Nagising nalang ako sa sikat ng araw na tumama sakin mula sa bintana ng kwarto ko. Napabangon ako ng maalala ang nangyari kagabi.
Anong nangyari? Bakit ako nandito? Nasaan si Harold?
Agad akong bumaba upang hanapin si Daddy. Malamang ay may kinalaman sya sa nangyari.
"Nasaan si Harold? Anong ginawa nyo sa kanya?!" Matapang na tanong ko ng makita ko ito sa kanyang lamesa.
"Wala akong ginawa." tanging sagot nito.
"Dad, naman! Ano bang nagawa ko sa inyo?! Ano bang kasalanan ko?! Bakit pinapahirapan nyo ko?!" Umiiyak na tanong ko habang unti unting nalalaglag ang mga tuhod ko sa simento.
Hindi ko sya maintindihan. Bakit ba ganto ang turing nya sa'kin? Kahit minsan, hindi manlang nya inintindi kung anong nararamdaman ko. Palagi nalang ganito!
"Intindihin mo naman ako, Kim! Bakit ba hindi mo matanggap na para sayo din 'tong ginagawa ko?! Bakit ba hindi mo makita yung mga bagay na ginagawa ko para sayo?! Para sa kinabukasan mo!"
"Intindihin kita? Bakit? Ako ba inintindi mo? Ni minsan ba tinanong mo ko kung ayos lang ba 'ko? Hindi di'ba?.. Dad, iba yung gusto ko sa sinasabi nyong kinabukasan ko.."
Hindi ko na sya hinintay na sumagot at umalis na. Pumasok ako sa kwarto ko at naghintay na umalis sya sa sala.
Siniguro ko munang walang makakakita at nakabantay bago ako lumabas ng bahay. Dumaan ako sa likod gaya ng lagi kong ginagawa.
•••••
Inabot na ako ng gabi sa park kahihintay. Umaasang makikita ko sya rito anumang oras.
Ilang minuto na ang nakalipas ngunit kahit ang anino nya ay hindi ko pa nakikita. Nasaan ka na ba Harold?
Oras na ang nakalipas ngunit wala parin sya. Wala na din ang mga taong namamasyal. Wala nang nakabukas na ilaw galing sa mga bahay.
Ngayon ay ramdam ko na ang pag iisa. Unti unti nanamang pumapatak ang mga luha ko.
Nasaan ka na, Harold? Akala ko ba gusto mong samahan kita? Nasaan ka?
Ilang araw at linggo pa ang lumipas, palagi akong nandito tuwing gabi ngunit hindi ko parin sya nakikita.
Eto nanaman. Nawala nanaman sya. Iniwan nanaman nya 'kong mag isa. Nawala nanaman sya na parang bula.
•••••
Isang buwan na ang nakalipas mula noong huling kita ko kay Harold. Mula noon ay nanatili na lamang sya sa isipan ko ngunit wala sa tabi ko.
Inalalayan ako ni Jacob na makababa ng kotse pagdating namin sa bahay nila.
Tuloy na ang kasal. Hindi ko na kayang lumaban pa. Lalo na kung ang taong ipinaglalaban ko ay bumitaw na.
Napahinto ako sa paghakbang nang makita ang isang pamilyar na lalaking nakaupo sa harap ng mahabang mesa. Ang lalaking kay tagal kong hinanap, nandito lang pala.
Hindi ko maipaliwanag kung anong emosyon ang mayroon sya. Hindi sya mukang masaya pero hindi rin naman malungkot. Tila walang dinadalang problema.
Hindi agad ako nakagalaw. Ganoon din si Jacob dahil kasabay ko sya. Nang malinawan at magising sa katotohanan ay agad akong lumapit sa kanya.
"Harold..." Pagtawag ko dito. Hindi ko alam kung bakit wala manlang pumigil sakin na lumapit sa kanya, maging si Daddy ay nakatingin lang.
Sa wakas ay nilingon din nya 'ko. Pero parang mas gugustuhin ko pa kung hindi nya ko pinansin. Kung makatingin sya sakin ay para lamang akong simpleng tao.
Ang sakit. Sobrang sakit..
"Bakit hindi mo manlang sinabing nandito ka?" Yan na lamang ang lumabas na tanong mula sa bibig ko.
