tatlong libo dalawampu't isa

13 0 0
                                    

"Ipangako mo sa akin na hindi ka magiging katulad nila." 

Ang linya na paulit-ulit na umaalingawngaw sa aking tainga kasabay ng mga balang patuloy na tumatama sa mga gusaling gawa sa bakal sa aking paligid.

Hindi ko makakalimutan ang araw na iyon nang magising ako sa ingay ng mga taong bigla na lamang pumasok sa aming tahanan. Dali-dali akong lumabas sa aking kwarto at nadatnan ang mga taong hinahalughog ang kwarto ng aking amang walang magawa kung hindi panoorin sila na gawin iyon.

Nang makuha ang kanilang gusto, nawala na lamang sila nang parang bula at iniwan ang nagkalat na mga kagamitan. Tulala ang bawat isa sa amin ngunit nagpatuloy na lamang na parang walang nangyari dahil malinaw na wala naman kaming karapatan at wala nang magagawa pa.

Sa kabila ng pagkawalang bahala, alam ko na malaki ang nawala sa aking ama. Alam ko na mahalaga iyon para sa kanya dahil ilang taon niya iyong pinagtrabahuhan at alam ko rin na mula nang araw na iyon, magbabago na ang lahat.

Patuloy ang aking pagtakbo sa gitna ng kaguluhan at patuloy din ang paghabol nila sa akin. Lumiko ako sa isang kanto ngunit hindi ko namalayan ang isang malaking harang at ang paibabang kalsada kaya't ako ay gumulong-gulong. Hindi ko maiwasang maisip kung paano umikot ang mga pangyayari sa paglipas ng panahon.

Alam ko na sa akin nagsimula ang lahat ngunit hindi ko inasahan na magbubunga ito sa kasamaan. Natural na ata sa mga tao na maghangad ng mas mataas pa sa tinatamasa. Hindi titigil hangga't hindi nakakamit ang kapangyarihan na mapasunod ang iba. Tama nga ang aking ama.

Napatingin ako sa langit nang marinig ang sirena. Hindi talaga nila ako pakakawalan ngunit hindi ako pwedeng magpahuli hangga't hindi ko pa nagagawa ang huling hiling niya. Napahinto ako at lumingon sa aking likuran upang tignan ang mga humahabol sa akin. Mukhang malayo na ako sa kanila pero hindi ako pwedeng mapanatag. Ilang oras na lang ang nalalabi upang magawa ko iyon. Kailangan ko nang bilisan. Nagulat ako nang may humarang sa akin. Lalagpasan ko na sana nang bigla itong magsalita.

"Pinapagod mo lang ang sarili mo." nakatitig ang mga walang emosyong mata sa akin. Blanko ang kaniyang ekspresyon. Kinilabutan ako nang maisip ang sarili bilang katulad nito. Hindi. Hindi maaari. Sinubukan niya akong harangan ngunit naiwasan ko ang kaniyang mga kamay.

Maraming katulad niya sa paligid pero hindi kumikilos hangga't walang utos. Mukhang hindi pa nila planong gamitin ang mga ito. Kung gayon, wala pa silang ideya. Lumiko ako sa mga kabahayan na gawa sa naglalakihang bakal. Sinuyod ko ng tingin ang mga bahay at napagtantong wala na ang mga tao dito, naaayon lamang sa plano. Tumakbo ako patungo sa dulong bahay at mabilis na pumasok doon.

"Nakaalis na ang iba." Salubong sa akin ng matalik na kaibigan ng aking ama. Tinignan ko ang mga taong naririto. Iilan na lamang ang natitira. Umupo ako at inilabas sa bulsa ang isang maliit na papel na iniwan sa akin ng aking ama bago siya mawala.

"Kahit anong mangyari, huwag mong hahayaang maging alipin ka ng mga nasa itaas. Hindi ka katulad nila."

Hindi ako magsasawang basahin ang mga salitang ito na nagsisilbing gabay sa akin. Binaliktad ko ang papel at tinignan ang guhit ng isang mapa patungo sa isang lugar. Ito ang lugar na kabaliktaran ng mundong binago na ng teknolohiya. Ito ang huling bagay na pinaghirapan at pinagtagumpayan ng aking ama bago siya mawala na lingid sa kaalaman ng iba. Nang halughugin ang aming tahanan, nakuha nila ang mga pinaghirapan ng aking ama ngunit hindi nila nakuha ang kaniyang mga ideya.

Tumayo ako at dumiretso na sa likurang bahagi ng bahay upang sumama na sa pag-alis ngunit narinig ko ang tunog ng mga sasakyang papalapit na sa aming kinalulugaran. Dali-dali kong pinapasok sa isang makitid na daan ang mga natitira pa at bago ko maisara ang pinto,

"Paano ka? Kailangan mong sumama sa amin. Ipinangako ko sa iyong ama na sisiguraduhin kong maililigtas kita mula sa kanila." tanong ng kaibigan ng aking ama.

"Ako na ang bahala sa sarili ko. Ang mahalaga ay mailigtas mo ang mga tao. Salamat sa iyong pagtulong. Paalam." nginitian ko siya bago ko tuluyang isinara ang pinto at pinindot ang isang maliit na butones sa gilid ng isang haliging napapalibutan ng mga kagamitan upang maitago ang lagusang ito.

Biglang bumukas ang pintuan at mabilis na nagsipasukan ang mga humahabol sa akin kanina. Pinaputukan ako ng mga bala. Dalawampu't isang bala. Ni isa walang tumagos sa aking katawan. Sa bawat bala ay isa-isang bumalik ang aking mga ala-ala sa loob ng dalawampu't isang taon mula nang maging tagumpay ang aking ama sa pagbuo sa akin. Ang mga payo niya ay paulit-ulit sa aking isipan.

"Mabubuhay ka bilang isang tao na may kakayahang makaramdam at makapag-isip upang gumawa ng mabubuting bagay. Darating ang panahon na magkakaroon na rin ng ibang katulad mo na maaaring magamit para sa kapangyarihan. Ipangako mo sa akin na hindi ka magiging katulad nila."

Nagtanguan ang mga ito senyales na nakumpirma na nila ang kanilang hinala sa aking pagkatao. Napasigaw ako nang malakas nang maramdaman ang kuryenteng nagmumula sa isang maliit na bagay na inilapit nila sa aking katawan. Ito na nga ang katapusan. Ang katapusan ng aking buhay bilang isang tao.

"Kailanma'y hindi ako magiging katulad niyo." ang aking huling sinabi bago ko inalis ang parte na nagbibigay sa akin ng kakayahang mabuhay. 



---

tatlong libo dalawampu't isaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon