Tanghali, Ika- 25 ng Marso, 2014
Hacienda Montemar, Palawan
Abala ang buong Hacienda sa paghahanda; mula sa kusina hanggang sa likod-bahay kung saan naisipan ni Galyana na magtayo ng pansamantalang kainan — mas malawak kasi ang espasyo sa likod bahay kaysa sa kanilang pormal na hapag-kainan. Pinalilibutan ang likod-bahay ng mga makukulay na bulaklak — na sariling inalagaan ni Galyana — matitingkad na berdeng mga halaman at sariwang tabas ng mga damo. Pinaliligiran ang likod-bahay ng mga antigong pigurin at mga plorera na may mga matitikas na anyo at nakakabibighaning pintura. Mahilig si Galyana sa mga disenyong antigo, at kadalasan ay kanyang kinokolekta.
Nakikibahagi ang kalawakan ng langit sa espasyo ng likod-bahay. Mabuti nalang at banayad ang paghinga ng hangin at hindi gaanong masidhi ang titig ng araw, kaya maginhawa ang pagkilos ng mga tauhan, mga kasambahay, at maging si Galyana sa pagsasalin-salin ng mga gawain para sa magaganap na piging mamayang gabi. Ang pag-bisita ng isa sa mga kamag-anak ni Gaston ang inaabangan at may ingat na pinaghahandaan ni Galyana pagkat isa ito sa mga nakakataas, tinatangkilik at iginagalang na opisyal sa Maynila. Isang Mayor. At matagal-tagal na rin nang huling magkita sina Gaston at Lancel.
Kabi-kabila ang pag-uutos, pag-tuturo ni Galyana sa kanilang mga tauhan. Labas pasok ito sa loob ng mansyon at sa likod-bahay, maging ang hardin nila ay pinaayos na rin niya.
Nilapitan siya ni Gaston — matapos nitong sunduin ang mga bulaklak ni Galyana sa bayan — at niyakap mula sa likod, at binalaan ang asawa na maghinay lang sa pag-aayos at baka ito'y mapagod at maubusan ng sigla para mamaya. Hindi ito iniintindi ni Galyana at sinigurado kay Gaston na siya'y may lakas pa para gunitain ang mga bisita nila. Sa halip ay pinasundo ni Galyana sa asawa ang tatlong bunsong anak na nagpaalam kinaumagahan na sila'y patutungo sa kanilang kubo sa may talampas. Kumalas si Gaston sa pagkakayakap sa kanyang asawa at nagtungo sa hardin — na katabi lamang ng likod-bahay — at sa dulo ng hardin kung saan liblib at nakatago sa mga baguhang mata sa Hacienda, ang isang puting gate – na yari sa metal at may nakaukit na pigura ng isang aso, isang ibon at ang tatak ng kanilang pamilya na 'M'.
Pinitik ni Gaston pataas ang kawit sa pagitan ng gate at ng pader – na yari naman sa bato - at itinulak ito pasulong. Ilan lamang ang nakakaalam ng lagusan na ito sapagkat pili at ang mga pinagkakatiwalaan na tauhan lamang ang pinapapasok ng mag-asawa dito upang linisin at pangalagaan ang hardin at ang munting kakahuyan sa likod nito.
Mula sa hardin lumabas si Gaston at sinalubong ng mga matataas na puno na naghahari sa buong paligid, at ang naghahati dito ay isang malawak na daanan — ito'y pinupuno ng mga maliliit at puting mga bato — na maghahatid palabas sa isang pastulan na may kulay ginto at luntiang damuhan, sumasayaw sa pagkanta ng hangin. Napangiti si Gaston sa senaryong nasa harapan niya, panandalian siyang nanatili sa paanan ng kakahuyan at nilasap ang sariwang hangin, ang alingawngaw ng dagat at ang pambihirang tanawin.
Mula sa kanyang kinatatayuan, natatanaw sa dulo ng talampas ang puting kubo; malapad at mataas, simple at maaliwalas, maginhawa at komportable. Patusok ang kulay abo nitong bubong, ang apat na sulok ay sinusuportahan ng apat na makakapal at matatangkad na poste. Bukas ang mga bahagi nito — walang anuman bintana kundi mga puting kurtina lamang ang nakasabit — at tanging mga barandilya lamang – halos baywang ang taas – ang nakapaligid at nagbubuklod sa buong kubo.
Sa gitnang entrada ng kubo, may maliit na hagdan paakyat sa pahingahan nito. Matipid na nilakad ni Gaston ang layo magmula sa paanan ng kakahuyan hanggang sa marating niya ang puting kubo pagkat ayaw niyang ma-istorbo ang pagku-kumpol ng kanyang tatlong bunso sa pahingahan nito sa layong kaliwa. Nakaharap sa kanya ang likod ng mga ito at tila malalim ang pinag-uusapan, at nagbubulungan.

BINABASA MO ANG
Swaraluna (Filipino)
Ficción GeneralYayanigin ng Pamilya Vallejo ang kapayapaan sa Hacienda Montemar makuha lamang ang pangalan ng nag-iisang taong pinagkatiwalaan sa buong kayamanan ng Swaraluna. Ngunit ang matagal na nilang hinahanap ay nasa harapan lang nila. Ano nga ba ang mas ma...