"Bakit naman kailangan ko pang sabihin sayo?" Napaatras ako sa naging tugon nya sa tanong ko.
"Harold... A-ano bang sinasabi m-mo?"
"Hindi mo kailangang malaman ang lahat ng tungkol sakin, Kim." Malamig na sagot nya.
"Kim, umupo ka na muna." Hinawakan ako ni Jacob pero inalis ko din ang kamay nya.
Nasasaktan ako. Nasasaktan ako sa emosyong pinapakita nya at ipinaparamdam nya sakin ngayon.
"Hindi! Harold, ano ba? Bakit ba ganyan ka? Ano bang nangyayari sayo?!"
Tumayo din sya at hinarap ako. Bakas ang galit sa mga mata.
"Normal ako, Kim! Ikaw lang 'tong nagbibigay ng malisya. Ikaw 'tong hindi makaintindi. Ano bang dapat kong ipaliwanag pa?"
Napaluha nalang ako sa inasta nya sa harapan ko. Pano nya nagagawang sabihin sakin yan?
"Di'ba mahal mo ko? Sabi mo hindi mo 'ko iiwan.. Harold, naman..."
"Yun lang ba ang dahilan mo? Sige, aamin na 'ko." Tinignan nya 'kong mabuti sa mga mata. "Hindi kita mahal, Kim. Nagsinungaling lang ako sayo. Ngayon, ikakasal ka na sa kapatid ko kaya tigilan mo na yang ilusyon mo!"
"Harold, tama na!" Hinawakan ulit ako ni Jacob sa braso at inilayo dito.
Nanatili akong nakatingin kay Harold. Pinapanood ang mga emosyon at reaksyon nya. Hindi ko manlang sya makitaan ng selos.
Hindi ko na kayang tumayo pa doon at gumawa ng eksena. Tumakbo ako palabas at hinayaang ang paa ko ang magdesisyon kung saan nya ko dadalhin.
Ayoko ng makita pa yung muka nya. Pano nya nagawa sakin 'to?
•••••
"Bakit mula yata nung dumating ako ay hindi ko na nakita yung dating saya sa mga mata mo, Kim? Anong nangyari sayo?" Tanong ni Jacob habang nakaupo ito sa tabi ko.
Hindi ko alam kung nasaang lugar kami. Huminto nalang ako at napaupo sa sahig ng mapagod ang mga paa ko. Hindi ko manlang nalayang nakasunod din pala sakin si Jacob.
"Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, hindi na sana ako sumunod kay Daddy, hindi na sana kita iniwan.." Malungkot na sabi nya.
Napatingin ako sa kanya. Halata namang nagsisisi talaga sya. Pero hindi ko sya mapatawad dahil hindi naman talaga ako galit sa kanya. Hindi ko naman alam ang nangyari.
"Alam mo ba yung nangyari sakin?" tanong ko.
"Alam kong nakalimutan mo 'ko sa sobrang pag iisip mo sa'kin noon.."
Naisip ko lang, ganoon ko ba sya kamahal dati at naging ganito ang epekto nito sa akin?
"Kung naaalala mo lang sana ako, hindi ka sana ganito ngayon.. Hanggang ngayon, Kim, limang taon na ang nakalilipas ngunit aaminin kong hindi parin nagbabago yung nararamdaman ko para sayo.." Seryosong sabi nito habang nakatingin sa mga mata ko.
Kung ikaw na nga lang sana ang minamahal ko ngayon, magiging masakit kaya para sa akin ito?
Napahawak ako sa ulo ko nang biglang sumakit ito. Tila nawala ang sakit sa puso ko dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko sa ulo.
May mga imahe akong nakikita. Hindi ko maipaliwanag! Parang unti unting bumabalik sa nakaraan ang isip ko pero hilong hilo na ko! Hindi ko halos ito makita.
Naririnig ko ang pagtawag sa akin ni Jacob ngunit hindi ko manlang maimulat ang mga mata ko. Para akong nasa isang ilusyon na hindi ko maipaliwanag kung ano.
Hindi ko na kinaya ang sakit sa ulo ko, hanggang sa wala na akong naramdaman na kahit ano.