!!!Triggered warning!!!
***
"Simple lang naman yung tinanong ko diba? Tinanong ko lang kung bakit nandyan yang gamit ko? Bakit nasira? Hindi naman kita sinisisi diba?!" Malakas na sigaw niya.
Kinabahan ako bigla.
"Hindi ko nga kasi alam! Tsaka yang boses mo kasi namimintang paanong hindi ako magagalit?!" Pagmamatapang ko.
Bigla itong tumayo at dinuro ako.
"Ikaw! Wala ka na ngang kwentang asawa, sumasagot ka pa! Paanong hindi mo alam kung paano napunta yan dyan?! Ano naglakad yan papunta dyan kaya nasira? Ang sabihin mo sinadya mong masira iyan dahil sa galit mo saakin kagabi dahil hindi kaagad ako nakauwi. Tangina ka, walang-wala ka sa mga asawa ng mga katrabaho ko. Sila kung alagaan sila ng mga asawa nila halos wala na silang ginagawa pag-uwi nila. Ikaw, ipaghahain mo nalang ako parang labag pa sa loob mo tangina ka! Pagod na pagod ako sa trabaho para may makain kayong mag-iina pero hindi ka nakakatulong saakin. Wala kang kwenta!" Gusto kong takpan ang tenga ko dahil sa lakas ng sigaw niya. Naiiyak na ako sa sakit ng mga sinabi niya pero tinatagan ko ang loob ko at tinapangan ko ang mukha ko. Hindi ako iiyak. Pagod na ako.
"Sorry..." Hingi ko ng tawad para lang hindi na lumaki pa ang away namin.
Pagkatapos ay hindi na ako nagsalita pa ulit dahil baka kung ano lang ang masabi ko at lalo lang lumaki ang away namin.
Nag-iwas ako ng tingin. Tama naman siya e. Wala akong kwentang asawa. Kulang ako sa lahat ng bagay. Pati sa pagiging ina kulang ako, pero sana malaman at makita niyang sinusubukan ko naman.
"O ano yun na 'yon? Tama ako diba? Wala kang kwenta! Ilang beses na kitang kinausap tungkol dyan sa pag-uugali mo pero parang hindi parin pumapasok sa isip mo ang lahat ng sinabi ko. Nakakasawa kang pagsabihan. Bobo ka ata e kaya ka ganyan!"
Lumunok ako ng paulit-ulit at kinagat ang dila ko para hindi ako maiyak.
Sanay na dapat ako e. Halos araw-araw kaming nag-aaway. Halos araw-araw niyang pinamumukha saakin kung gaano ako ka walang kwentang babae. Dapat sanay na ako, pero bakit ang sakit parin?
"Kung wala lang talaga tayong anak matagal na kitang iniwan. Bobo!" Nakita ko sa gilid ko ang pagtalikod nito at pag akyat sa hagdan.
Nang mawala na siya sa paningin ko ay kusang tumulo ang mga luha ko.
Kung tutuusin simpleng away lang ito e. Dahil lang sa nasira ang paborito niyang damit ay nag-away na kami. Wala talaga akong alam kung bakit napunit iyon pero may ideya na ako kung sino ang nakasira n'on. Ayoko lang sabihin sakanya dahil baka paluin nanaman niya ang panganay namin.
Tsaka alam kong tama siya. Na wala akong kwenta. Alam ko yun, alam kong nagsasawa na siya saakin. Pero kahit ako hindi ko na maintindihan ang sarili ko.
Simula ng manganak ako sa pangatlo kong anak napansin ko ang pagbabago sa sarili ko. Nawalan ako ng gana sa lahat ng bagay. Pakiramdam ko walang nakakaintindi saakin. Bigla nalang akong matutulala at manghihina. Palagi akong malungkot kahit na wala namang dahilan.Pati ang mga anak ko hindi ko na din maasikaso ng maayos.
Sinabunutan ko ang sarili ko.
"Ano ba talaga ang nangyayari saakin? Bakit ako naging ganito?" Desperado kong tanong kahit na wala namang nakakarinig saakin.