ANG MUNDO NG HIWAGA
NAKARATING sa buong lahi ng mundo ng mga hiwaga ang balitang pagtitipon para sa pagpili ng mapapangasawa sa nag-iisang tagapagmana ng mga engkanto na si Prinsipe Makisig. Ang mga engkanto ang namumuno at nagpapatupad ng kapayapaan sa mundo ng hiwaga. Inaanyayahan ang lahat ano man ang antas na dumalo. Kung kaya naman nasasabik ang lahat na nagtungo sa kaharian ng mga engkanto suot ang kanilang pinakamagarang kasuotan. Maliban na lamang sa nag-iisang nilalang na tinatawag nilang bruha. Katunayan ay ito lamang ang hindi nakagayak sa naturang pagtitipong iyon.
Nababalutan ng itim na enerhiya ang buong katawan ng bruha. Natatakpan ng makapal at magulong buhok nito ang mukha. Wala pang nilalang sa mundo ng hiwaga ang nakakita sa kanyang mukha. Kaya naman walang nakakaalam sa tunay nitong anyo. Itim ang mahabang damit nitong sumasayad sa lupa. Kulay itim rin maging ang matulis at mahaba nitong mga kuko. Kahit saang anggulo tingnan ay walang kaakit-akit sa anyo ng isang bruha.
"Isa na namang nakabubugnot na gabi. Hindi ko maunawaan kung para saan pa ang ganitong uri ng pagtitipon para lamang pumili ang prinsipe ng kanyang magiging kabiyak," nababagot na reklamo ng bruha. Sabay tungga sa hawak na kopita na naglalaman ng katas ng ubas. Hindi alintana kahit mag-isa lamang siya sa malaking bilog na mesang iyon at tahasang nilalayuan ng ibang dumalo sa pagtitipong iyon.
Walang kahit isang nagsalita sa mga nilalang na nakarinig sa sinabing iyon ng bruha dala ng matinding takot dito. Kilala ang mga bruha na mapagtanim ng galit sa mga nilalang na kumakalaban dito. Bukod doon ay wala silang panama sa itim nitong mahika.
"But of course! Pinag-uusapan natin dito ang kinabukasan hindi lang ng prinsipe kundi ng buong mundo ng hiwaga, bruha," sabat ng bagong dating na si Mayumi, isang diwata. Bigla na lamang itong sumulpot mula sa kawalan habang may kaaki-akit na ngiting nakapaskil sa mapupulang mga labi.
Ito ang pinakamagandang nilalang sa mundo ng hiwaga. Natatangi ang angkin nitong kagandahan. Tila sa isang niyebe ang kulay ng balat nito at kasing dilim naman ng gabi ang mahabang buhok. Nakasisilaw ang puting kasuotan nitong humahakab sa magandang hubog ng katawan. Kaya naman hindi kataka-takang marami itong nabibighaning mga mortal. Ito lamang ang hindi natatakot sa galit ng isang bruha. Ginagamit nitong alas ang kagandahang taglay nito. Bagay na walang katangian ang isang bruha.
Awtomatikong kumulo ang dugo ng bruha sa pagdating ng hambog na diwata. Nadurog ang kopitang hawak niya sa higpit ng pagkakakuyumos niya doon. "Anong ginagawa ng isang tulad mo rito, diwata? Hindi ba at naakit ka ng manirahan sa mundo ng mga mortal?" Sikmat niya rito.
"Kataka-taka ba talagang narito ako sa pagtitipong ito? Oo at kay tagal ko na ring namimirmihan sa mundo ng mga tao subalit ito pa rin ang tahanan ko. And besides, isang kabastusan kung hindi ako dadalo sa araw na ito gayong isa rin ako sa inimbitahan."
Mula sa salaming hawak na nakuha nito sa mundo ng mga mortal ay ibinaling ng diwata ang tingin sa bruha. Gaya ng dati ay nanghahamak na pinasadahan nito ng tingin mula ulo hanggang paa ang kaharap. Pagkuwa'y puno ng disgusto itong umismid.
"How about you, bruha? Karapat-dapat ka bang naririto sa bulwagang ito? Sa pagkakaalam ko'y ngayong gabi gaganapin ang pagpili ng prinsipe ng kanyang magiging kabiyak. Nakalimutan mo na bang kahit kailan ay wala pang bruha ang naging reyna sa mundo ng hiwaga? Ang mga katulad kong kaakit-akit na nilalang lamang ang maiibigan at nararapat sa isang prinsipe. Hindi ang mga gaya mong... bruha," pagkatapos ay nang-iinsulto itong tumawa ng malakas.
Nahintatakutang napalayo sa dalawa ang ibang nilalang na naroroon. Nahihinuha na nila kung saan patungo ang tagpong iyon at ayaw nilang madamay sa gulo.
"Payo lang, bakit hindi mo kaya subukang magtungo sa mundo ng mga tao. Doon ay natitiyak kong matututunan mo na ring mag-ayos ng iyong sarili. Malay mo mahanap mo rin ang iyong prince charming." Dagdag na panlilibak pa ng diwata. Gumamit pa ito ng mga salitang natutunan nito sa matagal na paninirahan sa mundo ng mga mortal.

BINABASA MO ANG
The Gate of Another World
FantasyUnleash your imagination and open your mind from endless possibility of another world.