"Frits."Lumingon ako sa kung saan nanggagaling ang boses na iyon. Napangiti ako nang makita ko ang isang lalaki.
"Bakit—"
Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang bigla siyang tumakbo sa akin, tila ba nagmamadali at suot ang hindi maipaliwanag na ekspresyon ng kanyang mukha.
"Frits!"
Isang nakakasilaw na liwanag ang bumalot sa aking paligid. Unti-unti na ring lumalabo ang paningin ko.
Sa hindi kalayuan, nakita ko ang isang pigura ng babae, kumakaway ito sa akin. Kahit hindi ko maaninag nang maayos ang kanyang mukha, alam kong nakangiti siya sa akin.
"Frits halika, takas tayo,"
"Frits!"
"Frits!"
Nanghina ang aking tuhod at tila ba umikot ang mundo ko nang marinig ko ang sunod-sunod na sigaw nila sa pangalan ko.
"Frits..."
*
Isa lang iyan sa mga weird kong panaginip. Minsan nga, hinahabol ako ng duguan na tao, eh. Kaya minsan, hindi rin talaga ako nakakatulog nang maayos. Nasisira tuloy ang kagwapuhan ko dahil dito.
Nakatayo ako ngayon sa harap ng salamin sa kwarto ko. Naka suot din ako ngayon ng puting t-shirt at itim na pajama. Kahit na madilim ang aking kwarto, ang kaunting sinag ng araw na tumatagos sa kurtina ng bintana ay nagsilbing liwanag upang maaninag ko ang mukha kong ilang araw nang walang maayos na tulog—namumulta ang mga labi, at nangingitim na ang ilalim ng mga mata.
May naramdaman akong kakaiba kaya wala sa sariling napatingin ako sa paanan ko.
Napatitig lamang ako rito hanggang maramdaman ko ang malakas na paghatak sa akin pababa. Binalewala ko iyon at pinilit na maglakad papunta sa kama, ngunit kada hakbang ko ay siya ring bigat ng katawan ko.
Ilang saglit pa ay may narinig akong kalabog, idinilat ko nang maayos ang mga mata ko at nakitang nakahiga ako ngayon sa sahig. Napatitig ako sa isang pares ng paa na nasa harap ko at tinignan ang may-ari nito.
Saglit akong napatulala rito at walang kung ano man ang pumapasok sa isip ko. Isang gwapong bata ito at nakatitig sa akin—teka mukhang pamilyar siya—uy!
Tanging pagkunot na lang ng noo ang nagawa ko nang mag simula siyang umiyak.
Huh?

BINABASA MO ANG
The Bouyancy of Yellow
Teen Fiction◤ 𝘾𝙊𝙇𝙊𝙍 𝙎𝙀𝙍𝙄𝙀𝙎 #4 ◢ (Under revisions) 𝘐𝘧 𝘭𝘪𝘧𝘦 𝘩𝘢𝘴 𝘣𝘶𝘰𝘺𝘢𝘯𝘤𝘺, 𝘸𝘰𝘶𝘭𝘥 𝘺𝘰𝘶 𝘧𝘭𝘰𝘢𝘵, 𝘴𝘵𝘢𝘺 𝘪𝘯 𝘵𝘩𝘦 𝘮𝘪𝘥𝘥𝘭𝘦, 𝘰𝘳 𝘨𝘦𝘵 𝘴𝘵𝘶𝘤𝘬 𝘢𝘵 𝘵𝘩𝘦 𝘣𝘰𝘵𝘵𝘰𝘮? Frits Yellow Sachi is the last among the Sachi...