UNO: INCOGNITUS

1 0 0
                                    

BATA pa lang ay marami ng nakikitang kakaiba si Azul. Alam niyang hindi lang ang mga tao ang nabubuhay sa mundong ito. Katunayan ay marami na siyang nakitang mga kakaibang nilalang na nakikisalamuha sa mga tao, umaastang parang tao at nabubuhay kasama ang mga tao. Incognitus ang tawag niya sa mga kakaibang nilalang na nakikita. Incognitus na ang ibig sabihin ay unknown.  Walang pagkakakilanlan. Walang kinabibilangan sa mundo. Halos lahat na yata ng anyo ng incognitus ay nakita niya na maliban na lamang sa babaeng ito.

Pasimpleng nagbuga ng hangin ang binata nang sa wakas ay lubayan rin siya ng nakakatakot na nilalang na iyon. Halos hindi makahinga si Azul nang lapitan siya nito. Sa buong buhay niya ay ngayon lang siya natakot para sa sariling kaligtasan. Akala niya'y magiging katapusan niya na. Bakit ba naman kasi hindi niya napigilang matawa kanina habang tila naglalabas ng sama ng loob ang bruhang ito sa kung sino mang nanakit dito? Mukha pa namang bad mood ang babae. Dapat ay nagpanggap na lang siyang walang nakikita o naririnig gaya ng madalas niyang gawin kapag nakakakita siya ng mga kakaibang nilalang gaya nito.

Pero kung ang iba ay agad niyang napapaniwala na hindi niya sila nakikita, hindi ang babaeng ito. Bilib talaga siya sa talas ng pakiramdam nito. Mabuti na lang at nagbingi-bingihan siya sa mga tanong nito at nagbulag-bulagan sa mga ginagawa nito. Nagkunwari rin siyang walang nararamdaman habang tinutusuk-tusok nito ang kanyang pisngi. Kahit sa totoo lang ay gusto niya ng tabigin ang kamay nito. Masakit kaya ang pagkakatusok ng mahahaba nitong kuko sa pisngi niya.

Pasimpleng sinilip ni Azul ang bagong species ng incognitus. Magulong buhok, sira-sirang damit at mukhang hindi pa yata naliligo bagaman wala naman siyang naaamoy na masangsang dito. May maitim ring aura na bumabalot sa katawan nito. Kahit saang anggulong tingnan ay matatakot ang kahit sinong makakakita dito. Hindi malabong bangungutin pa ng gising ang taong magkakamaling makakita sa babae. Sino kaya ito at ano ang ginagawa nito sa ganoong klaseng lugar? Ito ba ang teritoryo nito? Subalit kataka-takang ngayon niya lamang ito nakita. Hindi kaya naliligaw ito?

Biglang tumingin ang incognitus sa gawi niya. Natatarantang mabilis niyang iniiwas ang paningin dito at kunwa'y nag-inat.

"Mukhang uulan pa yata. Kanina ay maganda naman ang panahon," kunwa'y kalmadong pagkausap ni Azul sa sarili kahit ang totoo'y nagsisimula na siyang pagpawisan ng malapot. Kumakabog ng malakas ang dibdib niya. Nakahalata kaya ito?

Naalarma ang binata nang maramdaman niya ang papalapit na yabag ng incognitus.

"Makauwi na nga."

Kunwa'y balewala siyang tumayo at patuloy lang sa pagpapanggap na hindi ito nakikita. Sukbit ang camera sa leeg ay nagsimula na siyang lisanin ang lugar.

Ngunit bigla na lang siyang natilihan nang maramdaman ang pagsunod sa kanya ng incognitus. Gustuhin mang kumaripas ng takbo ng binata ay hindi niya magawa. Baka ikapahamak niya pa iyon kung sakali. Pilit na lang niyang kinakalma ang sarili at kumilos ng normal.

Bakit ba ako sinusundan ng babaeng ito? Sa loob-loob ng binata.

Nilakihan at binilisan ni Azul ang mga hakbang sa pag-asang lulubayan rin siya nito. Napatunayan niya na ritong hindi niya ito nakikita, hindi ba? Kaya ano pa ang kailangan nito sa kanya?

Please lang, tantanan mo na ako!

Azul took a deep sigh. Kung puwede niya nga lang sana iyong sabihin dito.

Animo hulog ng langit na saktong may paparating na taxi. Mabilis itong pinara ng binata at dali-daling sumakay sa back seat na akala mo ay hinahabol ni kamatayan. Kung sabagay mukha naman talagang si kamatayan ang incognitus na nakita niya minus the scythe. Pakiramdam ni Azul ay tumakbo siya ng milya-milya sa sobrang bilis ng tibok ng puso niya.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 05, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

The Gate of Another WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon