.

Muli ay nagsalita siya, "Lolo, ang sabi ni mama, bukas ay aalis na raw kami. Ililipat na raw kami ng tirahan. Malayong-malayo. Sobra raw! Hindi na ba... kita makikita?"

Ang kaninang mga ngiti ay napalitan ng isang kurba. Kurba ng lungkot at pagkadismaya.

Alam ko ang tinutukoy niya...

Ngumiti ako nang masigla at tinitigan ang malulungkot niyang mata at saka nagsalita, "Makikita mo si Lolo. Hindi n-ngayon o bukas o sa makalawa. P-pero pangako...makikita mo ako...balang araw."

Yumuko ako at pinunasan ang butil ng luhang tumakas sa mata ko at muling tumingin sa kan'ya, hinawakan ang kan'yang mga balikat at ngumiti.

Kinabukasan ay hapon na nang makuha lahat ng gamit nila dito sa loob ng bahay. Nakaalis na rin sila. Ako, ako na lang ang mag-isa sa loob ng bahay na ito.

Sa loob ng kandadong kwarto na may apat na sulok at wala ni isang gamit, bukod sa itinira nilang higaan.

Tumingin ako sa bintanang tanging nagbibigay ng liwanag sa loob. Palubog na ang araw. Ang ganda sanang gunitain ng mga panahong malakas pa ako. Mga panahong kaya ko pang tumakbo. Pero hindi...

Isa na lang akong walang silbing matanda na walang alam gawin kun'di ang maratay sa kama at maging pabigat sa lahat.

Sino nga ba naman ang gugustuhing alagaan ang isang matandang palamunin at sakit sa ulo, at walang naidulot na maganda noong kalakasan pa. Isang matandang matapobre. Isang mapagmataas na tao.

Hindi na kataka-takang iwan ako at hayaang mamatay mag-isa sa loob ng kwartong ito at mabulok.

Napangitit ako ng mapait at tinignan ang pagbaba ng araw.

"Nalulungkot ako sa sinapit mo ngayon. Hindi ba't ganito rin ang ginawa mo sa 'kin noon?" bulong ng isang tinig sa'kin. Tinig na ang tagal ko nang hindi naririnig.

Muli ay ngumiti ako. Isang ngiti na napalitan ng halakhak hanggang sa tanging iyak na lang ang aking kasama.

Walang nakakita. Walang nakarinig.

Tanging ang apat na sulok na kwarto, malamig na sahig at ang paglubog ng araw ang saksi sa hapong 'yon.

Kung paanong ang hatol ni kamatayan at karapatang mabuhay ay naging isang bato.

Muli ay kinausap ako ng tinig sa aking isip

"Ganito ka rin noon..."

"Inabandona mo rin ako...anak."

One Tale at a TimeWhere stories live. Discover now