Ika-1 ng Marso, 2014
Minamahal na Kapatid,Ito ako, ang iyong kapatid - ang bunso sa atin. Sumusulat ako pagka't nalalapit na ang paglunsad ng silakbo na noo'y ating napa-amo at nilihisan. Ngayon siya'y nagbabadyang muli, ang anyong kasuotan nito ay mas marahas, mas tuso at mas delikado sa kanyang naunang balat. May kakayahan itong magpalit ng hugis at mukha pagkat isa sya sa mga opisyal na nangangatawan sa masa. Isang Alkalde. Ang Mayor ng buong Maynila. Balita ko'y ito na ang pangatlong pagkakaupo niya sa posisyon. Kinagigiliwan at nirerespeto siya ng masa doon, higit na lalo pa ng kanyang mga tauhan.
Tinupad ko ang aking pangako - na manirahan sa malayo kung saan ang mga magigiting na puno at mahignaw na karagatan lamang ang tanging natatanaw ko mula sa apat na sulok ng aking kubo. Kasabay ko sa pag-gising ang mahinay na melodía ng mga ibon sa paligid at ang matamis na diwa ng kalikasan. Tunay ngang guminhawa ang aking katauhan sa naging desisyon ko na ito. Ngunit sa pagkaka-ligpit ko sa aking sarili mula sa sibilisasyon hindi ko inaasahan o nahulaan man na maaari siyang magbalik at ipagpatuloy ang naudlot nitong gawain.
Ako ngayo'y naghahanda, aaminin bahagyang naantala, ngunit matalim na babawi.
Sa pagkakahimbing ko dito sa gubat at sa pag-tahan mo sa pook na hindi ko nais tapakan, at sa pag-kublai ng ika-limang Kapatid sa lilom ng mundong ibaba, si Lancel ay nagpapaka-tanyag. Masyado tayong naging maawain nang siya'y ating hinayaan noon. Masyado tayong naging tahimik.
Nais kong maglakbay sa ibaba, upang manmanan ang iyong anak, ang kanyang asawa, mga anak at ang mga tauhan nito sa buong Hacienda bago ang pagdating ni Lancel. Ako'y lulusog sa paglubog ng araw dalawang araw mula ngayon. Walang kasiguraduhan ang susunod kong liham para sa iyo kaya naman patuloy ka lang magmasid sa himpapawid, maging sa katahimikan ng gabi.
Asahan mo ang aking tulong at kalinga sa tabi ng iyong nag-iisang anak.
Nagmamahal,
Dahon Tula
BINABASA MO ANG
Swaraluna (Filipino)
General FictionYayanigin ng Pamilya Vallejo ang kapayapaan sa Hacienda Montemar makuha lamang ang pangalan ng nag-iisang taong pinagkatiwalaan sa buong kayamanan ng Swaraluna. Ngunit ang matagal na nilang hinahanap ay nasa harapan lang nila. Ano nga ba ang mas ma...